the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Sunday, January 18, 2009

ang kasalukuyang lugar ng relihiyon sa daigdig


Sa “Religion vs. Science” at sa “The God Debate,” pinagtalunan ang pakakalugar ng relihiyon at siyensya sa daigdig dahil nga sa ngayon, nag-aagawan ang dalawa sa pagiging pangmundong pananaw ng mga tao. Sa isang banda, ang mga tradisyunal na tao ay naniniwala pa rin sa relihiyon dahil nga may pananampalataya sila sa Diyos na luimikha ng lahat. Sa kabilang banda, ang mga makabagong tao ay naniniwala naman sa siyensya bilang otoridad na makasasagot ng lahat ng bagay. Dahil dito, matindi ang tagisan ng dalawa dahil habang namomodernisa ang tao, lalong nanganganib ang relihiyon na mapalitan ng siyentipikong paniniwala.
Sa kasalukuyan, masasabing matindi ang pinagdaraanang pagsubok ng relihiyon dahil sa matitinding pagtuklas at imbensyon na nagaganap bawat sandali, lalong nailalaan ang paniniwala at, sa kalaunan, pananampalataya para sa siyensya bilang kasagutan sa lahat ng mga problema, tanong at mga misteryo sa daigdig. Gayunpaman, ginagawan ng paraan ng mga relihiyoso na iakma sa pagbabago ng panahon ang relihiyon upang manatili itong buhay at hindi basta maetsa-puwera ng siyensya bilang pangmundong pananaw. Halimbawa nito ang tinatawag na “intelligent design” kung saan ang mga nilikha ng Diyos ay nilalapatan ng siyentipikong termino upang maging ebolusyonaryo ang relihiyon. Masasabing may lugar pa sa daigdig ang relihiyon dahil hindi naman lahat ng bagay ay masasagot ng siyensya. Katunayan nga, hindi pa rin naman lubusang nasosolusyunan ang mga problema ng daigdig kahit na may pangako ang siyensya na ibigay ang utopia. Hindi rin basta mapasusubalian ang sobrang akmang pagkakabuo sa daigdig na hindi masasabing nagkataon lamang. May isang kinapal na puno ng karunungang dinisenyo ang sandaigdigan kaya nga nabuhay tayo. Hindi nakikita ang Maykapal na ito, ngunit hindi ibig sabihn ay hindi Siya umiiral. Sa halip, hindi talaga lubusang malilirip ng tao ang misteryo ng Diyos at kahit na siyensya ay hindi tuluyang mapabulaanan ang pag-iral ng isang intelehenteng Meron na nagging dahilan ng pag-usbong ng taoat daigdig. Hindi masasagot ng siyensya ang mga tanong ngunit may sagot ang relihiyon: ang Diyos. Kinakailangan lang na manampalataya upang maintindihan ang mga bagay sa daigdig, mula sa kultura, batas, sining, kalikasan, kahit na ang siyensiya. May lugar ang relihiyon sa daigdig hanggang hindi kakayanin at hindi talaga kakayanin ng siyensya na ilantad ang lahat ng misteryong hindi lubusang mauunawaan ng tao maliban na lamang kung may pananampalataya.

No comments:

Post a Comment