the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Tuesday, December 25, 2007

relatibismo bilang katotohanan sa goodbye, lenin!


Sa pelikulang Goodbye, Lenin!, ipinapakita ang katotohanan bilang relatibo. Nagiging relatibo ang katotohanan kung lahat ng pagkakalitaw ay pagkalitaw lamang sa kung sinuman ang tumitingin dito. Sa kaso ng pelikula, litaw at hindi tago sa nanay na kakagising mula sa coma ang pananatili ng sosyalismo sa bansang Silangang Alemanya. Lingid sa kanya ang katotohanang bumagsak na ang Pader ng Berlin at nakapasok na sa bansa ang kapitalismo. Kahit ilusyon lamang ang minaniobrang katotohanan ng anak niya para palitawing normal ang mga bagay sa Demokratikong Republika ng Alemanya, ito ang nakikita ng nanay na si Christiane.
Kung gagamiting pamantayan ang penomenolohiya ng katotohanan para pangatwiranan ang katotohanang ipinakita sa Goodbye, Lenin!, naipapakita ang katotohanan ayon sa paghuhusga ng pinalitaw na reyalidad. Isinisiwalat ng paghuhusgang ito na ang partikular na bagay ay makatotohanan sa kanyang sarili at, samakatuwid, hindi isang bagay na hindi totoo dahil iba sa kanyang sarili. Sa pelikula, reyalidad para sa nanay ang kinamulatang bansa sa pamamahala ng Nabubuklod na Partidong Sosyalista ng Alemanya, kahit pa sa labas ng kanyang apartment, reyalidad ng pagyakap ng bansa sa kapitalismo ang umiiral. Sa kanyang paghuhusga, litaw na reyalidad para kay Christiane na namumuhay pa rin siya sa rehimeng sosyalista: kumakain pa rin siya ng mga pagkain mula sa nakasanayang lalagyan, nakatira pa rin sa apartment na may kabagut-bagot na palamuti, nagsusuot pa rin ng lumang mga damit. Ito ang katotohanan ayon sa pagtingin ni Christiane: makatotohanan sa kanyang sarili ang sosyalismong umiiral sa kanyang namamalas na mundo at, kung gayon, hindi ibang mundong hindi sosyalista, halimbawa ay demokratiko. Ayon sa nakasanayan na, kahulugan ng sosyalismo ang reyalidad ng sosyalistang mundong litaw kay Christiane, kaya kumbinsido siyang ito ang katotohanan.
Ngunit totoo ring ang katotohanan ng husga ay pangalawa lamang sa mas orihinal na katotohanan. Ang orihinal na katotohanan, hindi nakakubli at nangangailangan ng liwanag bilang aletheia. Sa pagkakalitaw ng mga bagay, naliliwanagan ang tao dahil siya sa kanyang sarili ay isang uri ng liwanag. May kakayahan siyang humusga ng mga litaw na bagay-bagay dahil sa kaliwanagang ito. Kung walang katotohanan ang isang bagay, hindi ito makapagbibigay-liwanag. Wala ring makikitang liwanag dito ang tao kaya nga huhusgahan niya ito bilang palso, na nakalingid dito ang katotohanan. Kailangang mahubaran muna ito mula sa pagkakatago upang umayon ito sa reyalidad. Sa pagkakaayon nito sa reyalidad, susunod na ang pag-ayon dito ng tao dahil naglilitaw na ang bagay ng katotohanan bunsod ng kaliwanagang nagmumula rito.
Ito ang nangyari sa kaso ni Christiane: dahil sa kakaibang mga pangyayaring namamalas niya habang tumatagal at nagpapagaling, lumalabas na may palsong kamalayang nagbibigay-bisa sa hinuhusgahan niyang katotohanan sa bansa niyang sosyalista. Ang pagkakita niya sa dambuhalang anunsiyo ng Coca-Cola sa kalapit na apartment, ang mga kakaibang balita sa telebisyon, ang pagbebenta ng BMW sa halip na Trabant, ang paglitaw ng mga Kanluraning korporasyon gaya ng IKEA—lahat ng ito ay kakaiba sa pakahulugan niya ng sosyalismo. Kapitalismo ito; samakatuwid, ito ang katotohanang nakakubli ngunit dahil sa kanyang pagkakasakit at sa maniobra rin ng anak niyang prinoprotektahan siya mula sa posibleng nakamamatay na atake sa puso, hindi agad-agad lumitaw agad ang totoo. Gayunpaman, bilang taong may kaliwanagan sa katotohanan, nahuhusgahan niyang may palso sa kanyang mga nakikita. Hindi nagbibigay-liwanag ang mga nakikita niyang paulit-ulit na balita sa telebisyon; hindi umaakma ang nangyayari sa labas ng kanyang apartment sa mga pekeng bagay na hindi niya pa nadidiskubre hanggang isiwalat ng kasintahan ng kanyang anak. Sa pagkakahubad ng katotohanan, dito na naliwanagan si Christiane. Umayon na sa reyalidad ang obserbasyon niya sa kanyang paligid, at pagkakataon naman niya ngayong protektahan ang anak mula sa katotohanang natuklasan na ng ina ang totoo.
Anumang klase ng pagkukunwari para itago ang katotohanan ay hindi tunay na makapagbibigay-kaliwanagan, at ito ay masasalamin sa Goodbye, Lenin!. Oo nga at relatibo ang katotohanan depende sa tumitingin dito, ngunit kahit ilusyunin ng tumitingin na katotohanan ang mga bagay sa kanyang paligid, hindi nito mauungusan ang mas orihinal na katotohanang nalilingid sa paniniwala niya sa kanyang uri ng katotohanan. Totoo man siya sa kanyang husga sa reyalidad, ito ay totoo lamang sa kanyang sarili. Sa pagbibigay nito ng palsong liwanag, lilitaw ding hindi makatotohanan ang paghuhusga. Ang katotohanan, hinahayaan ang kanyang sariling isiwalat ang kanyang kahulugan upang sinumang humusgang ito ang totoo, makadudulog sa pinakamalapit na lapit sa logos.

No comments:

Post a Comment