the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Saturday, December 01, 2007

ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at epekto nito



Kada taas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, nagdudulot ito ng pangamba hindi lamang sa mga direktang nangangailangan ng langis para magpatuloy ang operasyon ng negosyo kundi pati na rin ang mga ordinaryong mamimili na hindi direktang gumagamit ng krudo ngunit binabata ang bawat hagupit ng pagtaas ng presyo ng langis mula sa ibang bansa.
Bawat bariles ng langis na inaangkat ng mga higanteng mamumuhunan gaya ng Shell, Caltex at Petron, ipinapasa nang mas mataas sa merkado lalo na kung sinasamantala ng mga ito ang mga pagkakataong magtaas ng kanilang presyo bawat litro ng diesel o gasoline. Pahirap pa rito ang batas sa deregulasyon ng langis pati na ang Expanded Value-Added Tax kaya nagpatung-patong ang taas ng presyo ng produktong petrolyo. Wala namang magawa ang pamahalaan sa pagtatakda ng mga dayuhang kompanya ng langis para sana magpatupad ng mahigpit at epektibong kontrol sa presyo.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudong inaangkat ng Pilipinas, hindi rin mapigil ang pagsunod ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Lagi nang may epektong domino ang krisis ng pagtaas ng langis. Sa pamamayagpag ng kartel sa pagitan ng mga higanteng kompanya ng langis, karaniwang mga mamimili ang nagdurusa sa pagtanggap ng mataas na bilihin.
Ganito maipapakita ang pasa-pasang kalagayan ng dagdag na presyo sa petrolyo at mga pangunahing bilihin: sa paglilipat-lipat ng anumang produkto mula gulay, bigas, de-lata hanggang kagamitan, gumagamit kadalasan ng mga sasakyang kumokonsumo ng langis para mapatakbo ito at makarating sa destinasyon. Habang mas malayo ang paroroonan, mas magastos ang konsumo sa gasolina. Maliit man o malaking mamumuhunan, binabata ang halos lingu-linggong pagtaas ng presyo ng langis sa mga kumpanya ng langis na diyata’t sumusunod lamang din sa dikta ng pandaigdigang merkado. Kaysa naman maapektuhan ang kalakal ng nagdedeliber na mga kumpanya, titiisin nila ang patong sa orihinal na presyo. Kung ayaw namang mabawasan ng mga mamumuhunan ang kanilang kita mula sa binagong presyuhan ng petrolyo, ipapasa nito ang pasakit sa pagdadalhan ng mga produkto. Maiisip ding hindi maaaring makaapekto ang ganitong pagtaas ng presyo sa dati nang kinikita kaya sa mga suki ng dineliber na produkto ipapasa ang patong sa presyo ng nasabing mga produkto. Dahil umangal man ay wala namang magagawa ang mga mamimili kundi lunukin ang dagdag na pahirap na pagtaas na presyo ng bilihin, bibilhin pa rin nila ang kinakailangan nilang produkto upang hindi makaapekto sa takbo ng kanilang pamumuhay. Kung hindi naman nila matanggap ang pasa-pasang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pipili na lamang sila ng alternatibong produkto o di kaya, susubuking tanggalin sa sistema nila ang pagkahirati sa mga produkto. Malaki at masalimuot ang krisis-pang-ekonomiya ito dahil ginagawang palaasa tayo sa mga produktong kinakailangan pang iangkat.
Dahil sa inutil din lamang ang pamahalaan sa, halimbawa, pagtanggal ng batas ng deregularisadong langis o kaya ay suspension ng E-VAT sa mukha ng regular na pag-akyat ng presyo ng krudo, ipinag-utos ang malawakang pagtitipid ng enerhiya sa lahat ng pampamahaalang opisina at tanggapan. Hindi naman ikinukunsiderang maghanap ng alternatibong pagkukunan ng langis o pagkontrol ng presyo nito kaya sa mas mataas na presyo ng langis kada lingo, wala ring humpay ang pagtaas ng bilihin.

No comments:

Post a Comment