Mula sa ginawarang iskrip ni Ned Trespeces at pagdirehe ni Gilbert Perez, ang Jologs (Star Cinema, 2002) ay pumapaksa sa tila ‘di-magkakaugnay na buhay ng ilang kabataang tauhan ngunit sa totoo lang, tagni-tagni talaga ang bawat isa dahil ayon nga sa tauhang si Issa (Assunta de Rossi), anim na digri lamang ang naghihiwalay sa kanilang lahat.
Bastardong anak ng isang mayamang kinatawan si Ruben (John Prats), na natanggalan ng scholarship dahil natuklasan ng paaralang anak-mayaman naman siya. Determinadong makapag-aral si Ruben, pruweba ang pagtratrabaho niya sa Barako Café para may maipantustos sa matrikulang halos ipinagdadamot ng ama at ang pagkapit niya sa desperasyong nakawan ang kongresista kung para lang may maipang-aral. Dominanteng may-ari at tagapamanihala naman ang boss niyang si Trigger, dahil sinisinghal-singhalan siya pati na ang guwardiyang si Mando (Diether Ocampo). Matiisin naman si Mando dahil natatagalan niya ang ugali ng amo kung para lamang sa konting kita ay huwag nang mangibang-bansa uli ang kinakasamang Japayuking si Chona (Michelle Bayle). Magtatagpo naman ang landas ni Mando at ang kaibigang bakla ng Japayuki na si Cheryl (Baron Geissler), na may gusto sa kaeskuwelang si Ruben at muntik magahasa ng pumik-ap na si Trigger. Liberal naman si Issa dahil hindi niya kinailangang maging sunud-sunurang babae sa napupusuang si Inigo (Dominic Ochoa), ang konserbatibong pinagpupustuhan nina Issa at mga kakuwarto niya. Kagrupo ni Inigo sa relihiyosong grupo si Faith (Jodi Santamaria), na nang mapagtantong maikli ang buhay ay gusto nang magpakaligaya sa kamunduhan sa piling ng dating seminaristang si Dino (Patrick Garcia). Si Kulas (Vhong Navarro) naman ay isang desperadong gusto nang magpatiwakal.
Kahit nasa bitag ng maraming “samantala” ang magkakahiwalay na kuwento ng mga buhay ng mga tauhang nabanggit, magtatagpo ang lahat sa isang gabi sa Barako Café. Bukod kina Ruben, Mando at Trigger na nasa café na, nagtagpo rin doon sina Faith at Dino matapos ang katawa-tawang pagsubok nila na magniig. Nasalubong ni Faith si Issa, na tinakasan ang relihiyosong grupo ni Inigo dahil mali ang inasahan niyang magtatalik sila ng pinakikipagpustahan. Nagmumuni-muni naman sa isang tabi si Kulas. Dito rin nagkatagpo sina Mando at Cheryl. Lahat ng ito sa isang gabi sa café. Hindi naman malayo sa katotohanan ang pagkakataong pagkakatagpo sa café, dahil sa Pilipinas, isang dahilan ng pag-usbong ng sandamakmak na café ang paggamit dito bilang tagpuan ng bayan, literal man o pagtagpo man ng katahimikan.
Lumabnaw man ang direksyon ng pelikula dahil sa dami ng mumunting banghay para ipilit ang pagbibigay-balanse ng pokus sa bawat tauhan, naipamalas dito ang masalimuot na tunggaliang pangkatauhan at panlipunan gaya ng machismo ni Trigger laban sa kabaklaan ni Cheryl, ng kapitalismo ni Trigger laban sa uring manggagawa ni Mando, ng liberalismo ni Issa laban sa konserbatismo ni Inigo, ng pagpapatuloy sa buhay nina Kulas, Faith at Dino, at ng pagiging bastardo ni Ruben laban sa lehitimo niyang karapatan sa sustento ng ama. Sa mga naging desisyon nila (o sa kanila ng kapalaran), nabuo ang kasukdulan at naisiwalat ang dahilan kung bakit pinamagatang Jologs ang pelikula: ang pagtatangkang iluwal ang sarili sa pinakamabuting kalagayang puwedeng mangyari. Sa mababaw na tingin sa konteksto ng ating lipunan, mababang-uri o bakya ang tinuturingang jologs, ngunit kung kayang iangat ang sarili mula sa kababawang ito, ibang klaseng jologs ang mamamalas. Nabigo man si Trigger dahil nabaliw siya matapos hindi makayanan ang pagkasira ng kabuhayan niya nang sumabog ang café, nakaraos naman ang iba pa. Nakatapos ng pag-aaral si Ruben samantalang naging mabuti ang ugnayan nina Mando at Cheryl bilang mga magulang sa anak ni Chona. Nauwi sa kasal ang eksperimentasyon nina Dino at Faith samantalang nagkaunawaan pa rin sa kabila ng kanilang mga sarili sina Issa at Inigo. Masaya rin sa buhay-Japan si Chona gaya ng ginusto niya samantalang nakatagpo rin ng bagong buhay si Kulas sa pagiging deboto sa isang sekta ng relihiyon.
Dahil sa kapansin-pansing husay sa pagganap ng mga artista, napiga sa mga tauhang ginanapan nila ang damdaming makaalpas mula sa negatibong kalagayang nagtuturing sa kanila bilang jologs. Hindi ang makisig na si Diether Ocampo ang guwardiyang napanood kundi isang probinsyanong matigas ang dila na may pangarap na makabuo ng pamilya. Hindi si John Prats ang empleyado sa Barako Café kundi isang problematikong estudyante na gagawin ang lahat para lang makatapos sa pag-aaral. Hindi ang glamorosang si Assunta de Rossi ang liberal na babae kundi isang mangingibig na hindi kinakailangang magkaroon ng breeding upang maging karapat-dapat sa isang konserbatibong lalaki. Sa pinagkabit-kabit na mga mumunting banghay, lumitaw ang mensaheng magkakaugnay ang lahat sa karaniwang misyong maabot ang pinakamabuti para sa kani-kaniyang sarili. Lalo itong pinatingkad ng kantang “Next in Line” ng After Image dahil sabi nga sa pambungad na linya, “What has life to offer me?” Sa kanilang daigdig na hindi sila magkakakilala ngunit sa isang banda’y kaugnay ng isa ang isa na kaugnay ang iba pa, walang nakaaalam ng anong mangyayari sa kinabukasan. Nakasalalay sa sarili nilang hatol kung ano ang mangyayari bilang kapalaran nila. Kung gayon, nasa sa kanila kung aalpas ba sila sa kanilang kalagayan upang mabago nila ang takbo ng kanilang buhay, o mananatili sila sa kasalukuyan habang ang ibang nakaugnay sa kanilang anim na digri ng pagkakahiwalay ay nakakalayo na.
Nasalamin ng pelikula ang tunay na daigdig kung saan ang hindi kakilala ay malalamang nauugnay pala sa iba sa pamamagitan ng karaniwang kakilala. Ang kamag-anak na ganito ay kaibigan ni ganyan na kaopisina nino na kasintahan niyan. Samakatuwid, magkakawing ang buhay ng lahat kahit hindi akalain. Samantala, sa komplikasyon ng ugnayang ito, lalo pang nagiging masalimuot kung ituturing pa ang kalagayan ng isa’t isa na nagtatalaga kung kabilang ba sa isang institusyon o etsa-puwera. Kung hindi patriyarkal o kapitalista o relihiyoso o lehitimo, wala nang ibang tawag malibang jologs dahil sa (malimit ay ‘di-makatarungang) pagtatakda ng lipunan ng kung ano ang mataas na uri at mababa. Ngunit kung mapagsumikapan ng jologs na abutin ng jologs ang pinakamabuti para sa kanyang sarili, isa na itong pagbaliktad sa itinakda ng lipunan dahil sa pagsisikap na ito, nagkakapuwang siya sa institusyon. Sa pagpapakita ng kakayanan ng mga tauhang baguhin ang pagtingin sa kanila bilang jologs, nabibigyan ng panibagong kahulugan at pananaw ang salita mula sa kawalan ng class, asal ay pagiging konyo tungo sa pagiging cool, liberal at totoo sa sarili.
No comments:
Post a Comment