the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Saturday, December 15, 2007

ilusyon kontra katotohanan: ang reyalidad ng goodbye, lenin!


May katotohanang ipinapakita sa Goodbye, Lenin! na nagpapaliwanag kung bakit depende sa nakakakita ang katotohanan. Kung saang lugar man naroon ang tumitingin, doon niya nakikita ang hindi nakatago. Ang hindi nakikita ay nakatago ngunit kahit ganoon, hindi kinakailangang hindi agad ito totoo. Sa pelikula ipinaliwanag na si Christiane, ang isang inang nagising mula sa coma sa panahong ang sosyalista iyang bansa ay nagbubukas na sa mga kapitalista, ay nakakakita ng katotohanang siyang hinahatulan niyang reyalidad. Sa kanyang kinatatayuan, nakikita niyang walang pagbabago mula sa nakagawian niya kaya ito ang totoo. Ang hindi niya alam, natalo na pala ang partido sosyalista ni Lenin kaya sa pagbagsak ng Berlin Wall, demokrasya na ang umiiral na reyalidad sa Germany. Dahil nakatago ito sa kanyang kaalaman, wala siyang malay na ilusyon ng katotohanan lamang ang nakikita niya. Para sa kanyang anak, kabutihan lang ng ina ang inaalaala dahil maaaring ikamatay nito ang pagkadiskubre sa katotohanan. Sa kabilang panig, ang kasinungalingan ay naging masalimuot dahil problematiko na ang pagtingin kung ano ang totoo o hindi. Dahil nga kanya-kanya ng pagtingin sa katotohanan, mayroon at mayroong nabubulagan: ang ina at, hindi sinasadya, pati na ang anak.
Batay sa nabasang penomenolohiya ng katotohanan, masasabing depende sa iginagawad na hatol ng tao ang katotohanan ng namamayaning reyalidad. Depende sa hatol na ito kung makatotohanan ang isang bagay dahil ito ang bagay na iyon at hindi iba. Sa Goodbye, Lenin!, nang naghihina pa siya at maselan ang lagay ng buhay, hindi ipinabatid ng anak ang kinasapitan ng mahal niyang sosyalismo para huwag itong maaatake uli sa puso. Kaya nga sa pag-uwi sa kanya sa kanilang bahay, ginawa ng anak na bigyan ng ilusyon ng sosyalismo ang lahat ng maaaring makita ng ina upang hindi nito ikamatay ang mga radikal na pagbabagong nangyayari noon sa Germany. Walang buhay pa rin ang mga dekorasyon ng bahay, mga lumang kasuotan pa rin ang ginagamit nila, nanonood pa rin sila ng mga balitang dati nang nakikita sa natalong pamahalaan, pinapakain pa rin si Christiane mula sa mga lumang botelyang sa too lang ay may lamang bagong pagkaing mula sa Kanluran. Sa islang ito ng kanyang kamalayan, totoo ang lahat ng nakikita ni Christiane na sosyalista pa rin ang bansa. Hindi ito ibang mundo, kaya nga makatotohanan ito sa hatol niya. Kung ibang mundo na ito, nakakakita sana siya ng demokrasya o kapitalismo, ngunit nakatago nga sa kaalaman niya na sa labas ng islang kinakikitaan niya ng kanyang reyalidad, malawak na karagatan ng katotohanan ang nakapaligid sa kanya: may mga patalastas ng mga kapitalistang korporasyon ang nakasabit sa kapitbahayan, hindi na Trabant ang mga sasakyan, inililipad na ng isang helikopter ang estatwa ni Lenin, parang nakikipagkamay para sabihing “Hanggang dito na lamang ang itatagal ng aking kapangyarihan.” Napaniwala si Christiane na totoo ang nakapaligid sa kanya kaya kahit may mga anomalya sa mga pangyayari sa araw-araw, dulto lamang siguro ito ng kanyang nanlalabong memorya. Nadaragdagan pa ito ng panloloko sa kanya ng kanyang anak na walang hangad kundi protektahan sa masakit na katotohanan ang ina.
Hindi naman mapasusubalian na anumang hatol sa katotohanan, hindi mapapalitan ng pangunahing katotohanan. Kung gayon, anumang ilusyon ng totoo ay hindi malalagpasan ang katotohanan sa dala nitong katotohanan. Napagtagni-tagni ng ina na ang lahat ng mga kakaibang pangyayari sa bansa niya ay hindi makatotohanan lalo na nang sabihin ng nobya nito ang katotohanan. Hindi na mapipigilan ang paglabas ng totoo dahil hindi nagbibigay-kaliwanagan sa kanya ang kayang mga nakikita. Anumang pagtatago ng katotohanan, nasa kapangyarihan na ang kapitalistang reyalidad sa kanyang bansa, hindi ba nga at papasok pa sa Burger King ang anak na babae matapos umalis sa pag-aaral? Nang sa wakas ay malaman na ang totoo, hindi naman siya namatay bigla, parang sinasabing naliwanagan muna siya bago tuluyang napaanod sa ilusyon ng kasinungalian ang pagtatago sa kanya ng katotohanan. Samakatuwid, sa pagbabagong ito ng kanyang pagtingin sa totoo, hinayaan niya ang kanyang sariling mapalaya tungo sa katotohanan.

No comments:

Post a Comment