the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Thursday, October 11, 2007

sugal: isang kuwentong kutsero


Pabaling-baling na ako sa aking kama kakaisip kung anu-ano pang materyal na bagay ang mabibili ko sa pagkamal ng malaking halaga ng pera. Malapit nang magbukang-liwayway nang dalawin ako ng antok dahil para akong uod na binudburan ng asin sa kalikutan ko sa kamang iniilusyon kong punung-puno ng perang papel na may iba’t ibang kulay. Hangad kong sa pagkapanalo sa sugal, mahihiga ako at hahalakhak na parang baliw sa kamang nalalatagan ng sandamakmak na pera gaya ng napapanood ko sa ilang pelikula.
Puyat man nang nagdaang gabi at nangangalumata, napansin ko sa pagpasok ko sa paaralan na maraming estudyanteng tulad ko ang tumataya sa sugal base sa ending ng laro sa NBA. Naibulong ko sa sarili kong normal na ang kalakaran ito sa paaralan namin. Lohikal na kilos ko ang magpatianod sa agos ng normal kaya lumapit ako sa isang bookie at nagpalista ng aking taya. Binuklat ko ang aking pitaka at siniguradong nakaipit pa rito ang ang pao na nakuha ko sa nakaraan kong kaarawan. Sinilip ko at nabilang ang laman sa isip: dalawampung malulutong na bughawing tig-iisang libo. Nagkibit-balikat ako dahil kaya ko namang bayaran ang talo ko pero ang mahalaga, nakatuon ang pansin ko sa paghawak ng makapal na bungkos ng salapi matapos maianunsiyo sa Internet ang resulta ng basketbol sa Amerika.
Ngunit natalo ako, kaya lumipad mula sa mga palad ko ang regalong natanggap ko. Matiim ang desisyon kong mabawi ang talo ko, kaya nga sa mga sumunod na araw, madalas akong kumonsulta sa bookie para tumaya sa sugal. Ang masaklap, limang beses na akong tumaya, ni minsan ay hindi ko pa naranasang masayaran sa kamay ng makapal na bungkos ng pera tanda ng pagkapanalo. Nag-aalala na ako sapagkat nabawasan na ng P180,000 ang laman ng aking libro sa bangko. Naalarma ako kung anong bugso ng emosyon ang magrerehistro sa mukha ng aking mga magulang kung matuklasan nila ang kalokohan ko, kaya nahati ang loob ko kung tataya pang muli o hindi na.
Minsan na lang, napgdesisyunan ko. Isang tayaan na lang, kaya lalakihan ko na. Nagtuos ako sa papel at lumitaw na dapat akong maghain ng P250,000 taya para magbalik sa akin ang talo ko. Habang nasa kainitan ng klase hanggang sa biyahe pauwi ng bahay, okupado ang isip ko kung paano magkakaroon ng ganun kalaking pera.
Sa paglinga-linga ko sa loob ng bahay pagdating mula sa paaralan, lumapag ang tingin ko sa relong Audermars, nakapatong na parang nag-aanyayang damputin ko mula sa tokador sa kuwarto ng mga magulang ko. Gusto kong ibenta ang relong ito ng nanay ko para magkaroon ng perang sapat na pantaya sa sugal. Kaya ko namang palitan iyon ng class A o fake na Audemars para hindi mahalata ng nanay ko kung isusuot niya ito para sa mga okasyon sa labas ng bahay. Nagtalo sa isip ko ang demonyong sumususog na kunin ko ang relo at ang anghel na nagpapaalaalang masama ang magnakaw. Inisip ko ang malaking talo ko at ang halagang kailangan kong mapanalunan para makabawi. Sa huli, tumalikod na lang ako pabalik ng aking kuwarto dahil hindi ko nagawang magnakaw para sa pansarili kong interes. Masyado nang brutal na ikompromiso ko ang aking dignidad para lang magkapera.
Paglatag ng katawan ko sa ibabaw ng kama, pumikit ako para magdasal na sana, manalo na ako sa susunod kong pagtaya, Tutal, huling pagkakataon ko na ito, dahil ayokong malulong sa sugal. Hindi ko direktang sasabihin kung natupad ang pakikipagtawaran ko sa tadhana para makabawi sa pagkatalo ko, pero mas mainam ang buhay ko ngayong hindi na ako nakikipagsapalaran sa sugal. Kung ayaw mong maniwala, pustahan pa tayo.

No comments:

Post a Comment