Puwedeng mabuhay ang isang tao na hindi niya namamalayang masaya siya. Sa pelikulang Kubrador, anak ni Amelita ang makapagpapasaya sa kanya. Kaya lamang, namatay ito, kaya hindi na siya masaya. May malay siyang hindi siya masaya, sapagkat lagi niyang nasasaisip ang kamatayan ng anak na siyang dahilan ng kawalan niya ng saya. Laging may aparisyon ang anak niya dahil patunay iyon na hindi siya makawala mula sa alaala ng isang bagay na nakapagbibigay-ligaya sa kanya sa gitna ng buhay niyang habulin ng mga pulis at umiinog sa pagapapataya sa jueteng. Kung magawa niya sanang makahulagpos sa mapapait na alaala ng kamatayan ng anak, disin sana ay may pagkakataon siyang maramdamang maligaya pa rin siya kahit sa anumang bagay. Hindi naman kinakailangang mabuhos lamang sa anak ang kaligayahan niya. Puwede pa rin naman siyang maging maligaya, at maging maligaya na hindi niya alam. Bakit hindi? May pagkakataon sa buhay ni Amelita na hindi na niya hinahagilap ang kaligayahan. Maaring dahil malimot na niya ito sa kalaunan. Mahalaga na sa kanya na makahanap ng tataya sa kanya sa jueteng. Kung gayon na umuusad pa rin ang buhay niya, maaaring masaya na siya, hindi nga lamang niya namamalayan. Baka kung malaman niyang masaya siya, doon na huminto ang kaligayahan niya. Ang kasiyahan kasi ay dapat pinipilosopiya; samakatuwid, dapat na ginagawa ito kaysa sinasabi. Kung anak niya ang kasiyahan niya, na siyang tunay, hindi na niya kailangang sabihing “ito ang anak kong kinalulugdan ko,” dahil sa pagkakataong sabihin niya iyon, hindi ba nababawasan ang esensya ng salitang kaligayahan? Nagiging malaking katanungan na kung totoong masaya siya base sa pagkakaalam niyang masaya siya. Mabuti nang isagawa niya ito nang mawala siyang malay kaysa ipamarali niyang masaya siya ngunit hindi naman talaga. Kaya nga ganun ang simbolo ng anak: ang ligayang nawala, kaya puwedeng hindi na masaya si Amelita, o naging masaya na rin sa latagalan kahit hindi na niya ito namamalayan.
Sa kabilang panig, maraming magagawa ang pagmumuni ng isang tao. Una, dahil dito, nakakatagpo siya ng kaliwanagan. Pangalawa, dahil dito, nahahalungkat niya ang mga tanong sa buhay na hindi man niya masagot bagkus ay magpasalimuot pa sa kalagayan niya, ay nagtuturo naman sa kanya ng pagbalik ng tingin sa sarili. Pangatlo, dahil dito, nadadalumat ng tao ang mga bagay na totoo, mabuti, at maganda paea sa kanya. Sa kaso ni Amelita, ang ikatlo ang pinakatugma sa kanya. Nagagawa ng pagmumuni-muni niya ang maunawaan ang bagay na magbibigay-saya sa kanya. Ang anak niya ang nagbibigay-kaligayahan na ito. Nang mawala ang anak niya, tila wala nang totoo, mabuti at maganda pa. Nawalan na siya ng kasiyahan. Paulit-ulit umuukilkil ang alaala ng anak kaya ibig sabihin ay hindi siya makalaya. Sa pagmumuni-muni, nagkakaroon ng kaligayahan. Kung gustong makatakas ni Amelita, dapat niyang pagmumuni-munian kung nakatutulong ba sa kanya ang kawalan ng anak/saya. Oo man o hindi, may natutuklasan ang isang namimilosopiya: sinasagot ang katanungan at sana , naliliwanagan.
No comments:
Post a Comment