the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, October 15, 2007

demokratisasyon sa lipunan: sagisag ng sunog sa "pinaglahuan"


Sa nobelang Pinaglahuan (Quezon City: Ateneo de Manila Press, 2003) ni Faustino Aguilar, ang pagkakasunog sa Maynila sa huling kabanata ay mistulang tugon sa kinakailangang pagbabago sa lipunan gaya ng radikal na demokratisasyon ng mayayaman at mahihirap. Samantalang hinihingi ng simbolong apoy ang pagliit ng espasyo ng naghaharing-uri para makapantay ng mga ito ang uring api, hindi nawalan ng espasyo ang matataas na uri dahil kung susuriin ang istrukturang pang-ekonomiko ng Pilipinas mula sa unang pagkalimbag ng nobela hanggang sa kasalukuyan, hindi nakapangyayari ang radikal na pagbabagong panlipunan.
Sa kabuuuan, patuloy na napangingibabawan ng mayayaman ang mga mahihirap. Halimbawa, hawak pa rin ng mga mayayaman ang mga bahay-kalakal dahil hindi natatapon ang kanilang kapital bagkus ay yumayabong pa samantalang nananatiling namamanginoon ang mga mahihirap kung para lang mabiyayaan sila ng trabaho o matapunan ng kaunting mumo mula sa hapag ng mga naghaharing-uri. Halaw sa unang bahagi ng pamamayagpag ng mga dayuhang kapitalista sa panahon ni Aguilar, repleksyon ng mga pangyayaring hinaharap ang inaasal ni Rojalde: wala siyang katigatigan kahit na “[i]sang mabangis na sunog ang noo’y nangyayari” (p. 340) at unang tumupok sa mga barung-barong, “ngunit hindi man lamang pinansin [ni Rojalde]” (p.341). Kahit ang sunog ay “natatanaw sa di rin naman malayo[,] ay di rin naman nakabakla sa kanya, kahit sandali” (p.341)—isang manipestasyon ng kawalang-bahala ng mga naghaharing-uri na hindi madadamay ang yaman nila, magkaroon man ng apoy na tutupok sa namamagitang espasyo sa kanila at sa mga mahihirap. Manapa pa, mistulang Nero si Rojalde na habang nanonood ng kalunus-lunos na iyakan, hakutan at pulasan sa gitna ng sunog ay “ikinalibang at inaring isang panginoring marikit ang kanyang natatanaw” (p. 341). Kahit sa katagalan ay nadamay at naabo rin nga ang bahay ni Rojalde, paghihiganti pa rin kay Luis ang nasa isip niya, kaya mahihinuhang naisasantabi pa niya ang posibleng pagkawala ng kanyang teritoryo dahil sa koneksyon, impluwensiya at diskarteng elitista, hindi niya dadanasin ang teribleng hirap gaya ng sa mga dukha nang talaga. Para sa mga dukha, wala na nga silang pag-aari ay lalo pang nawalan dahil sa sunog. Hindi maipapara si Rojalde sa kanila dahil makapagsisimula siya gamit ang kaalaman niya, kasama na rito ang kaalamang makakuha sa maraming paraan ng kapital para makapagbangon muli ng kalakal at manatiling bahagi ng naghaharing-uri.
Wala nang pagkakataong mapalawak pa ni Luis ang kanyang espasyo dahil sa pagkamatay niya sa isang pagsabog. Habang buhay sana siya ay may may pahiwatig ng pag-asang makahulagpos sa espasyo ng hirap ngunit naputol na ang kanyang pakikibaka dahil wala na siya para “magbuo pagkatapos” (p.344) ng paggibang dulot ng pagkasunog sa Kamaynilaan. Ang pagkamatay niya sa kulungan ang naghihimatong ng kawalan niya ng pagtakas sa bilangguang espasyo ng kahirapan. Nariyan man ang anak niya kay Danding na sumisimbolo ng bagong pag-asa at panibagong pakikipaglaban ay hindi ito lalaking mahirap bagkus ay hahasain sa espasyo ng karangyaan ni Rojalde. Ang pagsabog ng dinamita ay kumpirmasyon na hindi nagkaroon ng pagbabagong panlipunan kahit pa nagkasunog dahil ang alusyon ni Luis sa “larawan…ng pagtutuos na darating bukas [kasalukuyang panahon], iyang bagong araw na minimithing masilayan ng mga api’t nagtitiis, ng mga dinuduhagi at inaalipin” (p.344) ay hindi na matutupad. Ang apoy na magpapawala sana sa espasyo ng mga naghaharing-uri ay kauri rin ng apoy na nagbura sa espasyo ni Luis. Hindi naging demokratiko ang apoy sa pagtrato sa espasyo ng mga nasa ibabaw at mga nasa ilalim ng hirarkiyang pang-ekonomiko.

No comments:

Post a Comment