the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, October 08, 2007

sa loob ng chatroom


Narito pero hindi narito. Hindi kabilang pero kasamang-kasama. Nag-iisa ngunit maraming kahalubilong lumilisaw-lisaw, nakaupo, nakatalungko, nakahiga, nakikipagkuwentuhan, nakikipagligawan, nakikipaghuntahan o nakikipagbangayan sa loob ng chatroom. Sa kalagitnaan ng mala-limbong komunidad ng pandaigdigang Internet, nawawasak ang mga pader na bumabakod sa maraming teritoryo. Binago ng modernong aparatong ito ang konstruksyon ng mga relasyong sosyal, sa pananalasa ng makabagong ideyolohiyang impluwensiya ng Kanluran sa dakong ito ng ating pinaliit na planeta.
Sa pagpasok sa isa sa mga silid sa birtuwal na Pilipinas, maliwanagan sa pasintabing hindi sagutin ng tagapamagitan ang mga kabastusan o kabalahuraan sa wika o kontekstong lilitaw habang nasa chatroom. Dito pinaigting ang kawalang moral sa kapwa tao dulot ng paggamit ng makabagong karunungan. Pumili sa mga ‘di-punong kuwarto upang makapasok nang mabilis; kahit sabihin pang handog ng modernismo ang tulin sa birtuwal na mundo, hindi ito perpektong aparato. Nakikita at nakakausap ang kasama, madarama ang kahulugan ng ngiti at kakintalan ng pangmukhang ekspresyon, ngunit alam na wala talaga siya. Sa kanyang pakikipagtipan, maaaring nasa kabilang kanto lang siya, nasa kanugnog na siyudad, o nasa isang lugar sa katimugang bahagi ng kapuluan.
Gaya sa nalagas na dahon ng kahapon, aasta siyang may interes sabihin mang kaakit-akit lahat ng tao sa paligid, mababae man, malalaki, at kabuuan ng kasarian sa pagitan. Maari naman siyang pumili sa mga ito, ngunit lalapit siya, makikipagkilala, makikipaghuntahang animo walang tumatakbong oras sa bagong mundong ito. Kung dati, kinakailangan pang magsibak ng kahoy, mag-igib, magbataris ng kung anu-anong gawaing-bahay at mag-usap lang sa sulat, ayos na ngayon ang magkasama, magkakilanlan habang nakaupong magkatabi, magpalitan ng kuru-kuro bilang paraan ng ligawan, magsabihan ng mga bagay-bagay tungkol sa sarili, pag-aaral, karera, interes, paboritong kulay, artista at bilang ng naging kasintahan, walang pigilan, walang batas na kailangang iobserba. Relatibong walang hirap basta mahusay mangusap. Bilangin ang mga magkakasama, babae man sa lalaki, kaparehong kasarian o samu’t saring samahan, at mahihinuhang sa tagumpay ng mga silid-tagpuang ito, ano pa ang magiging bago sa talastasan sa pagitan ng mga Filipino?
Sa isang sulok ng kuwarto, mamamasdan ang kabuuan ng kuwartong pinasok. Mistula itong sala kung saan magaang lahat ng usapan at Gawain, kumpleto sa mga upuan, kutkutin, plorera, malamlam o maaari ring buhay na buhay na ilawan. Sa kalapitan nito sa reyalidad, matitikman ang tsitsaron o adobong maning pinagsasaluhan, masasamyo ang halimuyak ng rosas na nakapalumpon sa makitid na baso, at maginhawa ang pakiramdam sa malakutsong lambot ng sopa. Panatag ang loob sa silid na itong hindi tambayan ng iilan lang at hindi kung sinu-sino. Sa ibang chatroom kaya, sa kabulgaran at katapangan ng maraming panauhin, mas masahol pa kaya sila sa mga asong walang kahihiyang nagtatalik sa maruming kalye? Kung isinasaalang-alang man nila ang pagkakaroon ng kahalintulad ng simpleng batas panlupa, hanggang saan nila nalilimitahan ang sarili sa pipiliing birtuwal na pananamit, ayos ng sarili, porma ng mukha, isasa-katauhang personalidad? Sa chatroom, puwede kahit anong maaabot ng imahinasyon; lamang, hindi ito totohanang mahahawakan, mapipindot, malalasahan, masisinghot, o maririnig. Nandito nga, pero wala talaga rito.
Ito ang lipunan ngayon: birtuwal, nakapalaman sa esensya ng mahihipo-‘di mahihipo. Walang teritoryong maghihiwalay sa isa’t isa dahil ang dagat-dagatan ay matutulay na. May sapat na kalayaang pumasok sa alinmang bakuran, dahil wala naman talagang bakuran kung tutuusin. Sa loob ng chatroom, imposible ang posible ngunit posible pa rin ang imposible.

No comments:

Post a Comment