Ang dulang itong nasusulat sa Filipino ay tungkol sa kabalintunaan ng disiplinang pangmilitar at pagsunod sa isang bulok at mapangahas na pamumuno. Umiikot ang kwento kay Korporal Salvador Bombita, isang mababang-ranggo ngunit masunuring kawal, at kabilang sa pangkat ng mga turuang pinahihirapan ng mga upper-classmen ng kampo. Inatasan ang kanilang pangkat na ihatid ang isang kahong naglalaman ng “top-secret information” sa Kalibo, Aklan, kasama ang babala hinggil sa mga upperclassmen na magliligaw, magpapatagal at magpapabagsak sa kanila. Sa kanilang paglalakbay, makatatagpo nila ang mga tulisan ng daan, mga ahente ng sabon, at isang nagngangalit na drayber ng trak. Tatanggapin ni Bombita ang lahat ng parusa ng abusadong pinuno ng grupo. Sa papalapit na pagtatapos ng kanilang misyon, isang mang-uulat ang hihimok sa kanilang luwagan ang kanilang mga sarili. Makakaniig naman ni Bombita ang isang putang hihikayat sa kaniyang suwayin ang mga nilalaman ng kahon, na pawang mga kagamitang walang halaga. Di-naglaon ay sinisi ng mga kawal ang kanilang pinuno. Ipinangyayari ng kanilang paglalakbay ang paglalahad-ng-sarili, partikular ni Bombita at ng puta. Sa nakatatawang paraan, kinukuwestiyon ng dula ang institusyon ng hukbong sandatahan.
Tunay na naging mabisa ang pagtatanghal ng dulang Bombita sa ipinapakitang kabalintunaan ng disiplinang militar. Napakahigpit ng mga batas ng militar ngunit napakalihim din kaya napakahirap paniwalaan ang mga utos na ito. Sa dulang Bombita, inutusan ang kompanya ni Bombita upang maghatid ng isang top secret na kahon sa isang destinasyon. Walang may alam ng laman ng kahong ito ngunit walang magawa ang mga sundalo kung hindi gawin ang utos. Pagdating sa sinabing destinasyon, nagulat lamang ang mga sundalo na mayroong bagong utos na dalhin ang kahon sa isa pang lugar. Dahil dito, hindi matapos ang layunin ng grupo ni Bombita at lalo lamang nagkakainitan at nagkakagulo ang magkakaibigan. Kabalintunaan samakatuwid ang disiplina ng istriktong pagsunod sa mga iniaatas sapagkat mga pinuno mismo ang sumisira sa dapat sana ay saradong pagsunod gayong pabagobago ng kapritso ang mga sinusunod na pinuno. Ang institusyong militar ay inaasahang may isang tunguhim ang isip ngunit sa dula ay may komento ng kawalang-direksyon ng tanikala ng pag-uutos.
Kapag ang isang tao ay sumali sa hukbo ng militar, nakalagda na ang buong buhay at katawan sa mga batas nito. Hindi na maaring umalis at umayaw sa mga utos, sa ibang salita, pagaari na ng militar ang mga nasabing indibidwal. Makikita talaga ang kabalitunaan sa disiplinang militar dahil ang mga sundalo mismo na gumagawa ng mga utos ay siyang lubhang walang alam sa mga tunay na misyon. Ang mga sundalo ang nararapat makaalam ng buong utos para magawa ng mabuti ang mga misyon ngunit walang pinapaalam sa kanila ang militar. Itong mga taong ito na nagsisilbi at binibigay ang buong puso sa mga layunin ng militar ang siyang inaabuso ng mga pinuno. Ginagawa lamang silang mga utusan na walang buhay na sa palagay ng mga pinuno ay maaring palitan kapag lumabag sa utos. Maling mali ang mga kaisipan na ito sa bahagi ng disiplinang militar at dapat igalang ang pagkatao ng mga indibidwal na ito. Nakakapagtaka na ang mga batang sundalo na ito na taos pusong nakikibahagi sa militar ang siyang lubhang naaabuso.
Sa hindi malayong panahon, makikita ang hinampong ito sa institusyong military sa pamamagitan ng ginawang pag-aaklas ng mga bata at saradong tagasunod na mga sundalo at madaliang pananakop sa otel na Oakwood. Nag-ugat umano ito sa mga katiwalian at kabalintunaang may alingawngaw ng katotohanan sa dula: mga atas na hindi makatarungan, i.e. pagpapasabog umano ng bomba sa Mindanao kahit may madamay na sibilyan, kawalan ng transparency sa mga pinansiyal na negosasyon sa loob my militar, mga labag-sa-kautusang pag-abuso ng gamit-militar gaya ng mga bala at armas na ibinenta umano sa mga rebelde, at iba pang mga kabalintunaan. Habang nananatili ang ganito ay patuloy na lulubog sa kumunoy na korapsyon at karumihan ang disin sana ay pangunahing pinagtititwalaan ng bayan at mismong mga elemento sa loob nito: ang institusyong military.
Para sa akin, ang kabalitunaan na pinapahayag ng dula laban sa mga disiplinang militar ay tunay na nakakamulat ng mata. Mahusay ang pagkahiwatag ng kabalitunaan na ito gamit ang mga sundalong naaapi gaya ni Bombita. Sa kanilang mga bata nakikita ang pagkaduhagi ng mga pangarap at ideyalismo nila sa institusyong pinipilit mapasok upang madis-ilusyon lamang. Sa aking palagay, dapat na itong mahinto sa lalong madaling panahon para sa mga mapagbigay na sundalo gaya ni Bombita, at sa pangkalahatan ay para rin sa bayang dapat nitong paglingkuran.
No comments:
Post a Comment