the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, February 26, 2007

sandaang panaginip: kontemporanyong komedya


Komedya sa makabagong panahon ang Sandaang Panaginip ni Rene O. Villanueva. Maraming elemento ng komedya ang nasa katangian ng dulang ito para magpatunay na hango nga ito sa popular na anyo ng pagtatanghal noong Pananakop ng mga Espanyol.
Una, halaw sa mga Europeong awit at korido ang naratibo nito. Walang ipinagkaiba ang takbo ng kuwentong romansa nito sa pakikipagsapalaran ng mga dugong maharlika kung saan napagtatagumpayan ng mabubuting loob ang maitim na balak ng mga masasama. Kahit pa maraming pakana ang kanyang madrasta para pagtakpan nito ang kanyang maanomalyang pamumuno sa kaharian ng Tralala, nalagpasan ni Prinsesa Yasmin ang mga ito sa tulong na rin ng pag-ibig na si Prinsipe Anshari. Maging mga Kanluraning pangalan at, marahil, ang nakapangingibabaw na Kanluraning pananaw ng kagandahan ay hiniram din ng dula para masalungat ng lutang na ganda ni Yasmin ang ordinaryong hitsura ng mga anak ng madrasta. Dahil komedya, nagtatapos ito sa isang kanais-nais na kalagayan kung saan magiging masaya ang (mga) pangunahing tauhan, gaya ng kasiyahan nina Yasmin at Anshari sa pagtatapos ng kanilang pakikipagsapalaran sa isang maharlikang kasalan. Dahil moro-moro rin ito, ipinakita sa tema ng dula ang pagtutunggali ng mabubuti laban sa masasama na ipananalo ng una, at sa kaso nga ng Sandaang Panaginip, naglaban ang batalyon nina Anshari at ng taksil na si Heneral Tulume, hanggang magupo ng una ang huli. Lamang, ang kinomisyon ng reyna na si Heneral Tulume ay mahihinuhang Kristiyano imbes na Muslim gaya ng nakagawiang pagkatawan sa mga Moro bilang walang budhi.
Isa pang elementong nasa Sandaang Panaginip ang pagtatanghal nito sa labas ng kumbensyunal na tanghalan dahil sa Cervini field ng Pamantasang Ateneo, sa lilim ng mga bituin at paligid ng mga puno at kawayanan, inilatag ang entablado at inilagay ang mga upuan ng mga manonood sa loob ng mahigit isang linggo. Dahil nasa loob ito ng pamantasan, malamang na hindi ito matangkilik ng nasa publiko, dagdag pa ang relatibong may kamahalang tiket.
Kabilang pa rin sa tradisyunal na konsepto ng komedya ang mga saplot na kasasalaminan ng kabihasnan at paniniwala ng mga tauhan, dahil mararangya ang kasuotan nila. Lamang, hindi mapusyaw kundi makinang ang mga damit mula sa mga hari hanggang sa mga prinsesa.
Nagpakita pa ng isa pang kumbensyong ang dula: ang pagmartsa papunta at pababa ng entablado. Sa umpisa, umiimbay-imbay pa ang kamay ng mga dama at nasa likuran naman ang kamay ng mga lalaki. Sa dulo, umaawit pa silang lumayo sa entablado habang naglalaro ang mga ilaw na teknolohiyang inilapat sa dula at patuloy na ipinapalabas sa isang vidiwall ang clips ng kasaysayan ng ating bansa, buwan, lambana at iba pa.
Nakita pa rin sa dula ang labanan na may angkop na musika ng pakikidigma samantalang may koreograpo pa ang paghampas ng arnis sa armas ng katunggali. Gaya sa tradisyunal na dula, mahiwaga ang paggapi ng mabubuti sa masasama dahil tinulungan ni Inang Diwatang ipanalo ang laban nina Anshari kay Tulume. Nagtapos din sa maganda ang dula gaya ng dapat asahang tradisyon: nagtagumpay ang pakikipagsapalaran ng magsing-irog na Yasmin at Anshari hanggang maisiwalat na mamanahin nila ang kanya-kanyang kaharian at pinahihintulutan ang pagkakasal nila sa isa’t isa.
Sa mga nabanggit na kumbensyon at ilang pagbabago, kinakailangang ikunsidera ang pagsasakontemporanyo ng dula. Sa bisa nito, maipapasok ang ilang pulitika gaya ng postmodernismo at postkolonyalismo upang iangkop sa konteksto ng Pilipinas. Ginamit ang postmodernong mga elemento gaya ng pastiche at bricolage upang maraming maipakitang pangyayari sa dula at sa vidiwall nang minsanan lang para sa manonood. Nakakaugnay pa ang ilan sa maaksayang karakter ni Reyna Leona na walang iba kundi ang dating Unang Ginang na si Imelda Marcos. Sa isang banda naman, ginamit ang postkolonyal na mga elemento gaya ng kulturang hybrid sa Oryental na kaharian na may Griyegong hardin pati na ng kritikong imperyalista sa neokolonyal na pagdikta ng Parachibum sa Tralala na pinautang nito ng walong milyong bara ng ginto. May Pilipinong bihis kung gayon ang isang inangkat na anyo ng pagtatanghal.
Gumalaw ang dula sa konteksto ng kasaysayan ng Pilipinas. Una nang mapapansin ang alegorya ng dula kung saan ang kaharian ng Tralala na bingi sa dusa ng mamamayan ay patungkol sa rehimeng Marcos na puno ng pasakit sa bansa, mula sa karapatang pantao, ekonomiya at kalayaang pampulitika. Mahalagang usapin na isinusulong ng dula ang unibersal na apela ng kawalang-kahahantungan ng pangungurakot at pagkagahaman sa kapangyarihan. Ang nangyaring pang-aabuso sa panahon ni Marcos ay nangyayari pa rin sa konteksto ng ating panahon. Lamang, darating pa rin ang panahon na magtatagumpay ang kabutihan kung paanong nagtagumpay sina Yasmin at Anshari laban sa mga masasamang balak at gawain ni Reyna Leona.
Sa apat na panahon ng ating kasaysayan, maraming mga bagay ang naisangkap sa dula. Mula sa prekolonyal, namana ang paganong paniniwala sa supernatural na diwata sa halip na gamitin ang kolonyal na engkantada, na masasabing iisang kaisipan lamang. Mula sa kolonyal, ang dula mismo ang namana—ang paraan ng pagtatanghal nito at ang mga elemento na parehong nabanggit na sa unang bahagi ng papel. Mula sa postkolonyal, ang pagsasaatin ng dulang banyaga ang namana—binigyan ng Oryental na kahulugan ang dula upang maibalik sa atin ang ninakaw nating imahe sa pagpupumilit ng Kanluran na ianyo tayo sa mga mamamayan nito. Mula sa postmoderno, ang pagpulupot sa mga nakagawiang kumbensyon gaya ng paglalapat ng makabagong teknolohiya at pagdurog sa mga institusyon (gaya ni Imelda o ng kaisahan para bigyang daan ang visual plurality, halimbawa) ang naipakita sa dula. Ang lahat ng mga ito ay maayos na pinagtahi-tahi para isakontemporanyo ang komedya: ipinakitang naglalaro ang mga prekolonyal na lambana sa kolonyal na anyo ng hardin; mistulang eksena ni Imelda Marcos sa mga balita ang inaarte ni Reyna Leona; taal na Tagalog ang ginagamit ng mga Europeong maharlikang may Kanluraning mga pangalan.
Ang pagsasakontemporanyo ng Sandaang Panaginip ay naging epektibong daan para pagbuhul-buhulin ang iba’t ibang institusyon at sistema sa lahat ng bahagi ng ating kasaysayan kaya masasabing higit sa nakaaaliw ay henyo ang dula.

No comments:

Post a Comment