the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Tuesday, February 06, 2007

hulagpos tungo sa kalayaan


Sa pagtalakay ng akdang “What Shall We Do When We All Go Out?” ni Gregorio Brillantes, paano mauuri ang kuwento bilang tagasaad ng pagbibinyag sa karanasan?
Gamit ang estratehiyang testuwal na pagsusuri, maipapalagay na isa itong kuwento ng inisasyon dahil sa pagdaan ng pangunahing tauhan sa serye ng mga bagong karanasang malulusong at malulusong din niya sa kaagahan o kalaunan, ayaw man niya itong danasin o gusto.
Marami ang nagtuturing kay Gregorio Brillantes bilang isang Katolikong manunulat dahil sa kanyang mga antolohiyang may tauhang napasasaklolo sa Iglesia tuwing magkakaroon ng komprontasyon laban sa mga kondisyong eksistensyal. Isinilang sa Camiling, Tarlac, produkto si Brillantes ng Pamantasang Ateneo De Manila, isang Katolikong institusyon na siyang sinasabing malaking salik sa paggamit ng diskursong relihiyoso sa kanyang mga maikling kuwento. Bukod sa madalas niyang gamiting tagpuan ang kanyang lupang tinubuan sa Tarlac, kalimitang ginagamit ni Gregorio ang mga tema ng kahalagahan ng pananampalataya sa buhay ng tao, at ng pagbibinyag sa karanasan na sentro sa susuriing teksto, ang “What Shall We Do When We All Go Out?” (Nasa The Distance to Andromeda and Other Stories.)
Ang paggalugad sa paksa ng binyag sa kamuwangan ay bahagi ng panghabambuhay na paghahanap sa pagkakakilanlan. Sapagkat ang karanasan ng tao ang pumapanday sa kanyang karakter, ang mga unang karanasan ay nagiging mahalagang salik para mabuo ang pagkatao kung paanong ito rin ay nagiging memorable para sa taong nakadama nito. Habang marami sa mga likhang panitik ni Brillantes ang tumatalakay ng ganitong pagkapukaw ng kamalayan gaya ng binatilyong tauhan sa “The Distance to Andromeda,” hindi maikakaila na ang ganitong gawi ay pinag-eeksperimentuhan din ng iba pang manunulat bunsod ng malawakang epekto ng modernismo at, sa kasalukuyan, ng postmodernismo at ng postkolonyalismo sa bisa ng kaisipang kaakuhan, indibidwalismo o pormasyon ng identidad. Mababanaag sa teksto ang pagkilala sa mga limitasyon gaya ng ‘di-maiiwasang kamatayan o ng pagkamulat sa mabalasik na kapaligiran, at masasagot sa pamamagitan ng pagkuwestiyon kung ano ang halaga ng tao sa mundo.
May pagmumungkahi na ang identidad na binubuo ay mapupunan ng pagkakasali sa isang institusyon, isang modernong ideyolohiya. Ang pagkakaroon ng isang pagkakakilanlan kahit pa sabihing kolektibo man ay isang rasyunal na tugon sa eksistensyal na interogasyon hinggil sa pantaong kahalagahan.
Ang daloy ng kamalayan sa unang limang talata ng teksto ay nagsasaad sa ‘di-malalim na pagtaya sa buhay ng isang siyam na taong batang nasa ikatlong baitang. Magaang-magaan ang pakiramdam ng bata sa bagong bayang nilipatan nila “higit pa sa nagdaang mga bayang pinagtirhan nila [more than the previous ones they lived in]” (p. 270) sapat para “hilingin niyang mataimtim na huwag nang madestinong magtrabaho ang tatay niya sa ibang lugar [he wished fervently that his father would not be assigned to work elsewhere” (p. 271). Sentral sa buhay niya ang mag-eskuwela, maglaro, magmasid sa kapaligiran at sa dako pa roon, at sa kawalang-kumplikasyong ito sa pananaw niya, “tila baga ang buong mundo ay naging kabisado at malapit [it seemed then that all of the world became familiar and near]” (p. 272). Wala siyang napakalalim na intindihin, maliban sa foreshadowing ng mga lugar na hndi niya maaabot, nagpapatungkol sa kalayuan ng ideya ng perpeksyon dahil paparating na ang mga karanasang babago sa kanyang kapayakan. Nakatakda ngang magbago ang lahat nang isang araw, italastas ni Miss Castillo ang pagkamatay ng kaklaseng si Jaime.
Ang katotohanang ang kamatayan ay hangganan ng lahat ng kasimplehang naghahatid-kasiglahan sa kanya ay “nagdulot ng kinig ng katatakutan sa kanyang puso [brought a thrill of terror to his heart]” (p. 272). Noong unang araw lamang ng klase niya naramdaman ang pangangapa sa dayuhang karanasan, at sa kamatayan ng kaklase niya “muli niyang napagdaanan…ang damdamin ng mga bundok na ‘di-mararating kailanman [he experienced again…a sense of mountains unreachable forever” (p. 272). Hindi handa rito ang murang isip niyang nakauunawa lang ng mga karanasang nauugnay sa buhay, kaya ang unang pagkakasalubong niya sa kakambal ng buhay, ang kamatayan, ay naglatay ng “isang nagtatakang pagkagulat na nanunuyo sa kanyang lalamunan [a bewildered shock dry in his throat]” (p. 273). Ang kamatayan, sa representasyon ni Jaime, ay “dayuhan ngayon, isang kumpletong estranghero [alien now, a complete stranger]” (p. 273) kaya sa nadarama niyang paniniil ng madilim na karanasan sa lamayan ay “tumakbo siyang parang tinutugis, humihingal sa mas pamilyar na bahagi ng bayan [ran as if pursued, panting into the more familiar quarter of town]” (p. 273). Dahil bata lamang siya at malayo pa sa mga kapangitan ng buhay na maitatambis sa nakikita niya ngayong kagandahan, hindi niya lubos na nauunawaan, kaya siya tumatakbo palayo, kung bakit ang napakagandang bagay gaya ng buhay ay may kaakibat na kamatayan.
Para bang hindi pa sapat ang karanasang ito, nabinyagan naman siya sa karahasan nang madamay siya sa basag-ulo, kung saan “natikman niya sa unang pagkakataon ang alat ng dugo [tasting for the first time the salt of blood]” (p. 274). Pinalala nito ang maling pagtaya niya sa buhay bilang hardin ng rosas at dahil naramdaman niyang mauulit at mauulit pa ang inisasyon niya sa dahas, “wala nang atrasan. Makakapaghintay lamang siya, at lalaban, matindi, ngunit labag sa kanyang kalooban, kung muli siyang aatakihin [there was no returning. He could only wait, and fight back, hard, but against his will, when he was struck again]” (p. 274). Sa mukha ng kamatayan at panganib, nagsimula nang tumimo sa kanya na ang buhay ay hindi singsimple nang dapat niyang inasahan kaya “what shall we do when we all go out?” Kailangan niyang maging handa, dahil siya ay walang kakayanang pigilan ang mga bagay na ‘di-matatakasan. May pagtutol man sa puso niya ang makaranas ng kapangitan, kailangang siyang hindi maigupo ng mga dayuhang karanasang ito sa kanyang paglabas—paglabas mula sa kanyang personal na kabibe paharap sa mapaghamon at ‘di-perpektong mundo.
Ang paghahandang ito ay pinasukan ng paanyaya ng isang batang nasa ikaanim na baitang na maging kasapi ang bida sa kanilang grupo, upang makabilang dahil “kailangan mo ako bilang kaibigan [you need me for a friend]” (p. 276). Ang batang ito na siyang naging dahilan ng kanyang pagkadamay sa suntukan ay hindi katiwa-tiwala, at “isang siguradong kutob ang nagbabala sa kanya, ngunit…alam niya ang ibubunga ng kanyang pagtanggi [a certain instinct warned him, but…he knew the consequences ofhis rejection]” (p. 275). Samantalang hindi siya lubusang makapaghahanda para sa kamatayan dahil sa biglaang pagsipot nito, makapaghahanda naman siya sa panganib (na dulot ng batang nakasapakan niya, pati mga alalay nito) kung makakasali siya sa grupo ng bata at maprotektahan laban sa ‘di-patas na pagkagulpi, ngunit may karampatang presyo ang pagpasok niya rito: “limampung sentimo para sa bayad ng kasapi [fifty centavos (for the) membership fee]” (p. 276). Kahit “ang pagkalito at pagkatakot ay nagbuhol sa kanyang dibdib [the confusion and the fear knotted in his chest]” (p. 276), nagawa niyang kunin ang kanyang alkansya lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang upang makalikom ng pantustos, dahil ang institusyong ito ang magsasalba sa kanya at, lalong posible, ang mapagkukuhanan niya ng pagkakakilanlan. Kilala na siya ngayong ingat-yaman ng grupo gaya ng pinag-umitang amang nagtratrabaho rin sa tanggapan ng ingat-yaman ng munisipyo, at sa pagpasok niya sa loob ng lungga ng barkada ng bata, pumalaot na siya nang tuluyan sa ‘di-kaaya-ayang bahagi ng buhay: ang mapabilang sa isang ‘di-huwarang institusyong bubuo ng kanyang identidad, “walang kakayanang tumutol, bihag ng daluyong ng lakas [powerless to resist, captured by some tide of force]” (p. 277). Ang magbabarkada ay mga batang sa tingin niya ay mala-demonyo sa ilalim ng lupa at nakatatanda lang ng ilang taon sa kanya ngunit nagbibisyo na ng alak at sigarilyo, samakatuwid ay masamang impluwensiya. Gusto niyang kumawala mula sa potensyal na pagkakatulad sa kanila ngunit hindi siya papawalan hanggang hindi sinasabi ng grupo. Kahit humikbi na siya, tinampal lang ang kanyang bibig para siilin ang kanyang pag-alpas. Napatahimik na siya ng dominanteng kapangyarihan, at gaya ng kaklaseng namatay na hindi makapagsalita sa kanyang panaginip ay hindi niya maisaboses ang kagustuhang makaalis alinsunod sa pangakong hindi ipagsasabi ang lugar. Naranasan niya ngayon ang makipag-ugnayan sa mga taong masasama sa turing, at pilit siyang tumatakas dahil dayuhan sa kanya ang ganitong kondisyon. Lamang, dumating nang mas maaga kaysa inaasahan ang mga pangit na karanasang ito, sa panahong ikinasisiya pa lang niya ang mga payak na mga penomena sa kanyang paligid.
Sa karakteristikong moda ni Brillantes, nagtapos ang akda sa pagkakaroon ng “nag-iisang natitirang pag-asa [one hope left]“ (p. 278), na hindi man siya makahulagpos sa kulungang sitwasyon niya ngayon ay hindi naman siya mapansing nawala nang tuluyan ng mga kaklase, ni Miss Castillo, ng mga magulang niya, ng buong daigdig na ginagalugad pa lamang niya sa angkin nitong kagandahan. Ang pag-asang ito ang mapanghahawakan niya para huwag lalong malubog sa kumunoy ng pangit na mga karanasan. Ang pag-asang ito rin ang mag-aadya sa kanya kahit kapiling pa niya ang mga demonyo sa ilalim ng lupa. Pinakamahalaga, ang pag-asang ito ang magpapalaya sa kanya sabay sa kanyang pagsubok na lumabas mula sa kung saan siya nakabilanggo.

Hidalgo, Cristina P. Filipino Fiction in English. Nasa draft ng isang librong ilalathala ng University of the Philippines Open University, isinulat noong 2003.
Gonzales, NVM. Introduction. Nasa unang paglilimbag ng The Distance to Andromeda and Other Stories. Manila: Benipayo, 1960.

2 comments:

  1. Anonymous2:01 AM

    Ano po bang ibig sabihin ng Hulagpos?

    ReplyDelete
  2. Anonymous11:27 PM

    My name is Sonja McDonald, lesbian, 23, a stewardess of Swiss Airlines. I am very tender with much fantasies, also in my wonderful job. Why are Filipina girls so shy for lesbian sex?
    sonjamcdonell@yahoo.com

    ReplyDelete