Anu-anong mga makabaklang subersiyon laban sa patriyarkal na sistema ng lipunan ang mapupuna sa maikling kuwentong “Lalaki” (Nasa Ladlad 2: Anthology of Phlippine Gay Writing. Pasig: Anvil, 1996) ni Honorio Bartolome De Dios?
Sa pamamagitan ng tekstuwal na pagsusuri ng “Lalaki,” isisiwalat ang samu’t saring manipestasyon ng pambaklang pag-aaklas kontra mga panlipunang inhustisyang iniaanak ng kulturang macho at homophobia. Ang mga subersibong kaisipang ito ang ipinapahiwatig ng may-akda na mahalagang susi para mapaalpas sa pagkakakulong—mapalaya—ang mga baklang biktima ng iba’t ibang diskriminasyong patriyarkal.
Tubong Marilao, Bulacan si Honorio Bartolome De Dios na kakapanalo lamang ng unang gantimpala sa katatapos na Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 2004 para sa maikling kuwento niyang “Etong Bayad, ‘Sang Kalayaan Lang.” Ang ngayon ay nakabase sa Meycauayan na si De Dios ay naipagpalimbag na ng University of the Philippines Press noong 1998 ng antolohiya ng mga maikling kuwentong may paksa ng kabaklaan, ang Sa Labas ng Parlor, kung saan kabilang ang akdang “Lalaki.” Giniya ng iba’t ibang karanasan mula sa seminaryo, sa mga pinagtrabahuang non-government organization, at sa State University kung saan nakapag-workshop siya bilang fellow sa Institute of Creative Writing, marubdob na tinalakay ni De Dios ang sensitibong tema ng pambaklang subersiyon sa harap ng represibong ideyolohiya ng patriyarka at ang kaakibat nitong homophobia.
Nabuo ang akda sa panahong umaatikabo ang rebolusyong sekswal at ginigiba na ng postmodernong homosekswal ang pasaway na pader ng tradisyunal na machismo at modernong heteroseksismo. Dito sa Pilipinas, nakapaglabas na ng erotika ang mga Filipina sa pamamagitan ng Forbidden Fruit, at sumunod na rin ang panitikan ng mga bading sa pagkakaimprenta ng Ladlad 1 at 2 (at ang papalabas na Ladlad 3), mga pangyayaring hindi inaasahan kalahating siglo na ang nakararaan matapos makasuhan si Estrella Alfon sa paglathala ng umano ay pornograpikong Fairy Tale for the City.[1]
Masasabi ngang buong tapang na ang paglaladlad ng mga bakla upang bawiin ang inagaw na karapatang lugar sa lipunan, at isang testamento ang akdang “Lalaki” sa katapangan ng bading na baliktarin ang lamesa upang wasakin ang mga kumbensyonal na paratang sa mga badaf[2] bilang duwag, ‘di makapananakit, malalandi, sex pervert at iba pa. Sintomas ang akda bilang patunay na gaya ng sinumang inaping biktima ay kaya nitong maghiganti at panahon na para kitlin ang mga isteryutipo sa kabaklaan[3]upang mabawi ang lugar na pinamamayanihan ng mga lalaki gayong para ito sa lahat.
Walang pangalan ang lalaki na siyang sentro ng atensyon ni Arnold, ang pangunahing tauhan. Tama lang na hindi siya pangalanan, dahil isa na itong paraan ng rebelyon sa patriyarka kung saan ang babae, ayon kay Maxine Hingston, ay “no name woman” kung paanong nakasunod sa second sex ni Simoun de Beauvoir ang mga bakla bilang third sex. Samantalang maaaring ang lalaki ang tinutukoy sa pamagat ng akda, tugma rin ito sa mga bakla dahil higit sa anumang machong paniniil ay lalaki rin ang mga bading. Sa umpisa, sinabing “kaupisina [ni Arnold] ang lalaki…[at] naramdaman [niyang] ganito ang kahihinatnan ng mga pangyayari” (p. 221) na ang lalaki ay kakapit sa kanya na isang bakla. Gayunpaman, “umasa pa rin” siya dahil “wala naman[g] pagpipiliiang masyado” (p. 221) lalo kung tutuusin ang konteksto ng bakla sa Pilipinas na ang hanap ay tunay na lalaki, iba sa Kanluraning homosekswal na puwedeng magmahalan ang kapwa bakla. Sa pagngiti ng lalaki kay Arnold, gumanti siya ng isa ring ngiti dahil “wala naming masama” (p. 222) kahit pa ang pagngiti sa kapwa lalaki ay nagbubukas ng posibilidad na mapagkamalang bakla. Kinaibigan nga siya ng lalaki, kaya bilang kabayaran sa pagkakasama niya sa homososyal na institusyon ng kanyang barkada ay kinailangan niyang “mag-blow-out” (p. 222). “Sanay…[a]t hindi [niya] ito first time” (p.223), ang mapagsamantalahan ng mga lalaki. Sa iba’t ibang mukha ng lipunan, naiisahan ng mga lalaki ang mga bakla: nagagatasan ng pera, naiinsulto nang walang katwiran at dahilan, naaagawan ng mga pribilehiyo dahil lamang straight ang oryentasyon nila at hindi maluwag ang restriksyon sa mga bakla.
Naging serye ang paglibre-libre ni Arnold sa lalaki at kabarkada nito, kaya sinuklian naman nito ng mabuting pakikitungo, isang pagkakalapit na pagbibintangang abnormal, imoral, o simpleng sekswal kung sa konteksto ng lipunang umaayaw sa homososyal na ugnayang hindi naman sa militar, pulisya o seminaryo. Minsang yayain nitong makitulog na siya sa bahay nito sa Recto, sa taxi ay naging “close na close” (p. 224) sila sapat para maidantay ni Arnold ang braso sa hita ng natutulog na lalaki at, sa pag-aakalang magiging kahalayan ang simpleng dantay, pabastos na binantaan ng taxi driver si Arnold ng “Day, huwag dito sa taxi” (p. 225) gawin ang lampungan sunod ang makahulugang pag-iling na nagpapahiwatig na ang mga bakla ay hindi makapagpigil sa kalibugan kaya ‘di karapat-dapat igalang. Sa pagtawag lamang nito ng “Day” kay Arnold ay iniinsulto na ito dahil ang Inday ay pambabaeng pantawag at hindi naman kinakailangang ang isang bakla ay magnanais na maging babae.
Sa kuwarto ng lalaki kung saan nagkalat ang mga tanda ng tipikal sa patriyarkang komodipikasyon at obhetipikasyon ng mga babae (Playboy magazines, mga puta sa Quezon Avenue), lumitaw na may homophobia pala ang lalaki dahil minura nito ang kapatid na baklang “hanggang panaginip, ayaw [siyang] tantanan“ (p. 226). Kasalanan para sa macho ang kabaklaan kaya turing ng lalaki ay “nagbiro pa ang tadhana” (p. 226) nang maging binabae ang nag-iisang kapatid. Gayunpaman, hindi kumbensyonal para sa kapatid nitong bakla ang drug pushing, isang napakapeligrosong trabaho na maiuugnay lamang sa mga tunay na lalaki at hindi sa mga binabae. Ang paggamit nito ng kanyang parlor bilang front ng pagtutulak ng shabu ay pahiwatig na matapang din ang mga bakla, dangan nga lamang at hindi paborable ang ganitong trabaho, bakla man o hindi. Hindi nadadalaw ng lalaki ang kanyang kapatid, bagkus ay mga pinsan nilang bakla lamang, patunay na sila-silang mga bakla ang aasahang magdadamayan. Higit sa “bangungot na ‘yon” (p. 227) ng lalaki ay bangungot din para kay Arnold ang ironiya ng pagkahulog ng kanyang baklang loob sa isang homophobic na lalaki. Ilang beses ding lumitaw na homoerotiko ang ilang bahagi ng akda sa pagpapakita ng lalaki bilang senswal na kaakit-akit—tugon ng awtor sa obhetipikasyon naman ng lalaki sa perspektibo ng bakla.
Minsang napasakay pauwi ng Monumento si Arnold ay nakatabi niya ang isang mamang “ni hindi tuminag” (p. 227) sa pagkakaupo upang sakupin ang pandalawahang upuan sa bus. Kung hindi pa siya nakiusap na umusod ito, hindi pa siya makakaupo. Simboliko ang pangyayaring ito sa kasalukuyang sitwasyon sa lipunan ng lehitimong lalaki sa patriyarka at sa mga ‘di-tunay na lalaki. Ang mundo ay dinodominahan ng mga macho at inietsa-puwera ang mga bading. Dahil ang sitwasyong ito ay hindi nag-aanyaya ng katarungang panlipunan, may mga katulad ni Arnold na isasaboses ang kanilang hinaing at hangaring bawiin ang puwestong nararapat sa kanila. Ang hindi kumibo, may implikasyon ng pagpayag na magulangan. Pagkaraang magkomento hinggil sa pangit na patakarang ito ng pananakop at pagsasantabi, nabuo sa isip ni Arnold ang dalawin ang kapatid ng lalaki, ang baklang si Archie. Madali siyang dalawin dahil may kakilala siya sa Kampo Crame, ngunit kung bakit niya “dadalawin ang isang taong nakakulong dahil sa drugs, hindi…naman kaano-ano, ni hindi…pa nakikita sa tanangbuhay” (p. 227) ay ang pagkakapareho ng kapalaran nila sa mukha ng panlalamang ng mga may pribilehiyo kaysa kanilang nagkataong alanganin ang oryentasyon.
Nonlinear ang kuwento kaya nagbalik-nakaraan din sa panahong hayskul si Arnold at ang kagustuhang makapag-uwi ng karangalang Kadete ng Taon ay hindi natupad. Manapa, nahuli siya sa isang entrapment kung saan ang company commander niya ay inakit siyang hawakan ang pagkalalaki nito at nang mailawan sila ay idineklara nang “nanggapang ng commander si Arnold” (p. 229), bagay na nagdulot ng malaking kahihiyan sa pamilya. Samantalang siya ang biktima, gumana na naman ang dobleng patakaran ng lipunan dahil siya umano ang gumawa ng unang hakbang para gahasain ang commander. Nabaligtad ang sitwasyon dahil kung mailalagay siya sa balag ng kahihiyan gaya ng panggagapang ay hindi nga naman siya karapat-dapat bigyan ng medalya. Nabugbog pa siya ng kanyang tatay at ipinaalaalang siya ay lalaki at hindi babae. Sinagot naman ng nakatali at hinahagupt na si Arnold na hindi nito kailanman inilusyong maging babae, kung paanong lahat ng naliwanagang bakla ay nangangarap na maging tootoo lang sila sa kanilang baklang sarili at hindi ang umasang maging ganap na babae o maging tunay na lalaki. Kahit pa phallogocentric ang paghawak ng tatay ni Arnold sa kanyang pagkalalaki bilang paalala na “hindi [ito] kepyas” (p. 234) at “ang gamit nito ay sa babae lamang” (p. 235), hindi rin naman pinagkatandaan ni Arnold iyon dahil nagpatuloy siya sa pagiging bakla hanggang magkatrabaho—isang pagtayo laban sa mga lalaking may delusyong mapapahuma nila ang kabaklaan ng mga bakla kung gugulpihing mabuti para iwaksi ang endensyang maging binabae.
Minsang nagkausap sina Arnold at ang kaupisinang si Edna, naitanong ng babae kung bakla ba si Arnold. Sa sagot nitong mawawalan siya ng trabaho kung aamining ang totoo, masasalamin ang diskriminasyon sa mga bakla sa propesyonal na industriya dahil lamang sa oryentasyon. Samantalang dapat na protektahan ng batas ang karapatang pantao ng mga bakla sa kahit anumang uri ng diskriminasyon, nagbibigay-komento ang may akda hinggil sa kahungkagan ng awtoridad dahil maraming bakla ang nakararanas ng panlilibak, pang-iinit at pagkawala sa trabaho kung matunugang kumukulot ang boses o pumipilantik ang mga daliri nila. Sa huli ay sarili rin ng mga bakla ang tangi nilang maasahan. Pinapapag-ingat nang doble ni Edna si Arnold sa pakikitungo nito sa lalaki dahil hindi malayong isailalim din siya nito sa diskriminasyon. Sa puntong “parang walang nangyari[ng]” (p. 231) sigawan at komprontasyon sa pagitan nila ng lalaki nang nagdaang araw, pinalampas na lang basta ni Arnold ang pang-aabusong patriyarkal dahil gumagana ang palsong kamalayang dapat magpailalim sa lalaki dahil “isang simpleng bagay lang ang nangyari at hindi…na kailangang palakihin pa.” (p. 231) Sa mga mata ng mga taga-opisina, ang bakla ang gumagawa ng gulo kahit pa ang lalaki ang gumawa ng eskandalosong pagsigaw-sigaw.
Sa pagdalaw ni Arnold kay Archie, nakita ni Arnold kung gaano kalaki ang pagmamahal at pagmamalasakit ni Archie para sa kuya nito, nagpapahiwatig na ang mga bakla ay may kapasidad na magmahal kahit pa ano ang lagay ng kanilang oryentasyon, isang pagbaliktad sa kaisipang wala silang alam sa pag-ibigmalban sa pakikipagtaliksakung sinu-sinong lalaki. Dito rin mapapansin kung gaano katalas ang tinatawag na gaydar sa pagitan ng mga bading: alam agad ni Archie na bading si Arnold dahil sa pagdikit-dikit nito sa lalaki. Totoo kung gayon ang “it takes one to know one.” Gayunpaman, pinapapag-ingat din siya ni Archie dahil “kahit sinong bakla, dapat nag-iingat sa pakikitungo sa kahit nasinong lalaki,” kahit pa sa kuya nitong maaaring kilalang-kilala niya. Ang paulit-ulit na babalang ito ay parunggit sa abusong ginagawa ng kulturang macho na mananagasa kahit sino upang manatili sa posisyon ng kapangyarihan sa lipunan. Nang tanungin ni Arnold ang binatilyong nagsuplong sa kanya sa mga awtoridad, nalaman nitong “ginawa siyang kabit nu’ng arresting officer na lumusob sa parlor” (p. 232) ni Archie, patunay na ilusyon lamang ng mga tunay na lalaki ang kadalisayan ng mga homososyal na institusyong gaya ng pulisya o militar. Ang pulis na kinabitan ng binatilyong shabu user ay isang baklang nakontamina ang sinasabing purung-purong panlalaking institusyon. Hindi kapani-paniwala ngunit may balintuna ng katotohanan na may mga baklang pulis, pari, sundalo at iba pa, at kaya ng mga bakla na pumalaot sa mga propesyong inaakalang pang-macho lang. Sa pag-alis ni Arnold sa kulungan ay lalo niyang naramdamang “pareho [silang] nagulangan ni Archie [at] pareho lang [silang] biktima” (p. 232) ng patriyarkal na opresyong patuloy na nagkakait na pantay-pantay na pribilehiyo sa lahat ng kasarian. Hindi tuloy maiwasan ng iba na maging eskapista (gaya ng pagtira ng cough syrup at damo noong hayskul bilang pagrerebelde nilang mga bakla sa lipunang ayaw silang intindihin at tanggapin) dahil ito ang nakikita nilang paraan para mag-alsa sa sistema ng paniniil na tanging machismo lang ang makagagawa laban sa mga ‘di-macho gaya ng mga bakla at babae.
Noong magdiwang ng kaarawan si Arnold, nadarang ang dalawa sa kanilang pagkalasing at may namagitang sekswal sa kanila. Nang muling gumawa ng pasigaw-sigaw na eksena sa opisina ang lalaki hinggil sa paglalagay umano ni Arnold sa kanya sa kahihiyan, iginigiit nito kay Arnold na lasing siya at wala sa tamang huwisyo kaya niya nagawang pumatol, gayong alam ng bakla na gnusto nila pareho ang nangyari. Dahil ang anumang sekswal na kaugnayan ng isang lalaki sa bakla ay magdudulot ng insulto sa pagkatao, nagkakaroon ng homophobia ang lalaki at ikakatwirang “libog lang ang lahat sa kanya at wala namang kahulugan…Lalaki siya at hindi…dapat umasa” (p. 235) ang baklang maitutumbalik ang nararamdaman niyang pag-ibig para rito. Umabot pa sa puntong naipahamak ang karera ni Arnold matapos na mabigyan siyang misconduct warning ng kumpare ng lalaki na nagpipilit sabihing nilasing lang ni Arnold ang lalaki at nalibugan lang ito kaya pumatol. Sa ganito ay iniipon ng mga lalaki ang lahat nilang maikakatwiran para huwag ituring ng iba ang homosekswal nilang ugnayan sa bakla bilang manipestasyon na rin ng kabaklaan sa kanilang machong-machong sarili. Hanggang sex lang umano ang lahat at ang ginagawa niya ay parte ng pagiging “barako” (p. 237). Lamang,alam ng mga bakla na may mga lalaking nasisiyahan talaga sa relasyong homosekswal at sa kasiyahang ito, dumadausdos na sila sa kontinuum ng kabaklaan taliwas sa ideyang hindi mababahiran ng dungis ang tunay na lalaki.
Nagkaroon ng kabuuang subersiyon ang kabaklaan laban sa patriyarka sa pagtatapos ng kuwento kung saan sa pagbibigay ng tulong ni Arnold sa lalaki ay nagawa nila uling magsiping. Sa unang yugto ng sex trip nila ay nagpapakumbaba lang si Arnold sa lahat ng gusto ng lalaki ngunit nang ipinagpilitan nito ang inaayawan ni Arnold na anal sex, pinuwersa niya ang bakla upang magawa ang gusto. Naging artikulado man ang bakla sa paggiit ng pag-ayaw niya, pinilit siya ng lalaki at sinadista. Dito na nanlaban si Arnold dahil nasaktan siya, at sapat ang pananakit na iyon ng lalaki upang humulagpos ang pagrerebelde ng bakla at wakasan na ang tahimik ngunit nagdurusang pagsunod sa lalaki. Sa puntong ito ay nagawa pa ng lalaking murahin at insultuhin ang sangkabaklaan sa pagsasabing “aayaw-ayaw…pa, [pero] ang galing…namang tsumupa” sabay yaya na “[i]tuloy na” ang pagniniig at “’wag nang magkunwari” (p. 239). Namamali ang lalaki sa pag-akusa sa bakla na kapag ginagahasa ang bakla, hiniling nilang mangyari sa kanya iyon, na atas ng kutob-machismo na gusto rin ng bakla ang pamumuwersa kaya wala siyang karapatang tumanggi. Pagdating sa sukdulan kung saan itinuloy ni Arnold ang pagpapaligaya sa lalaki, hindi na matatapos magsalita ang lalaki dahil ang bakla na ang dodomina sa huling pananalita, pakita na lumamang na ang bakla sa lalaki at papatayin na niya ang lahat ng mga istiryutipo at makalumang pagtuturing sa mga bakla. Sa pinal na aksyon ng panananaksak sa lalaki, pinapatay ng bakla hindi lamang ang lalaking naghahawak ng mali-maling kaisipan kontra mga bakla kundi ang lahat ng mga negatibong imahen ng bakla sa utak ng lalaki, ng mga barkada nito sa opisina, ng taxi driver, ng eskuwelahang nilayasan niya matapos ang entrapment sa camping, ng kanyang ama, at ng lipunan sa kabuuan. Ngayong “patay na ang lalaki” (p. 240), naisakatuparan ng biktimang bakla ang isang makatarungang paghihiganti laban sa patriyarkal na opresyon at namumuo na ang unos na magliligalig sa normalisadong ideyolohiya ng machismo sa lipunan.
[1]Dalisay, Jose. The Filipino Short Story in English: An Update for the 90’s. Nasa Filipiniana Reader. Legasto, Priscelina P., Ed. Quezon City: University of the Philippines Open University, 1998.
[2]Garcia, Neil. Philippine Gay Literature. Nasa Performing the Self: Occasional Prose. Quezon City: UP Press, 2003.
[3]Remoto, Danton. Introduksiyon ng Ladlad 2: Anthology of Philippine Gay Writing. Garcia, Neil at Danton Remoto, mga Editor. Pasig: Anvil, 1996.
No comments:
Post a Comment