the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Sunday, February 25, 2007

ang post-kolonyal sa sandaang panaginip


Sapagkat hindi na maisusulat pang muli ang kasaysayan, inangkin na ng mga bansang kolonyal gaya ng Pilipinas ang pulitika ng Post-Kolonyalismo. Sa kabila ng karahasang dinanas ng mga bansang kolonyal dahil sa kasaysayan ng pananakop, ginamit nila ang Post-Kolonyal na kalagayan upang mabuo ang pagkakakilanlang binasag ng kolonyal na karanasan. Naisainstitusyon man ang mga kaisipang Kolonyal, tinapatan din naman ito ng mga kaisipang Post-Kolonyal upang tuligsain ang imaheng binubuo ng Kanluran sa kanyang Iba.
Nabibilang sa mga kaisipang Post-Kolonyal ang institusyon ng Panitikan, kung saan kauri ang dulang Sandaang Panaginip ng batikang manunulat na si Prof. Rene Villanueva. Makikita sa mga elemento ng komedyang ito ang maraming katangiang Post-Kolonyal. Isa itong pamamaraan ng manunulat upang bawiin ang ninakaw na identidad sa pamamagitan ng pagpapakita ng alternatibong imahen ng nasakop.
Una na sa mga ito ang mga tauhang ginagampanan ang mga tungkuling maharlika sa konteksto ng Kanluran. Pangalan pa lamang nila, inangkat na: Alexander, Leona, Carlos, Yasmin, Anshari. Dagdag pa, reyno at reyna, prinsipe at prinsesa sila na pawing mga Kanluraning konsepto ng mga pinuno sa halip na gumamit ng katutubong pangalan ng dugong mahal. Kahit may mga katutubong pangalan at katawagan naman, ang paggamit ng mga angkat na ngalan ay tanda ng hindi-basta-matitibag na markang kolonyal na hindi naman lubusang makabubura ng pagka-nasakop. Samantala, Post-Kolonyal ang katangian ng mga tauhang makipagtalastasan sa isa’t isa gamit ang katutubong wika sa kabila ng kaanyuan nilang maka-Kanluraning konstruksyon ng mga dugong bughaw. Gahum man ng Kanluran na hubugin ang Oryental ayon sa maka-Kolonyal na hulmahan ng una, gahum naman ng Oryental ang panatilihin ang pagkakatutubo nito sa pamamagitan ng mga lantay na Pilipinong kaisipang supernatural gaya nina Inang Diwata at mga lambana sa halip na gamitin ang Kanluraning engkantada o nayadas. Kahit na kolonyal sa kaanyuan ang mga nagsisiganap, sa esensya ay Post-Kolonyal sila dahil hindi tuwirang nasira ng pananakop ang pagkatao nila.
Litaw na litaw pa rin ang Post-Kolonyal kahit sa tagpuan. Pinaghalo ang kalinangang Oryental at Oksidental sa pamamagitan ng bahay-haring hitsurang katutubo na katambis man din ng harding may mga moog na ginanyak man din ng Sibilisasyong Gresya. Gayundin naman ang pamanahong tagpuan sapagkat nagsimula ang dula na nanganganib nang bumagsak ang kaharian dahil sa patung-patong na mga problema ng mga naghihirap na mamamayan gaya ng taggutom at pangkabuhayang pag-aaklas at nagtapos na may panibagong buhay ang mga tao sa pagkawala ng imperyalistang taga-Parachibum at ang tuta nitong manunuba ng sandamakmak na bara ng ginto.
Post-Kolonyal din ang banghay sapagkat gumigitaw dito ang kaisipang imperyalismo at diaspora. Ang pagkakautang ng walong milyong bara ng ginto ng kahariang Tralala sa kahariang Parachibum ay isang ‘di-direktang pananakop ng huli sa una: hindi man tuwirang sakop ng Parachibum ang Tralala, hawak naman ito sa leeg sapagkat dinidiktahan naman ng Parachibum ang Tralala sa taning ng pagbabayad ng utang. Diaspora naman ang paglalakbay ni Yasmin una patungong Timog at pangalawa sa gubat patungong Parachibum dahil kinakailangan niyang umalis sa kaharian ng ama para tumulong ayusin ang mga gusot na pinagdaraanan ng Tralala. Ang presensya ng post-Kolonyal na mga kaisipang ito ay ang mga masasamang epekto sa bansang kolonya ng pananakop dahil nga birtuwal na walang kalayaan pa rin ang bansa at masakit mang iwanan ang bansa sa gitna ng paglubog sa kumunoy, napipilitang mangibang-bayan sa ibayong dagat para makaiwas sa problemang internal.
Sa pagsasama-sama at pagtatagisan ng mga motif sa kuwento, hindi lamang Post-Kolonyal ang dula kundi Post-Moderno pa dahil sa bricolage at pastiche ng mga pangyayari sa kasaysayan gaya ng “edifice complex” ni Imelda Marcos, sa panitikan gaya ng madrastang masama kasama ang mga anak na hindi kagandahan, sa sayaw gaya ng koreo sa arnis ng armada kapwa ni Anshari at ni Heneral Tulume. Ang paghahalu-halong ito ay dili iba kundi ang mga kaisipang hybridity at alterity kung saan sa pagkakakontamina ng kalantayan ng banghay, wala nang kasiguruhan ang pagkakakilanlan nito. Hindi ito purong Filipino, pero sa kabila ng samu’t saring pagkakahawang kolonyal, mapangingibabaw pa rin ang natitirang sarili.
Pati tema ng dula, Post-Kolonyal din. Ang sagupaan ng mabuti at masama sa dula ay masasalamin sa katutubong taguri rito: moro-moro. Dito, nagsasagupaan ang mga Kristiyano at mga Muslim, at dahil nakaiibabaw ang Kristiyanismo para sa mga Kanluranin kaysa sa mga barbarong moro, nagtatagumpay lagi ang kabutihang kinakatawan ng Kristiyanismo. Post-Kolonyal ang labanan sa pagitan ng armada ni Prinsipe Anshari at ng kay Heneral Tulume dahil nagtagumpay ang mabuti laban sa masama sa isang dulang inangkat mula Europa ngunit binigyan ng panibagong trato ayon sa pagkakagawa nito rito sa Pilipinas. Binigyan ni Villanueva ng Filipinong mukha ang Europeong komedya.
Panghuli man ang konteksto ngunit puno rin ng Post-Kolonyal na katangian ito. Gamit ang screen flash, iba’t ibang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang ipinakita, simula ng masakop ito ng mga Kastila hanggang masakop ng mga Amerikano hanggang okupahan ng mga Hapones nang panandalian noong panahon ng giyera hanggang maibalik sa pamamahala ng mga Amerikano. Mahalaga ang mga panooring ito sa konteksto ng dula bilang alegorya sa kalagayan ng bansa: naghihirap ang Tralala (Pilipinas) dahil sa pagkakautang nito sa ibang kaharian (EuroAmerica). Nananagana sa pangungurakot ang reyna (Imelda Marcos—siya ang alusyon kay Leona na isang waldas na pinuno ng kaharian) sa kabila ng pagkagutom at pagdurusa ng mga manghahabi ng Timog (mga mangagawang Filipino). Hindi maiiwasang ikritiko ang alegoryang ito dahil ang pananakop ang nagsilbing mitsa sa pambansang paghihinagpis. Kung hindi pinakialaman ng Kanluran ang Pilipinas sampu ng mga kolonyang bansa, katutubo sana ang gumitaw na kultura rito at hindi kakalakalin ng mananakop para sa pansariling kapakanan.
Sa produksyon makikita ang pagtatagni-tagni ng sandaang panaginip sa Sandaang Panaginip dahil sa nakahihilong presentasyon ng mga tauhan sa entablado habang sa gilid ay nagpapalabas din ng iba’t ibang clips ng pambayang kasaysayan, ng kalikasan at iba pa. Sa Post-Kolonyal na perspektibo, tinuturingan ng sandaang panaginip ang pangarap ng daan-daan, libu-libo at milyun-milyong Filipino na matagpuan nila ang kani-kanilang mga sarili sa kabila ng pagkakasakop na dahilan ng kontaminasyon sa pagtingin natin sa ating mga sarili. Sa pagkakatupad ng sandaang panaginip na ito, wala nang duda na tanggalin sa sistema ang ituring ang sarili bilang Amerikanong kulay kayumanggi, pagiging utak-Stateside at pagkakaari ng malay-kolonyal. Kaisa tayo sa mga manggagawa at mga tauhan ng dula na sa pagkaresolba ng mga suliraning pang-ekonomiya at pangkaharian, mas magiging malapit na ang kaganapan ng pagkasarili at tugma ito sa proyekto ng Post-Kolonyalismo na pagkakaari ng identidad na iba kaysa sa pinapalitaw ng nanakop. Sa pagkakakilanlang ito, hindi basta aliping kolonyal ang Filipino kundi may dangal sa kanyang sariling lahi, kasaysayan at kalinangan. Sa puntong ito, hindi rin basta nananaginip lamang ang mga Filipino.
Mabisa ang Sandaang Panaginip para palutangin ang konseptong Post-Kolonyal sa isang bahagi ng institusyong Pilipino. Sa pamamagitan ng dulang ito, ibang anyo ng Iba ang makikita: hindi naisasagilid ni nawawala, bagkus ay muling aangkinin ang sentro upang mabuo muli ang sarili.

2 comments:

  1. Anonymous4:19 AM

    Very good! Ngunit, nakakatamad mag-basa. Ang haba! :)

    ReplyDelete