the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Sunday, April 02, 2006

kayumangging 'kano sa tondo


Nakalulungkot isipin ang mga huling sarbey sa sambayanan hinggil sa pagkamamamayan (o kawalan nito) ng mga Filipino. Kung mabibigyan ng pagkakataon, kalahati ng mga nakausap ang gustong magsilayas na ng Pilipinas para sa mas maginhawang pamumuhay sa ibang bansa. Sa mga kabataan naman, isa sa apat ang naghahangad na ipinanganak na sana bilang ibang mamamayan kaysa bilang Filipino. Tila ba isang salot ang pagiging Pinoy kaya ikinahihiya ito ng hindi kakaunting kababayan. Ito ay lubusang totoo higit sa mga nakalapag na sa ibang lupain kung saan ang pamumuhay ay moderno at kaaya-aya. Para naman sa mga nakabase lamang dito, sitwasyong pulitikal at ekonomikal ang salik kung bakit nais magsipagsapalaran na lang sa dayuhang bansa. Pahiwatig kaya ito na kung pag-asa ang hinahanap, hindi matatagpuan sa Pilipinas saan mang lupalop tumingin dito?
Isyu ng (kawalang) pagkamamamayan ang basikong tinalakay sa dulang New Yorker in Tondo ni Marcelino Agana, Jr. Arketipo si Kikay, ang pangunahing tauhang nagbalikbayan mula New York, ng utak-kolonyal na Pinoy: kumpara sa galing Amerika, laos ang anumang bagay na Pinoy kaya dapat tangkilikin ang sa dayuhang kultura. Samakatuwid, ayon nga sa isang dating patalastas sa telebisyon: walang ganyan sa States. Dagdag pa rito ang tinubuang lugar na binalikan ni Kikay, ang notoryosong distrito ng Tondo sa lungsod ng Maynila kung saan siksikan sa mga barung-barong ang mga dukha, basag-ulo ang libangan ng mga maton at panganganak o tsismisan naman sa mga babae. Isang Kayumangging ‘Kana sa isang jologs (kolokyal sa alipustang-uri) na lugar at pihong sagupaan ito ng "mataas" at "mababang" antas ng kultura.
Gaya ng nasabi na, kinakatawan ni Kikay ang kolonyal na Filipino: napunta lang sa ibang bansa, nagkaroon na ng karapatan maging kritikal sa lahat ng bagay na kinalakhan. Nasa Pilipinas na nga, naiwan pa rin ang puso sa San Francisco, kumbaga sa lumang kanta. Kulang nang masabing sa paglapag ng mga kaugali ni Kikay sa paliparan ng bansang pinuntahan, nalulusaw na ang pagkamamamayan at nagiging dayuhan na. Kataka-taka ito kung iisiping ang ibang Oryental na mamamayan ay nagsusumikap protektahan ang kanilang kultura at gumagawa ng Chinatown o Koreatown kung para lang hindi lamunin ng impluwensiyang dayuhan. Si Kikay naman, sosyal na dahil iginigiit na siya si Francesca, kuntodo makeup at Ingles ng Ingles dahil nga naman sa Pilipinas o saan mang lupalop na naaapektuhan ng Imperyalismong Amerikano, mas impresibong magsalita sa kolonyal na wikang Ingles kaysa katutubong wika. Kalunus-lunos ito para sa mga naiwang kamag-anak at kaibigan na nananabik pa man ding makapiling muli ang minamahal na nangibang-bansa, nagtiis mahiwalay para hayaang makaranas ng edukasyon o trabaho o pagliliwaliw sa ibayong-dagat para lamang gulatin na ang balikbayan palang hinihintay ay hindi na makikilala pa.
Hindi kakaunting Pilipino ang ganitong klase, bilang pagpapatibay sa resulta ng sarbey sa pasakalye ng pagmumuning ito. Bilang bansang nakaranas ng halos kalahating milenyong pananakop ng iba’t ibang dayuhan, may umiiral na Kikay sa bawat isa sa atin, nakalabas man o papalabas pa lang. Ang pagtangkilik sa pelikulang Hollywood o sa pagkaing Mcdonald’s o sa mga produktong Stateside at tandisang pag-ayaw sa inaakalang mababang-uring produktong Pinoy ay pahiwatig ng kamalayang kolonyal. Pinatitindi pa ang anti-Pilipinong kaisipan ng talamak na kahirapan at pagbabangayang pulitikal—pag-asa sa laro ng kapalaran na nag-anak ng trahedyang stampede, pagpapatupad ng anti-mahirap na Expanded Value Added Tax, mala-batas militar na State of National Emergency ng Pangulo, at iba pa—kaya sino ba ang hindi maghahangad makaahon sa paglubog na ito na ang tanging nakikitang liwanag ay pagdayo sa ibayong lupain? Nagiging eskapista na ang hindi kakaunti sa atin kaya wala tayong pinagkaiba kay Kikay na naghunos ng pagkamamamayang Pilipino dahil ang paghuhunos na ito ang tanging paraang makatakas papunta sa mapagligtas umanong kulturang kolonyal.
Si Kikay: lumawak ang kanyang napag-aralan, nagkaroon ng breeding, naging bihasa sa Ingles pero kahit sa pangalan ay wala nang identidad pa. Filipino pa ba siya o Amerikano na? Katutubong Filipino siya sa hitsura ngunit hindi ang kanyang kalooban, kaya hindi malayong mababang-uring Amerikano siya kumpara sa lehitimong ‘Kanong maputi ang balat, ginintuan ang buhok, matangos ang ilong. Katawa-tawa kung ituturing ng sinumang Kikay na siya ay hindi siya sapagkat iba na siya dahil maliban sa kamalayan, diskriminado ang kaanyuan niya sa tunay na ‘Kano. Isang pagkukunwari ang paggigiit na ito ng ‘di-pagka-Filipino at hindi lingid ang katotohanang walang buting idudulot ang pamumuhay sa kasinungalingan. Sa kaso ni Kikay at iba pang utak-kolonyal sa ating katipunan ng mga mamamayan, saan sila lulugar kung kailangan na nilang iladlad ang kanilang pagkakakilanlan?

No comments:

Post a Comment