the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Tuesday, October 10, 2006

silang mga anak ng mutya ng pasig


Fran Ng, Girl Valencia , Nikki Go-Alfar, Christine Bellen, Cyan Abad-Jugo, Jena Pamintuan, Becky Bravo, Mirava Yuson, Mookie Katigbak , Frances Alcazar, Rica Bolipata-Santos, Conchitina Cruz. Mabibilang pa sa mga daliri ang mga babaeng anak na iyan ng Kasalukuyang Panitikang Pilipino. Bago nasilayan ng aking paningin ang iskrapbuk ng nasabing mga babaeng manunulat, narinig ko na ang ilan sa kanila dahil nagtuturo ang mga ito sa mga kilalang pamantasan, samantalang nabasa ko naman ang mga likhang-sining ng iba pa. Sa pagkakataon ngang mabasa ko ang iskrapbuk, namangha ako hindi dahil ilang taon lamang ang tanda nila sa akin kundi dahil mas marami pa palang manunulat sa kanilang kategorya kaysa sa inaakala ko.
Hindi naman kataka-taka kung maging bata mang gaya ng mga nabanggit ay makapagsulat nang mahusay sapagkat wala sa gulang ang pagiging henyo. Ang nakagulat sa akin, bukod pala sa mga pangalang may dating na sa akin gaya ni Cruz na kahanga-hanga ang mga prosang tula o ni Bellen na guro dito sa Ateneo o ni Ng na kumakatawan sa boses naming mga Tsinoy, may iba pang ngayon ko lang makakatagpo. Napaglimi kong kahit sa disiplina ng panitikan, maaaring mang-impluwensiya pa rin ang ideyolohiyang patriyarkal. Akala ko, sa nagdaang henerasyon pa nina Kerima Polotan at Edith Tiempo—kapwa mayoryang manunulat sa lokal na panitikan—nauso ang pagtuturing sa mahuhusay na mga babaeng manunulat bilang minorya lamang. Pati pala sa panitikan ng kontemporaryong panahon, tahimik pa ring nananalanta ang perhuwisyong pangkasariang ito. Pakiramdam ko, pinapalitaw na lalaki lamang ang makalilikha ng pinakamagagaling na sulat, ngunit bilang babae, naghihimagsik ako sa maling kaisipang ito.
Sa pagkabasa ko ng iskrapbuk, napagtanto kong maraming babae sa kapanahunan ko ang kakikitaan ng galing ngunit hindi marami ang nakapapansin nito. Bilang tugon sa kawalang-balanseng ito, naisip kong dapat kong simulan ang pagbabasa sa kanila at ang paghikayat sa iba pa na gawin ang pareho. Sa gayon, maibibigay sa mga babaeng manunulat ng kasalukuyang panahon ang pagkilalang nararapat sa kanilang henyo.

No comments:

Post a Comment