the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Sunday, October 08, 2006

aklas sa mga kapitalista: pag-alsa sa dulang “nasaan si kaliwete”ni clifford odets


Kapansin-pansin sa dulang isinalin ni Gerry de Asis na sa umpisa, ang kabilanang pinuno ng unyon na si Taba ang domodomina sa talakayan sa loob ng komite ng mgas unyonista, at ibig niyang kumbinsihin ang unyon na hindi malakas na instrumento ang welga para kalampagin ang panginoong kapitalista nila. Mababasa rito na sa papahirap nang papahirap na kondisyon sa paggawa ng mga empleyado, ibig palitawin nahindi pa pala makapangyarihan ang unyon at welga para maisulong ang mgakarapatan sa paggawa. Kesyo dehado na ang mapabilang sa kapisanan, matatanggal pa sa trabaho kung isang welgista, matagumpay man o hindi ang strike. Hindi yata at si Taba ang nakapanghimasok na anti-manggagawa sa unyon sa halip na ang mapag-alsang tinig sa komite na pinaparatangan niyang komunista. Kung hindi siya masasabing bayarang lihim ng kanilang amo, disin sana ay pangunahin ang malasakit niya sa kapwa empleyado at hindi basta aasa kung sino mang Pontio Pilato sa Malacanang sa paglikha ng aksyon sa kawalang-katarungan sa kanilang empleyo. Samantala, subersibo na ang sitwasyon sa wakas ng dula dahil boses na ng unyon ang nangibabaw sa halip na si Taba bunsod ng pagkahubad ng maskara ng totoong kaliwete o mapanlinlang na lider ng unyon at ang pagkakapatay ng pinunong si Kaliwete na mahihinuhang pinatahimik dahil sa pagpapangulo sa pag-aaklas ng mga unyonista. Sa pagbaliktad ng sitwasyon, tinig na ng unyon ang maririnig kaya nakapangyari na ito laban sa mga huwad na lider-mangagawa gaya ni Taba. Sa dulo ng dula masasagot ang titulong “Nasaan si Kaliwete?”- ang kaliweteng nagkukunwaring pinuno ay walang iba kundi si Taba samantalang natagpuan si Kaliweteng binaril ang ulo ngunit buhay na buhay naman sa representasyon ng mga unyonistang nagdesisyon nang kumilos para magwelga para sa kanilang mga karapatang niyuyurakan ng kanilang panginoon kapitalista.
Pangkalahatang atmospera ang panahon ng kahirapan sa modernong pamumuhay sa lungsod kung saan nakabase ang mga pabrika, mga kompanya para sa serbisyo, mga laboratoryo, mandin ang mga progresibong samahan ng mga manggagawa. Ang mga tauhang manggagawa sa lahat ng tagpo ay masyadong kinakalakal sa isang paraan o higit pa. Sa unang tagpo, ang drayber na si Joe ay nagtitiis sa kakarampot na pasuweldo ng kumpanay sa pagmamaneho na naglatag ng panganib sa pagkagutom ng kanyang pamilya at pagsama ng asawang si Edna sa dating kasintahang makapagbibigay-ginhawa sa kanyang buhay. Sa ikalawang tagpo naman, walang mabuting pagpipilian ang ibinigay sa katulong sa laboratoryo ng sandatang nukleyar: maging instrumento ng lasong gugunaw sa mundo o mawalan ng trabaho. Sa ikatlong tagpo, madilim ang kinabukasan ng magsing-irog na planong lumagay sa tahimik dahil sa hirap ng buhay at halos sumapat lamang na pasahod kaya walang kasiguruhang makatutulong ang paupahang drayber na si Sid sa nagdarahop na pamilya ni Florence. Sa sumunod na tagpo, napasaalanganin ang kapakanan ng mga unyonista dahil isang espiya ang nakapanghimasok sa unyon para tiwalagin ang samahan sa paglaban sa kanilang amo. Sa ikalimang tagpo, hindi pa man ay gumuho na ang mga pangarap ng isang batang artista para kuminang sa entablado at matulungang makapanganak nang maayos ang asawa dahil biktima siya ng diskriminasyon at samantalang hindi pa niya nababasa ang Communist Manifesto ni Karl Marx at Friedrich Engels, hindi siya makatatakas papunta sa liwanag. Sa huling tagpo naman,biktima rin ng diskriminasyon ang isang interno dahil pinili ang isang hangal para sa isang maselang operasyon sa isang ospital. Umiikot sa iisang kapalaran ang lahat ng mga taong nabanggit: silang mga nasa ibaba ay ginigipit ng mga nasa itaas dahil bukod sa kaya nilang gawin ito sa mga empleyado, iniilusyon ng mga amo na hindi mag-aalsa ang mga manggagawa bagkus ay sasarilinin lamang ang pananahimik at pagdurusa.
Mahalaga ang dula dahil naghaharing uri pa rin sa kasalukuyang panahon ang mga kapitalista at habang lalo silang yumayaman gayong ang mga manggagawang nagdadala sa kanila ng limpak-limpak na pera ay lalong humihirap, mabisang kritisismo ang dula para pakilusin ang mga uring manggagawa nang maipagtanggol nila ang kanilang karapatan sa kita ng negosyo sa porma ng mas nakabubuhay na pasahod, maayos na kalagayan sa pabrika at iba pang benepisyong alinsunod sa isinasakatuparan nilang paggawa. Hindi na lingid sa kaalaman ng mga may pakialam na iba't iba ang bisa ng kapitalismo sa mga bansang pinaghaharian nito, ngunit iisa ang banghay na tinatakbo ng relasyong kapitalista-manggagawa: puhunan lamang ang pinatatakbo ng may-ari ng kalakal ngunit ang malaking bahagdan ng surplus ay sa kanya napupunta sa halip na sa tunay na nagsisikhay na relasyon ng produksyon. Dahil hindi makatarungan at makatao ang pagmaltratong ito ng amo sa kanyang mga obrero, unyon at welga ang inihahatag ng dula na ilan sa mga solusyon para magkaroon ng balanse sa relasyon at bulabugin ang kapitalista sa maaaring isagawang isahang pagkilos-protesta ng mga trabahador niya. Samantala, sa buhay ko, mahalaga ang dula dahil ginising ako nito, gaya ng iba pang panitikang Marxistang naaral ko na, na maging maalam sa aking mga karapatan kung magiging manggagawa ako sa hinaharap o magkaroon ng konsensya sa mga karapatan ng aking mga empleyado sakali mang mamuhunan ako sa sarili kong negosyo. Panahon ngayon, ayon sa dula, para hikayatin ang uring manggagawa na pakilusin ang kapitalista sa pagbabayad ng nararapat.
Yamang nagtapos ang bawat yugto ng buhay ng iba't ibang uri ng manggagawa sa kawalang-pag-asa, hindi mahirap piliin ang mala-propagandang pagsasara ng dula dahil ito ang isahang tinig ng ginigipit na mga manggagawa sa lahat ng tagpo:
Tagapagpahayag (umiiyak): Narinig ninyo mga kaibigan, narinig ninyo? Putangina, makinig kayo sa akin! Baybay sa baybay! HOY AMERIKA! HOY! KAMI ANG SILAKBO NG URI NG MGA MANGGAGAWA. MGA MANGGAGAWA NG DAIGDIG…ATING MGA BUTO AT DUGO! At kung mamatay tayo, malaman nilang ginawa natin para mapabago ang mundo! Hesus, pira-pirasuhin na nila tayo. Mamamatay kami para sa ating karapatan! Tamnan nila ng mga punongkahoy ang pinaglalagyan ng ating mga abo! (Sa mga manonood) O, ano’ng sagot ninyo?
Lahat: WELGA!
Tagapagpahayag: LAKAS PA!
Lahat: WELGA!
Tagapagpahayag: Isa pa!
Lahat: WELGA! WELGA! WELGA!!!
Ang pangwakas na ito ng dula ang nagsilbing liberasyon ng mga manggagawa sapagkat sa wakas ay nagkatinig na sila at sa gitna na inpiltrasyon ng mga kunwang nagtataguyod ng kapakanan nila ay handa na nilang pagbayarin ang mga kapitalista nilang panginoon. Mahalaga ang pangwakas na ito para pagitawin sa isip ng makababasang uring manggagawa na may pag-asang hatid ang unyon at welga bilang pinakamabibisa nilang panlaban sa mga pang-aabusong kinakaharap nila bilang miyembro ng relasyon ng produksyon. Sa sama-sama nilang pagkilos-protesta, maaari paring matupad ang propesiya ni Marx na maitataob ang mga kapitalista at mababawi ng uri ng mangagawa ang dapat lang na maging bahagi nila sa kitang puhunan.

No comments:

Post a Comment