Pagpapakaindibidwal ng tao sa harap ng kolektibismo sa lipunan ang pangkalahatang pananaw ng mga tula ni Bomen Guillermo sa antolohiyang Agaw-Liwanag (QuezonCity: High Chair, 2004). Nakalagay ang tao sa isang lipunang puno ng mga institusyong dapat niyang kabilangan para magkaroon ng identidad, ngunit pilit tinutuligsa ng mga tula ang pagkakahong ito sa pamamagitan ng pagsusulong ng indibidwal na pagkakakilanlan kahit pa naisasapanganib ang tao dahil sa kanyang kaibahan. Mapasama at mapasama man siya sa minorya, isinasaalang-alang ng indibidwal ang identidad niyang hindi agad-agad mauuri o makakategorya sa mga umiiral na isteryutipong katangian sa lipunan. Samantala, pangunahing kaisipang isinusulong ng koleksyon ang pagiging iba sa nakagisnan nang absolutong itim o absolutong puti ng katauhan; ang chiaroscuro na kakatawan sa isang indibidwal ang magbibigay ng tunay na karakter sa kanya dahil ang lubusang pagyakap sa alinmang panig ay magbabalot sa kanya sa nagbagu-bagong panlipunang konstruksyon ng kawastuhang pulitikal o political correctness. Dahil relatibo naman ang konsepto ng wasto o tama, berdugo sa turing ang isang indibidwal na sasabihing tama siya at ang iba ay awtomatikong mali. Dahil ang lipunan ang nagtatakda ng tama, mali o baliw na agad ang minoryang kalimitang binubuo ng mga makata, rebolusyonaryo, mga batang inosente pa sa kalakaran ng lipunan, “mga nahuli sa kanilang panahon, mga nauna sa kanilang panahon” ayon sa pansarang tula ni Guillermo sa koleksyon. Kalarawan ni Guillermo (at ng mga kapanalig sa sining-pampanitikan) ang mga minoryang ito sa bisa ng kaniyang obra-maestrang sa postmodernong pagpulso ay nabubukas sa mas maraming pagbabasa para mag-agaw ang liwanag at dilim, at hindi romansahin ang awtor sa paglalaan ng tanging itim-at-puti niyang interpretasyon sa sarili niyang mga tula. Nahahati sa mga seksyong Conftant ng Grabedad, 2002, 2000, at 1994 ang koleksyon. Pinag-uugnay ng maraming diskurso sa postmodernismo ang bawat seksyon para maisulong ang indibidwalismong nais kamtan ng tao sa lipunan niyang puno ng mga institusyon, gayundin ng sa postkolonyalismo upang maisulong ang kakaibang identidad natin bilang mga Filipino kahit pa o dahil naging kolonya tayo ng ibang bansa. Postmoderno ang Conftant ng Grabedad hindi lamang sa presensya ng mga elementong pastiche, bricolage at kulturang popular kundi sa kaibhan ng makatang si Balagtas bilang baliw na lumalaban sa institusyunalisasyon ng lipunan, gayundin ay postkolonyal ito dahil sa modipikasyon ng kolonyal na wikang Kastila upang ikustombre bilang katutubong wika. Samantala, postmoderno rin ang 2002, 2000 at 1994 dahil sa elemento ng kawalang-absolutismo bilang pagtuligsa sa makamodernong siyensya o tradisyunal na tunggaliang itim-puti, at sa elementong indibidwalismo bilang paggupo sa kaisipang magkakaroon lamang ng pagkakakilanlan ang isang tao kung kabilang siya sa isang institusyon. Ang nag-iisang tula sa seksyong Ang Conftant ng Grabedad, Capitulo XXXI ay may ganito ring pamagat. Labas sa pagkakaparehong ito, ibang-iba ang tula sa lahat o karamihan ng iba pa sa koleksyon. Una, prosang tula ito gaya ng VIII (p.17) sa seksyong 2000 ngunit hindi gaya ng natitira pang mga tula na bersikal ang porma. Pangalawa, postkolonyal ang paggamit ng wikang Kastila para magkaroon ng apropriyasyon ang kolonyal na wikang ito sa katutubong sensibilidad. Samantalang gumamit talaga ng Hispanisasyon sa maraming aspeto ng buhay-Filipino(halimbawa, sa mga wikang bernakular natin) ang mga mananakop na Kastila para mas madaling pamahalaan ang mga katutubo, hindi lubusan ang kontaminasyong ito para maging kayumangging Espanyol tayo; ipinakita sa tula na naangkin natin ang kanilang wika at halatang pinaglaruan pa dahil sa tonong walang kaseryosohan. Bukod-tangi rin ang tula dahil sa dami ng postmodernong elementong pastiche, bricolage at kulturang popular, na hindi sindami sa ibang tula. Pinaglaruan ni Guillermo sa kanyang pastiche ang obra ni Balagtas na Florante at Laura: si Balagtas mismo ang nakatali sa puno hindi dahil sa napatalsik ang mga kaalyado niya sa kaharian kundi dahil sa kakaiba siya kaya itinuturing at pinarusahang baliw. Namali raw siya sa pag-aakalang “mapapalis ang manga mang-aaping Dios na poti, hari, prayle at conquistador” (p.2) sa pamamagitan ng “sabing magaling at macatotohanan”(p.2) kaya kailangan niyang makawala at mahanap “ang boteng naglalaman nang tatlong patac nang grabedad”(p.3) upang gumaling sa sakit na kabaliwan. Nang magtagumpay siyang puksain ang pantastikong Hari ng mga Leon (ang kagila-gilalas ay isang manipestasyon ng elementong popular) sa “guerra[ng]” (p.3) tila mandin reality TV, nasaksihan ng mga manonood live via satellite (isa pang pakita ng elementong popular), ininom niya ang grabedad, natutunan na absoluto o iisa lamang ang kahulugan ng mga bagay-bagay “caya…hindi na cailanman maaring maging macata” (p.4) si Balagtas. Idagdag pa, sumama na siya sa “isang Rimbaud” (p.4) nabricolage at alusyon sa homosekswal na makatang si Arturo Rimbaud, na matapos pamanghain ang mundo sa retorika niyang “I say that one must be a visionary—that one must take oneself as a VISIONARY,” tatalikdan at susunugin ang kanyang mga obra dahil sa disilusyon sa napakabatang gulang na 21. Sa bisa ng batas ng grabedad ni Isaac Newton (na dagdag-bricolage sa akda ang anecdota ng nalaglag na mansanas), hindi niya hinayaang maging iba o baliw ang kanyang mga anak: walang makatang uusbong sa lahi niya kaya sa isang mala-alamat/anti-siyentipikong eksplanasyon,“sasampu ang ating mga daliri” (p.4). Sa tula, baliw ang maging iba, ang maging makata ayon sa hatol ng mala-berdugong moderno at siyentipikong daigdig, ngunit ang kawalang-kaseryosohan nito ang naglaro sa mga absolutong konsepto ng grabedad, ng kahulugan ng materyal na daigdig, ng wika, at ng mga institusyong batay sa inilalahad ng mga dominante sa lipunan. Walang absoluto ang sigaw ng mga tula sa seksyong 2002, mula sa magkakontrang damdamin ng “galit o…takot” sa Nanginginig ang Aking Mga Kamay (p.7), sa anti-siyentipikong paliwanag ng “pagsambulat ng…mga atomo” ng batong “walang mga kamay” sa Paanong HindiN agkakalansag-lansag ang Isang Bato (p.8), hanggang sa kahangalan o “baka maaari[ng]” karunungan ng mag-amang “nagbubungkal ng higanteng bundok” sa Ang Dakilang Pantas ng Tsina(p.11-12). Sa seksyong ito, representatibo ang tulang Huwag Kang Pumikit Kasama(p.9) dahil esensyal dito ang kalabuan o ambigwidad ng mga bagay-bagay na siyang bumubura sa absolutismong isinusulong ng modernismo at siyensya. Kinukumbinsing persona na “[h]uwag…isara ang…mga mata” (unanglinya) dahil kung nakapikit ang isang tao, sarili lang niyang kawastuhang pulitikal at hungkag na “[l]iwanagng/[kanyang] kalooban” (linya 4-5) ang makikita nito, samakatuwid ay magiging sinikal siya sa lahat ng paliwanag. Kung “magpakalunod [naman siya] sa/[d]ilim ng/[kanyang] kalooban” (linya 7-9), lahat ng paliwanag ay paniniwalaan niyang tila bulag, kaya wala nang silbi ang kanyang huwisyo para maghatol at pag-alinlanganan ang katotohanan ng mga bagay-bagay. Mungkahi ng persona na sa“[p]ag-agaw-liwanag/…[p]ag-agaw-dilim” (linya 12 at14) muna, “[s]a daigdig ng/[k]awalang-katiyakan”(huling dalawang linya) dahil sa daigdig ng kawalang kasiguruhan, naglalaho ang paghahati ng siguradong dilim at siguradong liwanag—paghahating maaaring magbagong radikal depende sa likwad ng paradima o paradigm shift ng lipunan. Sa seksyong 2000 na binubuo ng serye ng mga tulang napapamagatan ng Roman numerals, mga minorya ng lipunan ang pinapaksa—ang mga ibang hindi lubusang maagaw ng purong liwanag o purong dilim, mula sa literal na iba-ibang paksa sa I hanggang IV (p.14-15), sa mga bayani sa V, VI at kasalungat nila sa VII(p.16-17) hanggang sa mga bata sa VIII, IX at X(p.17-18). Binubuklod ang seksyon ng pagkakaiba-ibang mga tula, na nagbibigay ng pakiramdam ng pagkalito-pagkamangha. Mainam na katawanin ng tulang VI ang seksyon, dahil sa mga salungatan at pagkakaiba-iba ng mga salitang ginamit para ilarawan ang isang bayani. Pinutol ng mga berdugo ang hiningang bayani para sa pansamantalang pagdugtong ng sarili nilang hininga ngunit mababasa rin na ang sakripisyong buhay ng bayani ay para “madugtungan ang sa kanila”(linya 3)—ang sa mga susunod na henerasyong ipinakipagpatayan ng mga bayani. “Pinaikli nila ang [kanyang] buhay/upang maging/ magpakailanman”(linya4-6) ang buhay ng bayang pinagsakripisyuhan ng buhay ng bayani. Ang kamatayan ng bayani ang nagtanggal sa tinik sa lalamunan ng mga berdugo (linya 7-9) ngunit hindi ito magtatagal dahil sa tagumpay ng rebolusyong isinulong ng bayani, kaya nabuhay ang bayan at“nabuhay” (huling linya) ang bayani sa imortalisasyon niya sa kamalayan ng bayan. Iba ang bayani dahil wala siya sa panig ng mga ordinaryo ni sa panig ng mga diyus-diyosan/mananakop/berdugo ng kanyang panahon. Sa huling seksyong 1994, ambigwidad pa rin o kaibhan sa dilim o liwanag ang pinaksa ng mga tula, mula sa reyalisasyon ng isang ideyalistiko na naniwala sa absolutismo sa Pagsisisi ni B.(p.26), ang rebersal ng kalagayan ng isang mamamatay-taong kasalukuyang pinapatay sa Ang Pinagdaanan ng Isang Berdugo(p.27), ang pagkakapare-pareho ng iba’t-iba mang bagay sa Ang mga Pangangailangan (p.28), ang magkaibang sitwasyon ng kamatayan at buhay sa Talaarawan(p.29-30), ang halu-halong damdamin ng persona sa Hangin(p.31), magkaibang bersyon ng prinsipyo ng buhay sa Kuto(p.32), ang bunga ng absolutismo sa isang piloto sa Ang Pinakamahusay Pumaslang (p.33), at ang pagtatambis ng mga bata sa mga etsa-puwera ng lipunan sa Noong 1898, Nakaagaw ang Katipunan ng Ilang Tren sa mga Amerikano (p.35-36). Sa pangunang tulang Pagsisisi ni B., paulit-ulit ang panghihinayang ng persona sa “oras sa [kanyang] buhay/Ba’t di [niya] na lang ginamit sa ibang bagay?” (linya 5-6,11-12,17-18) dahil hungkag ang paghahanap niya ng katotohanan(linya 1), at ang paglilimita ng parametro at pagde-de-numero ng mga bagay (linya 2-3) sapagkat nagbabagu-bago ang totoo batay sa agos ng panahon—giyera (linya 4) sa kaso ng tula. Nagpakaideyalistiko siya subalit nasayang ito dahil hindi tinanggap ang kanyang damdamin at pagpapakatao (linya 9) “ng mga baboy” (linya 10) na hindi kumporme sa “ideal” (linya 7) niya. Nagpakabanal pa siya (linya 14) pero nang madiskubreng walang-kuwenta ang eternal dahil hindi ito umiiral, nadis-ilusyon siya sa buhay at handa nang magpatiwakal (linya 16-17). Ganito ang sinasapit ng mga taong buong-pananalig na nakakapit sa teorya ng absolutismo: kung mapag-alamang walang saysay ang pagbabaka nila, abot-langit ang pagsisisi dahil istrikto sa paniniwala at kinumpromisoang buhay sa isang relatibong prinsipyo.
Sa pagtatapos, indibidwalistiko ang identidad ng indibidwal na mailalarawan sa persona gayundin ang mga pinapaksa ng mga tula. Samantalang minorya sila kung tuturingan dahil sa kanilang kaibhan sa mga kolektibong nakainstitusyon sa lipunan, nagsusumikap silang “MAIBA NAMAN,” ayon nga sa huling linya ng tulang Ang Mga Pangangailangan. Etsa-puwera sila, oo nga, ngunit maipagmamalaki nilang may sarili silang identidad hindi tulad ng mga nasa institusyon na ang isang miyembro ay kasasalaminan ng pagkakakilanlan ng iba pa. Kung dudukot ng isa mula sa kalipunan nila, wala siyang kaibhan sa hubog, porma, laman-loob ng iba pa, kaya hindi kasing-kapana-panabik ng bukod-tanging indibidwal. Ang pagiging indibidwal ay hindi nalalayo sa kalagayang agaw-liwanag, dahil ang mga katangian ng indibidwal dito ay hindi singdalisay ng nasa institusyon ng liwanag, at hindi singsama ng nasa institusyon ng dilim, bagkus ay halu-lahong katangian ng liwanag at dilim. Angkop lamang ang paglalaro ng itim at puti sa isang indibidwal para hindi siya maging predictable, bukod sa ang absolutismo ng mgabagay-bagay ay relatibong konsepto.
Saad ng pamagat ng koleksyon, nasa agaw-liwanag ang lahat: walang absolutong katotohanan o kawastuhan, kahit pa siyensya na inaangkin ng modernismong siyang maghahatid umano sa tao sa isang bayang utopia, kahit pa mga institusyon ng lipunang nagtatakda ng identidad ng kanilang mga miyembro, o kahit pa ang mga nasa magkabila at magkatagisang panig ng bakod. Alanganin ang dapat pagtaya sa nagbibihis-absoluto o sa tila purong kabulaanan, dahil kinakailangan ng pagbabatayan ng katotohanan, at ano ba ang totoo sa pangkalahatang punto? Sa agaw-liwanag, binubura ng kalabuan o ambigwidad ang dikotomiya ng mga itim/puti, masama/mabuti, babae/lalaki at iba pa. Sa agaw-liwanag, ang ambigwidad ay isang uri ng konseptong maiintindihan din dahil bukas ito sa napakaraming interpretasyon.
No comments:
Post a Comment