Pinapatunayang nakapagpapabrutal ang kahirapan sa“Pula, Puti, at Saka Blu, at Marami Pang Korol” ni LavDiaz (nasa Hulagpos, pp. 274-279). Taliwas sa pambatang kainosentehan ng pamagat, malupit at kalunus-lunos ang mga pangyayaring umikot sa mga batang-kalyeng sentro ng maikling kuwento. Hindi malayo ang madilim na paglalarawan ng direktor pampelikulang si Diaz sa mga kasalukuyang nagaganap sa buhay ng mga batang kalyeng nagkalat sa kalakhang siyudad ng Kamaynilaan: mga batang nanlilimahid sa pagtira sa mga bangketa o ilalim ng tulay at iba pang suluk-sulok ng lungsod, namamalimos o nagbebenta ng kinuwintas na bulaklak o basahan para may makain sa araw-araw, nagsisipagsinghot ng rugby o, pinakamasahol pa, inilalako ang laman sa murang gulang. Noong 1998, ilang pag-aaral ang nagpapakita na may 222,417 batang kalye ang pakalat-kalat sa 65 lungsod ng Pilipinas 1,at 75,000 rito ang napapasabak sa prostitusyon dahil sa kahirapan2, gaya ng sinapit ni Nenet at Dyong. Ang mga estadistikang ito ay hindi imposibleng hindi lumobo mula noon hanggang kasalukuyan, lalo pa kung ituturing ang tumitinding karanasan ng kahirapan sa bansa. Ayon nga sa pambungad na salita galing pa sa bayaning si Mahatma Gandhi, “Kahirapan ang pinakamasahol na uri ng karahasan,” at totoo nga ito sa mga nagtalabang salik para gawin ni Dodoy, ang yagit na protagonista, para gawin ang nakaririmarim. Inuusig ng konsensiya niya si Dodoy dahil siya ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang ina siyam na araw na ang nakararaan. Hindi siya makakain ni makaiyak dahil paulit-ulit na umuukilkil sa isip niya ang sigaw ng saklolo ng kanyang ina at ang amoy ng nalilitson nitong laman habang nasusunog ang katawan nito. Gusto niya sanang isiwalat kay Nenet ang lihim ngunit nag-aalala itong baka magitla ito, na siyang naging reaksyon ni Toto nang mauna niyang sabihin dito ang ginawa niyang panununog sa sariling nanay. Samantalang nagtatalo sa loob ni Dodoy kung aaminin niya ang pagkakasala o hindi, sa tulong ng pagkasinghot ng solvent ay nakapaglakas-loob siyang magsabi sa kapwa-yagit kung para lamang mailabas ang bumabagabag sa damdamin. Sa kabila ng kabangisan ng pamumuhay sa kalsada ng lungsod, may pagkilala pa rin sa mabuti at masama sa tulad ni Dodoy. Maaaring nagdodroga silang apat nina Dyong, Nenet at toto, ngunit ginagawa nila ito dahil kailangan nilang takasan ang pagkagutom na laging nakaamba sa kanilang wala namang mga magulang na aasahang mag-aruga sa kanila at mag-asikaso ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Batid ni Dodoy na masama ang ginawa niyang paglitson sa sariling ina dahil labag ito sa dalawa sa sampung utos ng Diyos, at dahil sarili niyang magulang ang pinatay niya ay maituturing na pinakagrabeng paraan ito ng pambabastos. Si Toto mismo ay alam na mali ang ginawa ni Dodoy, patunay ang inisyal nitong pag-iling ng 'di-paniniwala dahil “[h]indi ...yun magagawa sa nanay [ni Dodoy]” (p.279) dahil magagawa lang iyon ng napakatampalasang anak. Lamang, kahirapan na rin ang nagtulak kay Dodoy para gawin iyon dahil “tuwing uubo [ang nanay niya], may dugo...yung katawan niya puro nana na at butas...nilalangaw siya...pag gabi, kinakain siya ng mga daga” (p.279). Kung hindi dahil sa kahirapan sa buhay, maipapagamot ang ina ni Dodoy at hindi lamang basta siopao at solben ang mag-iibsan ng kanyang karamdaman. Kung hindi dahil sa kahirapan, hindi tatangayin ng sobrang awa si Dodoy na magtutulak sa kanyang wakasan na ang pagdurusa ng ina sa pamamagitan ng pagsunog dito.
Sa batas ng lansangang nagtulak kay Dyong para iparada si Nenet sa mga parener (p. 276) bilang isang object at commodity, hindi pa rin mabubura ang pag-iral ng moral kay Dodoy kaya hindi nga lungkot lang ang nagpapawalang-ganang kumain kay Dodoy sa gitna ng “hamberger at kok” (p.276) na kinita pa ni Nenet sa pagpatol sa matandang Australyanong si Mr.Paul Honeycomb. May panloob na tunggalian sa sarili niya: kikimkimin lang ba niya ang kanyang ginawang krimen, o isisiwalat niya kay Nenet, na siyang pinakamalapit sa puso niya? Brinutal ng kahirapan ang mga batang kalyeng ito sapat para mapilitan silang isa-isang pumalaot sa putikang daigdig ng pagpuputa, gayundin para magawang patayin ni Dodoy ang sariling ina, ngunit ang kabrutalang ito ay hindi nagpalabo sa natitirang moral ni Dodoy. Kahirapan ang nag-udyok kina Dyong, Nenet, Toto at Dodoy para maging eskapista. Sa tulong ng solvent na inilalako ni Kenet sa kanila mula sa kanyang repairshop, nakakalimutan nila ang gutom at dusang kaakibat na ng kanilang pamumuhay sa lansangan. Dahil sa solvent, nakakaligtaan nila ang mabangis na buhay-lungsod at ang paligid nilang marumi at walang-kulay ay pinag-iiba ng damdaming “hay na hay”(p.278) at ng sari-saring kulay at ilaw ng rumaragasang Light Rail Train (p.275). Sa ginhawa ng solvent, malilimot ni Nenet ang lagnat, sakit ng ulo, at hapdi sa kanyang puwertang nahirapan sa pakikipagtalik sa sadistang pedopil na si Mr.Honeycomb. Gawa ng solvent, nakapangumpisal si Dodoy kay Toto hinggil sa lihim niyang paglitson sa sariling nanay at nang ma-bad trip ito sa kanyang brutal na krimen, lulong sa droga ay “lumipad na si Dodoy...sa magpakailanman” (p.279) pabulusok sa kanyang kamatayan sa ibaba ng labindalawang palapag na sunog na gusaling siya nilang naging tirahan. Dahil sa kahirapan kaya hindi nagawang uriin ng mga batang yagit na eskapista ang paglaklak ng solvent bagkus ay ang kawalang-perang pangkain sana ang nagtulak sa kanilang umiskor na lang ng droga kung para makatakas panandalian sa gutom at kahirapan.
Malupit ang lunsod para sa mga batang yagit na katulad ng mga tauhan sa kuwento. Para sa iba,kailangan pa nilang maging puta para lamang makabilang sa institusyong umiiral sa lipunan. Kung hindi magbebenta na sarili si Nenet at kalaunan si Dyong, hindi sila magkakapuwang sa kalakal-lansangan, na krusyal na kalagayan kung kakain ba sila o magkakaroon ng perang pambili ng ilang kutsarang rugby at damo. Malupit ang lunsod dahil brubrutalin pa nito si Dyong para manunog ng gusali kung para lang may matulugan sila kung saan hindi sila papalayasin ng guwardiya. Malupit ang kanilang panahon dahil wala silang mariwasang magulang na mag-aalaga sana sa kanila, na mag-iiwas sa kanila sa mananagasa sa daan, na magpapaaral sa kanila sa halip na mapasabak silang maaga sa trabaho at trabaho pa manding paglalako ng laman. Ngunit sa mismong magulang nina Toto at Dodoy ay malupit ang lunsod at panahon, dahil sila ay naging mga puta rin kung para lang magkaroon ng puwang sa siyudad at nag-iwan ng anak sa kung saan para gumaan-gaan ang pamumuhay sa lunsod. Sa ironikong tono ng naglalahad ng kuwento, ang “wow” para sa mga tauhan ay matinding dagok sa lipunang naaatim ipalamon sa kahirapan pati na mga walang muwang.
Naisiwalat man ni Dodoy ang paglitson sa ina, sukli nito ang kanyang kamatayan dahil sino ba ang makaiintindi sa ginawa niyang pagpatay? Kahit anong pangangatwiran niyang tinapos lang niya ang pagdurusa ng ina, hindi makatarungan ang kanyang krimen. Iyon na lamang ang natirang alternatibo sa kanya para matapos na ang paghihirap ng ina, pero uusigin naman pala siya ng kanyang konsensya. Sa mukha ng kahirapan, walang kapangyarihan ang bata para mapigil ang pag-urirat ng konsensiya. Ni hindi siya nailigtas ng droga para huwag tumalon bagkus ay napalubha pa nito ang kagustuhang lumipad na lang tungo sa kanyang kamatayan kaysa habulin ng panaghoy at amoy ng natutustang ina.
Dito mapatutunayan na ginagawang brutal ng kahirapan ang tao, na kahit magkakaanak ay babaling sa isa't isa para magpatayan, kung ito lang ang tanging paraan para umamot ng kaunti o temporaryong kaginhawaan o kawalang dusa. Malinaw sa mga balintunang tono at pananaw na postmoderno ang maikling kuwento dahil sa kawalan ng katuparan ng pangako ng modernismo na paunlarin ang buhay ng tao. Para sa mga nasa ibabaw na pinapaburan ng lipunan, hindi balakid sa kanila ang paggamit ng kapangyarihan para sa kanilang sariling kapakanan, ngunit sa proseso ay inilulubog nito lalo ang mga etsa-puwera gaya ng mga puta, mga anak, mga dukha, mga batang-yagit. Ang pamahalaan sanang responsible sa pagsalba sa mga batang lansangan ay nagagawang paboran ang interes ng mga naghaharing uri imbes na atupagin ang pagpapabuti ng lagay ng kanyang mamamayan. Dahil dito, lumalawak ang pagitan ng mga mayayaman at mahihirap, at sa dami nga ng mga mahihirap at sa lumalala nilang karanasan, grumagrabe rin ang lagay ng brutalidad sa kaso ng mga mahihirap. Sa sampal ng brutal na kahirapan, ginigising ang mambabasa sa malupit na reyalidad ng buhay-mahirap (buhay-lansangan sa kaso nina Dodoy) at kinukumbinsing huwag magtanga-tangahan sa dapat sana ay panlipunang pagbalikat para maisabalanse ang lumalalang puwang ng paghaharing-uri at kahirapan. Sa ganitong kaayusan lamang tunay na magkakaroon ng pula, puti, at saka blu at marami pang korol sa daigdig.
Isa ito sa pinakamagandang akda na aking nabasa sa Filipino. Naglarawan ito ng iba't ibang paksa na kanyang hinimay-himay sa kwento. Matapos basahin ang kwento ay napaisip na lamang ako sa kung ano ang nag udyok sa may akda upang malikha nya ang isang masterpiece na ito.
ReplyDelete