the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Friday, December 26, 2008

opinyon, pananampalataya at kalatas ng isang madre


Pinag-iba ni Gabriel Marcel ang opinyon mula sa pananampalataya dahil ang una ay paniniwala na may mahihita sa isang bagay samantalang ang pangalawa ay paniniwala sa isang bagay. Samakatuwid, ang magkaroon ng pananampalataya ay “paniniwala sa…” samantalang ang magkaroon ng opinyon ay “paniniwala na…”. Sa isang banda, ang opinyon ay isang bagay na hindi alam ng tao o hindi niya nakasanayan, kung kaya nga may pagkakataong maging palso ang basehan. Dahil sa panlabas nilang kaanyuan, ang opinyon ay pagtanggap lang na kulang sa pagmumuni. Sa kabilang banda, ang kabaliktaran ng opinyon ay may malalim na pagmumuni dahil may pagkilos sa desisyong na manatili sa paniniwala sa isang bagay anuman ang mangyari. Kaya nga, ang pananampalataya ay painiwalang may isang misteryoso at nagbabagong reyalidad. Ito ay ang paglalagay ng pananampalataya sa reyalidad na ito upang ang pagbabagong ito ay baguhin siya at ang kanyang pagiging tao.
Pananampalataya ang ipinakita ni Sister Lucia Yetruse dahil anumang trahedya ang nagyari sa kanya, patuloy siyang naniwala. May isang bagay na hindi niya inakalang karugtong pa ng pasakit niya sa mga nanggahasang mga sundalo—ang pagbubuntis—ngunit kahit na masalimuot at Malabo ang tinatahak niyang daan bilang magiging ina mula sa pagiging nobisyada, naniniwala pa rin siya sa bagay na sa Diyos lamang siya kasal. Dahil dito, naniniwala pa rin siya rito, patunay ang pakikipag-usap niya tanging sa Diyos at sa pagsuko ng lahat gaya ng nagging bokasyon niya. Sa pagdating ng matinding pagsubok sa kanya—una ang pagsamantala sa kanya at pangalawa ang pagbubunga ng pagtampalasan sa kanya—nakapagmuni siya na dapat niyang pasalamatan ang Diyos sa pagbigay nito ng pagsubok na makaisa ang iba pang mga biktima at maging tulay na kapayapaan sa pagitan ng mga nag-aaway na lahi sa kanyang bansa. Naging desisyon niyang ilaan sa Diyos anumang nangyari sa kanya at kumikilos siya rito sa pamamagitan ng pagtanggap sa pagiging ina ng magiging anak niya. Hindi man niya lubos maunawaan ang mga nagyari sa kanya, naniniwala siyang ang misteryong meron sa reyalidad ang siyang tumadhanang mangyari ang mga bagay-bagay, isang reyalidad na di hamak ang dunong sa mga oridnaryong taong tulad ni Sister Lucia. Nananampalataya siya na ang pagbabago sa buhay niya ay magbabanyuhay sa kanya at sa pagiging tao niya.

No comments:

Post a Comment