Naglipana sa mundo ang kawalang-katarungang panlipunan dahil sa tunggalian sa kapangyarihan sa pagitan ng mga lahi, kasarian, uri, paniniwala at iba pa. Dahil sa tunggaliang ito, namamayani ang kahirapan, taggutom, abuso, karahasan, digmaan, at iba pang kanser ng lipunan. Hindi ito ang mundong inibig likhain ng Diyos. Hinangad Niya na iba-iba ang mga lahi hindi upang kamuhian ng isa ang isa kundi maging espesyal ang mga lahi sa pagkakaiba. Hinangad Niya na magkaroon ng babae hindi upang pangibabawan ng lalaki kundi upang maging kabiyak sa maraming bagay. Hindi Niya nilikha ang kapaligiran upang sirain at abusuhin ng tao. Hinangad Niya ang likhain ang tao hindi upang gamitin ang isa’t isa para sa mga makasariling layunin kundi para maging katuwang ang isa’t isa sa pagpapayabong sa ganda ng mundong inukit ng Diyos mula sa Kanyang kamalayan.
Makabubuting balikan ang mito ng paglikha ng Diyos sa daigdig upang mapaalalahanan na lumiliko na ang tao sa kanyang obligasyong pangalagaan ang mundo bilang pinakamatalinong nilikha. Paalaala rin ang mitong ito tungkol sa walang habas na paghahangad sa kapangyarihan ng tao samantalang kinukurakot na ng hangaring ito ang moralidad ng tao. Dapat na maisaisip ng tao na sa wakas ay Diyos lamang ang tunay na makapangyarihan kaya hindi tunay na kabuuan para sa tao ang pagkakaroon ng dominasyon sa kapangyarihan sa loob ng lipunan. Sa halip na palawigin pa ang kawalang-katarungang panlipunan sa patuloy na pag-walang-bahala sa tunay na pagkilala kung sino talaga ang May-kapangyarihan, dapat nang gisingin ang tao sa ginagawang pagpapahirap sa sarili sa lumalalang kaso ng karalitaan, karahasan, digmaan, terorismo, eksploytasyon, pagkamuhi at iba pang sistematikong pang-aabuso sa Pilipinas man o sa buong daigdig.
No comments:
Post a Comment