the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Sunday, August 10, 2008

ang postkolonyalismo sa palabas


Sa librong Palabas: Essays on Philippine Theater History, naipamalas ni Doreen Fernandez na nauugnay sa pagbuo ng identidad ng bansa ang palabas. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng katutubong teatro sa lahat ng porma at panahon nito mula pistahan hanggang paaralan, mula bodabil hanggang teatro gerilya, naipakita na higit pa sa pagbibigay-aliw o kasiyahan ang nagawa, nagagawa at magagawa ng mga artista, manunulat at buong produksyon ng palabas. Nagamit ang teatro bilang instrumento ng protesta laban sa mga mananakop sa bisa ng nilalaman nitong mapagpalaya o subersibong adhikain, lantad man ito o gumagamit ng mga simbolong kumakatawan sa inaaliping bayan at sa nagpapahirap na dayuhang mananakop. Naging kasangkapan pa rin ang palabas upang maipamalas ng taumbayan na angkin nila ang teatro sa bisa ng pagtalakay nito sa kanilang kasaysayan at pang-araw-araw na pamumuhay o sa kakayanang bigyang imahinasyon ang buhay ng mga nakaaangat sa lipunan. Salat man sila sa materyal na yaman, hindi ito balakid sa masang higit na bumubuo sa bansa upang hindi makapagtanghal sa mga lansangan at makatotohanang salaminin ang mga pangyayari sa lipunan. Sa mga instrumentalisasyong ito naikikintal ng palabas ang paraan kung paano itinatanghal ng bayan ang kanyang kasaysayan. Samakatuwid, nabubuo ng Pilipinas ang kanyang pagkabansa sa pamamagitan ng palabas dahil lehitimo itong talaang panlipunan at tagpuan ito ng mga hangarin, himagsik, imahinasyon at pagkakakilanlan ng taumbayan.

No comments:

Post a Comment