Sa kabanatang “Tinig ng mga Pinag-uusig” ng nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal, nagkaroon ng talakayan sina Ibarra at Elias, habang namamangka sa lawa, hinggil sa pangangailangang magkaroon ng reporma sa sistemang pampamahalaan ng Pilipinas. Samantalang kinakatawan ni Elias ang mga pinag-uusig na naglalayong mapalitan ang mapaniil na patakaran ng mga Kastila dahil sa paglaganap ng kawalang-katarungan laban sa kanilang uri, ipinagdiinan naman ni Ibarra na kailangan sa pagbabago ang mga mapang-usig dahil nagsisilbing tagadisiplina ng lipunan ang mababagsik na prayle at malulupit na guardia sibil.
Ang pagkakaibang ito sa pananaw ng dalawang tauhang may magkaibang estadong pang-ekonomiya ay maaring pagtakhan ng mambabasa dahil kung tuusin ay kapwa sila biktima ng kasawian at hindi naiiba sa maraming Pilipinong minsan o sa ibang pagkakataon ay nabugbog ng mga guardia sibil, napagmalupitan o nagahasa pa ng mga prayle o naagawan ng lupa at ari-arian ng korporasyon. Nagkatalo ang dalawa sa kamalayan dulot ng diskursong pang-edukasyon: para sa nakapag-aral na si Ibarra, dapat na asimilado pa rin ng Inang Espanya ang kolonyang Pilipinas dahil ito ang diplomatiko at pinakaligtas na paraan para hindi magkaroon ng anarkiya sa bansa. Sa kabilang banda, para sa masang si Elias, dapat na maging malaya ang bansa sa pananakop ng Espanya upang matigil ang kahirapan at pang-aabuso sa Pilipinas.
Mahigit isang dantaon ang nakalipas buhat sa pagkakalaya sa mga Kastila ngunit ang Pilipinas ay nasa sangandaan pa rin hinggil sa repormang ipapatupad upang makausad sa kaawa-awa nitong kalagayan. Habang kahirapan at pang-aabuso sa isang kolonya ang nangangailangan ng pagbabago noon, kahirapan at katiwalian sa isang republika ang nangangailangan ng reporma ngayon. Bilang konsiderasyon sa panatag na klimang pulitikal upang maengganyo ang ang mga kapitalistang magtayo ng negosyong magbibigay ng trabaho at upang maasikaso ng gobyerno ang pagsupil ng katiwalian, ang diplomatikong paniniwala ni Ibarra ang magiging mas epektibo sa kalagayan ng bansa ngayon. Ang rebolusyon na nagluklok kay Gloria Macapagal-Arroyo, samantalang mapayapa at pinangunahan ng mga kabataang pag-asa ng bayan, ay kinatakutan ng pandigdigang komunidad dahil sa nagiging kasanayan na umano ng mga Pilipino ang “konstitusyon ng lansangan”—pahiwatig na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaaya-aya ang radikalismo at nagbubunsod ito ng pangamba sa mga negosyanteng umaayaw sa mga bansang destabilisado ang pamahalaan. Ang ‘di-pagresolba sa kahirapan at pagpapabaya sa mga tiwaling tao ay masama, ngunit totoong masamang kailangan sila upang ang mga mahihirap, gamit ang kahirapan bilang motibasyon, ay magpunyaging umunlad at ang magkatuwang na lakas ng mga mamamayan at pamahalaan ang maniningil sa buktot na gawain ng mga tiwali.
anu bayan
ReplyDelete