Ang pamagat na “Etsa-Puwera” ng nobela ni Juan Cruz Reyes ay isang nararapat na terminong maigagawad para sa anumang bagay na ang halaga ay minamaliit, ipinagwawalang-bahala o tinatanggal, halimbawa ay ang kasaysayan na siyang sentrong tinatalakay ng may akda, sa isang pamamaraang taliwas sa nakagisnan natin sa mga teksbuk at iba pang batayang libro. Hindi ito ang kasaysayang nakasanayang nababasa sa mga aklat: samakatuwid, ang mga winalang-bahalang kabahagi nito ay hindi pamilyar sa atin kahit pa sabihing ito ang ating pagkakakilanlan. Sa paggamit ng salitang ito ay nilagom ng may-akda ang temang pinalinaw-pinaigting pa ang kahulugan sa pagtalakay sa kasaysayang dili-iba’t atin kaya nga makakapa natin sa ating sarili ang ating angking pagiging etsa-puwera ng sosyedad—ang ating panlipunang kahalagan na hindi lubusang tinapunan ng pansin gawa ng pagmaniobra ng malalakas at maiimpluwensya.
Ang konseptong “etsa-puwera” ay nag-uugat sa pagkakaroon at pananatili ng pagkakabahaging panlipunan simula nang lumitaw sa daigdig ang sibilisasyon at sistemang pulitikal. Ayon sa teoryang Darwinian kung saan “nabubuhay ang pinakamainam (survival of the fittest),” naghahari ang pinakamalalakas, samantalang napaiilalim ang mga mahihina. Sa paglikwad ng panahon ay pinairal ng lipunan ang batayan ng totoo, mabuti at maganda (the true, the good, and the beautiful), at dahil lamang may mas kakintalan ang panukat na ito sa mga kabilang sa mas nakaaangat ang antas sa social strata, naisasantabi at sa malas ay ‘di-naisasalang-alang ang posibilidad na ang etsa-puwera man sa lipunan ay may angkin ding katotohanan, kabutihan at kagandahan. Ito ang masasalamin sa akda: ang kasaysayan ng naisantabi-sa-lipunang lahi ni Ebong ay punumpuno rin ng kalinangan at pagkakakilanlan, at hindi kinakailangang ito ay maisalaysay sa dominanteng perspektibong kolonyal para mabansagang interesante sa kanyang kagandahan.
Sa nobela ay naging prominenteng etsa-puwera ang mga ninuno ni Rebo, ang tagapagsalaysay na inanak ng mga tauhang pangunahing gumalaw sa kanyang akdang sariling kasaysayan. Etsa-puwera sila dahil may kasaysayan silang ubrang ipabatid sa lipunan, lamang ay hindi sila ang mga tipong nagiging imortal sa mga batayang aklat sa araling panlipunan. Sa umpisa pa lang ay may magic realism nang ginagamit upang palabasing nag-ugat ang lahi ni Ebong sa hayop na usa (ang lola niya sa talampakan, si Oysang, ay isang usang nagkatawang-tao upang mapangasawa ng katutubong taga-Cordillera, si Carayyo). Walang lugar sa kasaysayan ang mga kababalaghang ganito, dahil mas tinuturingan ang mga “paktwal” na pangyayari upang permanenteng maisatitik. Lalo namang hindi maisasama ang mga katulad nina Carrayyo at Rosa dahil lamang sa pagiging primitibong tagabundok nila, o ni Sion na anak sa labas, o ni Ando dahil pipi na siya ay inakala pang espiya ng mga kano. Sa pagdaan ng pagsasalaysay ay tinalakay ang mga makabayang henerasyon ni Teban, Dune at Ruben, ngunit sa kolonyal na pananaw, sila ay walang-iba kundi mga rebelde sa lipunan, samakatuwid ay walang puwang upang dakilain sa mga pahina ng kasaysayan. Basta ba hindi katanggap-tanggap sa mga batayang kolonyal, gaya ng lider ng kultong si Dune na tahasang kinalaban ang naghaharing Kristiyanismo at pamahalaang Kastila, hindi nararapat bigyang-saysay. Sa ganitong kaso ay ‘di-kataka-takang etsa-puwera rin ang kanilang kasaysayan, dahil ito ay madalang naisasaimprenta, at dahil na rin ang ating nakasanayang konsepto ng kasaysayan ay nakalahad sa perspektibong kolonyal at Kanluranin. Sa sariling diyalogo nga ni Rebo, “...ang mga lalaki sa lahi namin, panay hindi kasali sa itinatala. Kaya hindi tinatandaan sa lipunan. Nasa lahi namin iyon, mga taong hindi pang-history, kasi laging nasa laylayan o tagiliran lang ang poder (Kabanata 1, pahina 2, talata 2).” Mahalaga sa nobela ang mga ninuno at ang kanilang kasaysayan at matatagpuan sa wakas sa isang akdang lumihis sa ibang akdang kumbensyonal upang maisalaysay ang angkin at katutubong kasaysayan—kasaysayang nagmistulang dayuhan dahil inetsa-puwera lamang ng mga dominanteng kapangyarihan.
Ang konsepto ng etsa-puwera sa mga akdang “Orientalism” at “Can the Subaltern Speak?” nina Edward Said at Gaytri Spivak, ayon sa pagkakasunod, ay mabibigyang kahulugan bilang pagsasantabi ng halaga ng mga bagay, mula sa tao, kanyang opinyon, kanyang katauhan at iba pa. Sa pasimula ni Said sa “Orientalism,” tinalakay niya kung paanong ang mga Europeo at Amerikano sa kumakatawang pampanitikan at pangkultura, mga disiplinang pang-akademiko, at persepsyong pampubliko ay nagpapalago ng pagkiling laban sa mga di-Kanluraning mga tao, na tinuturingang “Oriental Others.” Sa kabilang dako, punto naman ni Spivak na ang “Subaltern” o taong humahawak ng mas-nakakababang puwesto sa lipunan ay hindi makapagsasalita ng anuman, agapan man siya o hindi ng mga intelektwal na may mabubuting intesyon.
Nalilikha ang “oriental,” “subaltern,” o simpleng etsa-puwera dahil sa maling persepsyong sa unibersal na batayang “ang totoo, mabuti at maganda”, perpektong nilalarawan nito ang mga Kanluranin at angat sa lipunan, at hindi kailanman ang mga oryental at mga api-apihan sa lipunan. Basta hindi kasapi sa dominanteng kapangyarihan ng lipunan, kahit pa may pansariling kakayahan, kalinangan, kariktan, interes, moral at iba pa, hindi pa rin maikukonsiderang ispesyal sa lipunan. Para bagang ang etsa-puwera ay isang plorerang may alindog na kaakit-akit at may bulaklak na humahalimuyak, ngunit sa kadahilanang hindi naman magbubunga ito ng radikal na pagbabago o malaking konsekwensya sa mundo, bakit ito bibigyang-pansin?
Maraming salik na nagtatalaban para likhain at pagtibayin ang kahulugan ng konseptong etsa-puwera. Isa rito ang imperyalistikong pamamayagpang ng Kanluran hanggang sa ngayon. Dahil ang Kanluran ang nakapangingibabaw, ito ang nagdidikta kung anu-ano ang mga bagay na katanggap-tanggap sa lipunan, at ang mga bagay na ito ay bagay na galing sa kanila, mula sa imbesyon, konsepto, teknolohiya at iba pa. Isa pang salik ay ang proseso ng pagbabago na mabilis sa Kanluran at mabagal sa Silangan. Minamaniobra ng Kanluran ang usad-pagong na pagbabago sa Silangan dahil ayaw ng unang maging kakompetensya pa nito ang Silangan. Malaking salik din ang edukasyon sa pagkakaroon ng etsa-puwera. Halimbawa, Ang mga batayang aklat sa Araling Panlipunan ay nakasalig sa kolonyal na perspektibo kaya ang mga dinarakila sa mga pahina nito ay ang kabutihan ng mga Kanluranin at sinisikil ang makaating pananaw. Sa manipulasyong ito ng kolonyal na mga kaisipan, isinasantabi ang marapat sana ay pinapahalagahan dahil ito ang tanging masasabing kaangkinan. Resulta nito, mas niyayakap pa ang estrangherong kultura kaysa ang mabuti namang sariling kalinangan.
Ang pagsasakasaysayang postkolonyal na ginawa sa nobela ay ang pagsasalaysay ni Ebong sa nakaraan ng kanyang mga ninuno, mula kina Oysang hanggang sa kanyang amang si Ruben. Kaiba sa kumbensyunal na salaysay pangkasaysayan ang ginawa ni Ebong: inumpisahan niya ito sa pinagmulan ng kaniyang lahi na mula pa sa Cordillera pati na ang kapaligirang inikutan ng inisyal niyang paglalahad, mga katutubong malayong mabilang sa mga katanggap-tanggap sa lipunan. Nagpatuloy ang kasaysayan sa mga pangyayari noong panahon ng mga Kastila, Amerikano, Hapon hanggang sa unang bahagi ng pagkakaroon ng kalayaan, ngunit sa perspektibong nakasalig sa katutubong pananaw. Mas minahalaga ang pagkukuwentong magpapakita ng tunay na ginawa ng mga Pilipino noong mga panahong nakasama sa kasaysayan, ngunit piniling ibaon sa limot sa mga modernong mananalaysay dahil nakikita nilang mas akmang sa kolonyal na pananaw ihatag ang sariling kasaysayan. Ang pamamaraan ng pagsasalaysay niya ay isang radikal na pag-iwas sa nakagawian nang pagkukwento sa kasaysayan, na malamang kaysa hindi ay sa perspektibong nagbigay-luwalhati sa mga Kanluraning mananakop sa halip na sa perspektibong magpapakita ng damdaming makabayan. Isinalaysay niya ang lahi niyang mula sa ‘di-kumbensyonal o ‘di-katanggap-tanggap sa lipunan: lahing usa, katutubong taga-bundok, asawa ng kung sinu-sino, mga gerilya sa panahon ng mga Kastila, Amerikano at Hapones, rebelde ng lipunan. Sa kanyang pananaw ay nagpakita lamang ng pagkakakilanlang Pilipino ang mga ito, ngunit sa interpretasyon ng iba, mga etsa-puwera sila ng lipunan. Maidagdag pa, postkolonyal ang pagsasakasaysayan ni Ebong dahil ang mga Pilipinong ipinagtatayo ng mga monumento, naiimprenta sa mga perang papel, at dinarakila sa mga aklat-pangkasaysayan ay idinamay sa pagsasalaysay niya ngunit sa konsiderasyong hindi kinakailangang bayaning-bayani kundi taung-tao upang mas maging kauri at kakilala ng mga mambabasa. Ang Pangulong Emilio Aguinaldo ay pamilyar sa atin bilang tagapagtanggol ng bagong-tatag na Republika nang paglipat-lipatin nila ito mula Malolos, Bulacan hanggang Palanan, Isabela, ngunit para sa tauhang si Teban, tumatakas-umaatras lamang umano ang heneral sa mga digmaan at mga Amerikanong kalabang gusto silang hulihin. Bakit nga ba naman kailangang magbahag ng buntot ang isang bayaning inaasahang magiging tagapanguna sa paglusob sa mga kaaway? Sa punto-de-bista ni Teban, hindi nagpapakalalaki si Aguinaldo at may implikasyon ito sa atin na siya ay hindi naman matuturingang tunay na bayani. Ang heneral namang si Goyong o Gregorio del Pilar ay hindi lamang pala pulos depensa ng Republika o pagbuo ng mga kasulatan ang ginagawa, manapa ay tao rin pala itong may panahon sa pag-ibig sa katauhan ni Jocelynang Baliuag. “Masyadong maraming excess energy,” patungkol ni Teban sa nakapapagod na among si Goyong, “Karamihan pala (sa mga liham) ay para sa mga tagahanga ni Goyong (Kab. 8, pahina 127).” Maituring na postkolonyal ang hinabing kasaysayan ni Ebong dahil kakikitaan ito ng pagkukuwentong nagpapahiwatig ng kaangkinang tunay na katutubo at katanggap-tanggap na Pilipino. Kalaunan ay nalikha ng tagapagsalaysay ang isang kasaysayang Pilipinong matagal nang hinahanap-hanap ngunit ngayon lamang natagpuan dahil sa pagiging hirati natin sa mga paglalahad ng kasaysayan na nasusulat upang dakilain pang lalo ang kolonyal na kapangyarihan o gawing dayuhan ang sarili nating kasaysayan. Sa malas, ang kasaysayang nalikha ay gumahis sa tanikalang kolonyal na nananatili sa pag-alipin sa ating kaisipan at nagpalaya sa ating kakayanang kilalanin ang ating sarili bilang nakapag-iisang lipi.
Ang konsepto ng bayang binubuo ng nobela ay ‘di-mapasusubaliang katutubo dahil sa kabila ng mga nagdatingang mananakop, ang bayan ay napanatiling Pilipinung-Pilipino. Kung kakapain at susuriin ang tekstura at kulay ng lipunang pinag-isipan sa akda, wala ni bahid ng pagkakakilanlan ayon sa pansariling pananaw. Halimbawa, si Dune ay itinuturing na Papang Kayumanggi sa kanyang lipunan; siya ang tagapamagitan ng mga miyembro ng kanyang pinangungunahang kulto sa kanilang paniniwala sa Diyos. Dahil siya ay pangunahin ding tagapagtaguyod ng kalayaan sa mga mapaniil na Kastila; kasama siya sa isang pambansang rebolusyong gustong magkamit ng pagbabago kung mapapatalsik ang mga dayuhan. Miyembro siya ng kilusang naging daan ng paglupig sa mga mananakop, at nang dumating ang mga Amerikano, inayawan niya ang ang implikasyong sa mga napatalsik ay mayroon pumalit upang sa mga ito ay muling mapailalim ang bayan. Maaaring pinugutan siya ng ulo ng mga Kano, ngunit noong buhay pa siya, malaking bahagi ang naiambag niya sa mga pababago sa lipunan sa pamamagitan ng pamumuno ng kilusang kasaling nagpawagi sa Rebolusyong Pilipino. Hindi matatawaran ang kontribusyong ito ng buhay-makabayan ni Dune ay positibo ang epekto sa mga mamamayan dahil nagresulta ito sa pagsilang ng kalayaan mula sa mga mananakop na Kastila. Ang buhay-makabayan ni Dune ay gumanyak pa sa ibang Pilipinong ipagtanggol sa anumang pamamaraan ag kalayaan mula sa mga dayuhan. Sa pangkalahatan, nabuo ang konseptong sariling atin o postkolonyal: malinaw sa atin ngayon na ang inetsa-puwera sa lipunan, ang mga taong tunay na marapat mailagay upang dakilain sa mga pahina ng kasaysayan, ay makapagdudulot ng pagbabago sa bayang iginuhit sa nobela bilang isang bayang kilala natin, ating-atin at karapat-dapat nating angkinin.
Ang etsa-puwera ay etsa-puwera lamang ayon sa tumitingin, lalo na kung babatayin sa perspektibong kolonyal, ngunit kung itutuwid lamang ang kasaysayan sa pamamagitan ng obhetibong pananaw, may pagkakaiba-iba ngunit hindi kinakailangang may nakapangingibabaw ni may maisasantabi.
very well written
ReplyDeletevery , very, helpful. choice of words makes it easy to understand.
ReplyDeletethanks!
maraming salamat sa blog na to... salamat ng marami sa manunulat nito..
ReplyDeletenakasulat din ba dito ang alamat ng gomang putol?
ReplyDeletevisitez sacs de créateurs de répliques pourquoi ne pas les essayer meilleures répliques de sacs de créateurs Suite réplique gucci
ReplyDelete