the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Wednesday, July 09, 2008

ang postkolonyal na sultanato ng sulu


Sa isang kaligiran kung saan ang isang teritoryo ay nasa ilalim ng pananakop ng isang mas malakas na bansa, mahirap palitawin na ang kolonyang ito ay maituturing na nakapagsasarili sa anumang paraan o porma. Lagi na, makikita sa mga aspeto ng istrukturang panlipunan mula kultura, kalakalan, relihiyon, pulitika at iba pa ang patunay na may kontaminasyon ng kolonisasyon sa isang lugar, na siyang nagpapawalang-bisa ng pagkabansa. Kinakailangang may matagumpay na paraan ng pagtuligsa ang isang bansa upang matawag na malaya mula sa mananakop nito.
Ang postkolonyal na pagbasa sa kasaysayan ng sona ng Sulu bilang sinapupunan ng komersiyo sa Timog-Silangang Asya ang makapagsasabing narating nito ang isang estado kung saan nabuo nito ang isang mala-bansang komunidad-pandagat sa gitna ng pananalasa ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas na kinabibilangan ng sultanato bilang probinsiya. Kabalintunaan man na kung kailan unti-unti nang nagigising ang kamalayang makabansa ng mga katutubo, saka pa naman bumagsak ang sistema ng awtonomiya ng Sulu sa kamay ng mga Kastila ilang dekada lamang bago sumiklab ang Himagsikan ng 1896. Gayunpaman, maipagmamalaki ng lalawigan ang pamamayagpag nito bilang nakapag-iisang teritoryo sa bisa ng kalayaan nito bilang komunidad pandagat.
Anu-ano ba ang mga salik na magpapatotoo ng awtonomiyang ito ng Sulu? Una, pangmalawakan ang malayang kalakalang nakapangyayari sa estado, isang kondisyong tumulong upang mapatibay ng sultanato ang kanyang sarili sa aspetong ekonomiko. May matatag na komersiyo at pamumuhunan sa lalawigan kaugnay ang mga merkado sa Asya at Europa. Dahil sa pagbuhos ng mga suplay at demand para sa produktong Ingles, Tsino, Kastila at Indian, tumaas ang produksyon at tumindi ang pangangailangan para sa mga alipin. Dulot ng masiglang ekonomiyang ito, lumakas ang kapangyarihang materyal ng aristokrasiya kaya nga tumibay ang pundasyong panlipunan at pampulitika ng Sulu.
Sa pagbabagong ekonomiko, pulitikal, at panlipunan ng sultanato, naging posible sa mga mamamayan ang magkaroon ng monopolyo sa mga gamit pandigma hindi lamang para sa interes pangkomersyo bagkus ay upang sila mismo ang makapanakop at mapanatiling malaya ang Sulu mula sa mga karibal at mananakop. Mahalagang may materyal silang kapangyarihan sa porma ng pinansiya at mga alipin upang manatiling buhay ang estado. Sa kalagayang ito ng Sulu, hindi kataka-takang maigting din ang kagustuhan ng mga dayuhang mananakop na mapabagsak ito para makapagsolo silang mga Europeo sa sistema ng kalakalan sa karagatang rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Napaguho man ng mga Kastila ang komersiyo sa Sulu na siyang naging daan ng paglaho ng awtonomiya nito, hindi matatawaran na ang matagalang pamamayani ng kalayaan nito ay isang siwang sa mapanlahat na kasaysayan ng Kanluran bilang mananakop ng Silangan. Patunay ang komunidad-pandagat ng Sulu na pangunahin ang mga mamamayan nito sa paglikha ng kanilang sariling kasaysayan sa halip na binuo sa kanila ng mga dayuhan mananakop. Sa pagpapakitang may mala-bansang teritoryo sa katimugang bahagi ng Pilipinas sa panahong sakop na ng mga Kastila ang halos buong kapuluan, nagbibigay ito ng sariwang pagbasa hindi lamang sa kasaysayan kundi sa ating mga sarili bilang minsang kolonyal na lipi. Sa bisa ng pagkabansa ng Sulu gawa ng kanyang kaunlarang ekonomiko, pulitikal at panlipunan sa loob ng tatlong dantaon ng pangongolonya ng Espanya sa natitirang ahagi ng Pilipinas, pinapabulaanan nito ang kahinaan natin laban sa mga mananakop dahil sa katunayan, makapag-iisa tayo, makabubuo na sariling pagkakakilanlan at makagagawa ng sariling pagpapaunlad sa lipunan.

1 comment: