Friday, April 04, 2008
minatamis at iba pang tula ng pag-ibig: isang pahimakas
Pag-ibig, na ayon sa kontemporaryong manunulat na si J. Neil Garcia ay siyang pinapaksa ng lahat ng panitikan, ay siya ring tema ng antolohiya ng mga tula ni Joi Barrios. Pagmamahal sa mangingibig, pag-ibig habang nasa ibang lupain, at kolektibong pag-ibig sa bayan at sarili ang mga pinaksa ni Barrios sa kanyang mga tula. Maging ang namamayaning emosyon ay pangangamba (gaya ng “Tula sa Magdamag”), inspirasyon, (gaya ng “Bituin”) o pagsasapalaran (gaya ng “Rosas de Alas Diyes”), sa iisang tema umiinog ang mga tulang ito—pag-ibig.
Mapagsiwalat ang tono ng mga tula ni Barrios. Gaya ng dapat asahan sa mga tula, pagbugso ng emosyon ng pag-ibig ang asal ni Barrios sa kanyang antolohiya. Mula sa kanyang tulang “Pagbati sa Pagsinta” (isang pagtingin sa pag-ibig bilang realistikong bagay na hindi hinubog sa “fairy tales”) hanggang sa “Pagsamba” (isang pagtaya sa mangingibig bilang mala-diyos na nilalang na dapat alayan ng pag-ibig), kakikitaan ang mga ito ng selebrasyon ng pag-ibig ng isang nakakaramdam nito. Madarama sa mga linya ng mga tula ni Barrios na naranasan na niyang umibig, at ang tula niya ay manipestasyon ng kanyang pagkatao dahil sa karanasang ito sa pag-ibig.
Sa pananaw-sa-buhay, dalawa ang dominanteng pagtingin sa kalakhan ng mundo: humanismo at pemenismo. Masasabi kong humanismo ang nilalaman ng kalipunan ng mga tula dahil ipinagdiriwang ang kakayahan ng taong magmahal. Makikita ang manipestasyon nito sa mga tulang “The Gentleman Caller” (ang pag-ibig na lagi na ay tama sa panahon para sa umiibig) o “Dalawang Tula tungkol sa Pagbuburda: Alay sa Pasko” (pamumukadkad ng pag-ibig sa pagitan ng dalawang tao). Samantala, namayani rin ang pagtinging pemenista dahil sa ilang tulang may selebrasyon naman sa pagkababae ng may-akda, mula sa tulang “Ang Kapatid na Babae ng Ilustrado” (partisipasyon ng babae—kapatid ng pambansang bayaning si Jose Rizal—sa rebolusyon), “Paglisan” (pagkabuo pa rin ng babae kahit pa sa paglisan ng mangingibig), at “Pangarap” (pag-ibig sa babae sa kung ano siya at hindi ayon pinapangarap ng mangingibig).
Malayang taludturan ang ginamit ng may-akda sa kanyang mga tula, isang paghalo sa tradisyunal na tema ng pag-ibig sa modernong konsepto ng pagsusulat ng tula at sa postmodernong perspektibong gaya ng pemenismo at may lakip ng postkolonyal na diskurso. Halimbawa nito ang “Mga Bulaklak ng Tagsibol” na sa mga linyang “Alaala ng Flores del Heidelberg./Paanong hindi magnanasa sa baying sarili/kung saan isang buong taong namumukadkad/ang sanlibo’t isang bulaklak?” makikita ang kumbensyonal na konsepto ng pag-ibig sa bayan, inilapat sa modernong malayang taludturan, nagsaad ng postkolonyal na pagtrato sa bansang walang hihigit sa kagandahan at paggamit ng simbolismong mga bulaklak sa mga kababaihang progresibo ang pagkatao “buong taon.”
Mahusay ang makata dahil nakasulat siya ng matatalinghagang tula hindi lamang sa wikang Filipino ngunit naisalin pa ang mga ito sa wikang Ingles. Simple lamang ang mga ideyang ginamit ngunit makikitang tunay na tunay nga ang bawat isa sa totoong buhay, lalung-lalo na sa mga taong nakaranas nang umibig. Halimbawa, sa kanyang mga tula para sa kanyang asawa, sa kanilang romansa/pakikipagsapalaran sa Korea, naipakita ng may-akda ang kalinawan ng kanyang mga kaisipan, dayuhan man ang karanasan ng pagpatak ng niyebe (“Unang Niyebe”) at taglagas (“Haiku sa Taglagas”).
Nasasakyan ang kanyang sensilibidad dahil gumamit siya ng mga payak na emosyong nararamdaman ng mga pangkaraniwang tao. Lahat ay nakakararamdam ng pag-ibig kaya lahat ay makakakita ng pagkatulad. Ang mga emosyong kaakibat ng pag-ibig—sakit (gaya ng “Pilat”), pagluluksa (“Ritwal”) diliryo (“Bawat Mangingibig ay Makata”), at iba pa—ay naramdaman na rin ng tao sa isang punto ng kanyang buhay.
Hindi natatangi ang kanyang perspektiba dahil sa pagiging unibersal ng paksa. Masyado nang maraming nasasabi tungkol sa pag-ibig. Kahit na balibaliktarin mo ay tama pa rin. Isa siyang malaking “oxymoron.” Tulad na lamang ng kasabihang “love is blind” and “love sees all”. Magkabaliktad ang mga ito pero parehong tama. Ang mga tulang “Paglalakbay” (sapalaran ng pag-ibig) o “Minatamis” (“ginagawang matamis/ang asim at pait/ng tag-araw”) ay pareho namang pakikipagsapalaran: magkabilang dulo man ng mundo ang agwat, pareho ng perspektiba.
Maraming mga tula ang pumukaw sa isipan. Kahit na hindi pa ganap na umiibig ay masasabing may sapat na nalalaman tungkol dito. Ipinapakita rin sa mga isinulat ng may-akda ang kanyang pagka-peminista. Sa unang basa ay maaaring hindi makita ang mga natatagong mensahe. Gayunpaman, kapag natagpuan na ay nakakaramdam ng paghanga dahil sa kakayahan nitong pagdikit-dikitin ang mga putol-putol na ideya upang makagawa ng isang buong kaisipan. Tulad na lamang ng tulang “Pagbati sa Pagsinta” kung saan ginamitan niya ng iba’t ibang fairytale icons o mga sikat na fairytales gaya ni Sleeping Beauty o Rapunzel upang maipakitang ang pag-ibig ay dapat hinaharap ng buong buo: walang labis at walang kulang. Sinasabi din na dapat ipapakita lamang ang tunay na sarili sa pag-ibig.
Ang “Haiku sa Taglagas” ang suminsin sa mensahe ng pag-ibig sa bawat puso ng tao: “Sa kabundukan/ay dagat kang dumating,/pusong kaylalim.” Sa kabundukang ito na tinatawag nating mundo, ang impluwensiya o dating ng pag-ibig ay singlawak at singlalim ng karagatan, katunayan ay higit pa nga, ngunit hindi sapat ang bokabularyo upang bigyang kahulugan ang nadarama.
“Philippine Gay Literature.” Mula sa Filipiniana Reader, Priscelina Patajo-Legasto, patnugot. Quezon City, University of the Philippines, 1998.
Mula sa dulang “ Midsummer Night’s Dream” ni William Shakespeare.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
coment
ReplyDeletereplica bags aaa replica bags ebay replica bags sydney
ReplyDeletego to these guys replica ysl check my reference Loewe Dolabuy visit check these guys out
ReplyDelete