Wednesday, April 23, 2008
indianera: isang etimolohiya
Sa patriyarkal na lipunang katulad ng atin dito sa Pilipinas, naging paghamon o subversion ng mga bakla sa ideyolohiyang homophobia ang pag-imbento ng lengguwaheng (dati ay) eksklusibo sa mga bakla: ang gay lingo. Dahil na rin sa paglaganap ng gay liberation movement mula sa Kanluran patungo sa dalampasigan natin at sa tulong ng ilang tagahubog ng kaisipan ng komunidad—ang akademya at ang midya, nagtagumpay ang mga bakla sa pagpapakalat ng swardspeak, sapat upang maimpluwensiyahan pati na ang unang-unang dapat na magtakwil dito: ang mga lalaking “diretso” o straight (halimbawa ay ang kaswal na pananalita ng isang lalaking heterosekswal: “Wala ka pa bang Papa? Puwede ako,” o “Carry pa ba ng powers mo iyan?”).
Sa sanaysay na “Gayspeak in the 90’s”[1] ni Murphy Red, may kaakibat na mini-Bading-tionary—isang “hilarious glossary”[2]—na nilikom si Ram Garcia na kakikitaan ng mga salitang Chaka (mula sa karakter ng Star Wars na si Chewbacca, “pangit,” kabaliktaran ng Guash, “guwapo”), Enter the Dragon (“pumasok sa loob ng bahay”), at Nora Daza (isang dalubhasa sa pagluluto, “magluto”), matatagpuan din ang pandiwang Indian na ang ibig sabihin ay “hindi siputin, hindi lumitaw o hindi magpakita.” Ang iba’t-ibang anyo ng pandiwang ito ay Inindian, Iindianin, mang-Indian, at iba pa. Ang mga permutasyon nitong gawa-gawa rin ng mga bakla ay Indiyanero/a (taong hindi sumipot), Miss India, at Sushmita Sen (Miss Universe 1994).
Sa konteksto ng ating lipunan, ang Indian o ang mas partikular na Bombay, isa pang biktima ng diskriminasyon—ang ideyolohiyang xenophobia, ay pamoso hindi lamang sa kakaiba nitong amoy o makakapal na balbas, kundi sa prinsipyong pangkalakalang five-six (magpapautang ang Indian ng, halimbawa, P5,000; ang bayad, kasama ang interes, ay P6,000). Pagkasara ng kasunduan sa usurerong Indian, ang Pilipino namang palasunod sa sawikaing “Utang kalimutan” ay hindi sisiputin ang kawawang Indian dahil walang perang pambayad-utang o talagang walang intensyong magbayad. Sa esensya, Iindianin ng Pinoy ang Bombay. Sa paglakad ng panahon, nanatili sa kamalayan natin—hindi na tayo Inindian—ng hindi-kaaya-ayang konteksto ng salitang Indian.
Gamitin natin ang iba’t ibang permutasyon ng salitang Indian:
Hindi ka sinipot ng boyfriend mo para makanood kayo ng pelikula ni Judy Ann Santos sa Megamall. Nang tumawag siya sa cellular phone mo, sisigawan mo siya: “Indianero ka talaga!” habang pinupunasan mo ang mga luhang bumura sa iyong mascara.
Si Lolita ay madalas lumiban sa klase, kaya ino-okray siya ng mga baklang kaklase sa titulo niyang Miss India.
Nagpasabi kang magpapa-relax ng buhok sa suki mong parlorista, pero hindi ka dumating sa oras ng usapan. Sa unang pagkakataong magkikita kayo, sasabihin sa iyo ng baklang tagaayos na, “Win (panalo) ka sana, Ate, kung hindi ka Sushmita Sen.”
O, Zsa Zsa Padilla, Iindianin ko na kayo para sa iba pang tagapagsalita. Babushka!
[1] Nakasama sa Ladlad 2: An Anthology of Philippine Gay Writing. Pinamatnugutan nina J. Neil Garcia at Danton Remoto. Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 1996.
[2] Philippine Gay Literature. Nasa Performing the Self: Occasional Prose ni J. Neil Garcia. Quezon City: University of the Philippines Press, 2003.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Thank you for featuring my essay Gayspeak in the 90's.
ReplyDelete