the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Thursday, November 22, 2007

ang muling pagbubukas sa daang carriedo at rizal sa maynila


Kamakailan lang, binuksan ni Mayor Alfredo Lim sa mga motorista ang mga Daang Carriedo at Rizal sa Santa Cruz , Maynila. Sa unang mga proyektong ito ng muling kahahalal na alkalde, binaliktad nito ang proyektong pedestrinisasyon ng nakaraang nanungkulan. Sa nakaraang administrasyon kasi ng lungsod, ipinatupad ni dating Alkalde Lito Atienza ang pagsasara ng mga 530-metrong bahaging ito ng Avenida sa mga bumibiyaheng sasakyan upang maging lakarang pantao. Sa halip na matupad ang layunin nitong bigyang-buhay ang nasabing lugar apat na taon na ang nakalipas, naging pugad lamang ng mga istambay at tumamlay lalo ang kalakal ng mga tindahang nandito. Bunsod nito, ipinatanggal ni Mayor Lim ang proyektong pagpapagandang lakarang pantaong ito sa Daang Rizal hanggang kanto ng Claro M. Recto sa unang araw ng kanyang panunungkulan noong Hulyo, 2007. Sa loob ng isang buwan, unti-unti niyang ipinabakbak ang mga pulang bloke upang maaspaltuhan at muling madaanan ng mga dyip papuntang Taft o kaya naman ay Monumento. Maingat niyang ipinatanggal ang mga ito upang magamit muli sa iba pang proyekto ng kanyang pamahalaan gaya ng mga parke at bangketa. Makaraan ito, hinawi rin niya sampu ng kanyang konsehong panglungsod ang mga puwesto ng manininda sa 198-metrong kahabaan ng Carriedo para madaanan pa rin ng mga sasakyan noong Agosto, 2007. Winalis niya mula sa mga bangketa at lansangan lahat ng mga nakahambalang na nagsisipaglako ng samu’t-saring mga bagay, mula mga piniratang DVD hanggang mga laruang pambata hanggang mga prutas.
Mahahalaga ang dahilan ng pagbubukas ng pamahalaang Maynila sa mga daang ito. Una, inilaan ng Korte Suprema na gamitin ang mga lansangan hindi para sa layuning pangkalakalan. Ipinaalaala ni Mayor Lim sa mga naglalako na isinaad ng batas na gamiting daanan ng mga sasakyan at mga tao ang mga lansangan imbes na gamiting lugar pangkomersiyo. Hindi maaaring maglagay ng puwestong pagtitindahan sa mismong daanan mula lansangan hanggang bangketa, pagdidiin ng alkalde. Sa lehitimong mga establismentong hindi lalagpas sa mga bangketa dapat pumuwesto ang mga manininda. Layunin ng pagbubukas ng mga daang ito ang pagbawas ng paninikip ng trapiko. Una, pagiginhawain nito ang paglalakbay ng mga sasakyang hindi na kailangang magpasikut-sikot pa sa masisikip na Daang Tomas Mapua, Florentino Torres, Ongpin, Sales at Evangelista para lamang makabiyahe pa-Taft o pa-Monumento. Pangalawa, makadaraan nang mas maayos ang mga taong namamasyal sa lugar para magsimba, mamili o bumiyahe. Layunin din ng pagbubukas ng mga daan ang pagpapasigla ng komersyo sa lugar. Mabababaan na ng mga pasahero ang mga kainan, groserya, at maliliit na department store na naghingalo ang negosyo dahil sa kawalan ng tamang-tamang puwesto ng mga dumaraang tao. Sa pagluwag ng daanan, makakakuha ng mga pasaherong nasa lugar na ito ang mga dyip dahil nasa estratehikong lansangan at hindi sa kung saan madalang ang mga tao. Bukod dito, lalakas ang bentahan sa mga tindahang nakapuwesto sa lugar. Mas makikita ng mga nagsisilakad dito ang mga tindahan ng sapatos, damit, kasangkapan sa bahay, libro at iba pa na maari nilang bilhin kung kinakailangan.
Magaganda ang ibinunga ng pagbubukas ng mga daang nabanggit. Una, nabawasan ang pagsisikip ng trapiko. Dahil madaraanan nang muli ang dulo ng Avenidang tutumbok sa estasyon ng LRT sa Carriedo, hindi na magsisiksikan ang mga pampubliko at pribadong sasakyan sa pagbagtas sa Chinatown . Nakaluwag sa mga motorista ang mababagtas nang lansangang pansamantalang naging parke at tambayan ng mga tao noong administrasyon ni dating Mayor Atienza. Nakinabang din ang mga nakapuwesto sa bangketa. Hindi tuluyang pinaalis ni Mayor Lim ang mga nakapuwesto dahil binigyan sila ng metro kuwadradong pagtitindahan sa bangketa. Sa parametrong ito, makakapaglakong muli ang mga manininda ng mga gamit-pambahay at gamit-pang-opisina, dangan din lang at hindi nila kakayaning mag-upa ng puwesto sa mga lehitimong establismento. Bukod dito, hindi papayagang mangotong ang mga pulis sa mga nakapuwesto sa mga daang ito. Nangako si Mayor Lim na papapanagutin niya sa batas ang mga awtoridad na mangingikil sa mga nagsisipaghanapbuhay sa mga Daang Rizal at Carriedo. Dagdag pa, makikita na ang mga sikat na tagpo sa lugar sa paghawan ng mga nakadidilim na tindahan. Matatanaw na ang Simbahan ng Quiapo na dinarayo ng mga deboto dahil sa Itim na Nazareno. Mas madali na itong makita ng mga Katolikong hindi pa gamay sa pagsikut-sikot sa lugar. Matatanaw na rin ang Simbahan ng Santa Cruz . Dahil wala nang harang, mapupuntahan din ng mga tao ang alternatibong institusyong Katolikong ito sa bahagi ng Chinatown . Nabawasan na rin ang mga masasamang elementong tumatambay sa lugar. Humina ang mga insidente ng pandurukot o pananalisi dahil hindi na nagsisiksikan ang mga taong maaaring dukutan nang walang kamalay-malay. Nawalan ng tambayan ang mga nagbebenta ng panandaliang aliw dahil kung mapapansin silang nakahambalang sa daan para maglako ng laman, maaari silang hulihin agad-agad.
Sa pagbubukas na muli ni Mayor Lim sa mga Daang Rizal at Carriedo, inaasahang bubuti na hindi lamang ang kalagayang pangtransportasyon sa lugar kundi pati na rin ang namamatay nang komersyo sa pusod ng Kamaynilaan.

No comments:

Post a Comment