the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Saturday, May 30, 2009

sining bilang produkto ng karanasan


Produkto ng karanasan ang sining, dahil mahalagang maisakatuparan ang anumang imahinasyon sa pamamagitan ng pagsasakatotohanan nito. Pansining ginamit ang salitang “imahinasyon” para katawanin ang anumang bungang-isip, dahil sa katunayan, ang sining ay ang pagtatagpo ng bisyon at reyalidad. Hindi basta kung anong kaisipan lang ang pinagsisimulan ng sining; marapat itong tumugma sa kahulugan ng imahinasyon bilang kalipunan ng mga imaheng nabubuo mula sa iba’t ibang pandama. Kung walang persepyon ng mga imaheng nakikita, nalalasahan, nahihipo, naririnig o naaamoy, paano magiging malikhain ang sining?
Ngunit hindi puno at dulo ng sining ang malikhaing imahinasyon. Maaaring sa isip ng isang tao ay samu’t sari ang mga imahen, pero nararapat na lapatin ang mga imaheng ito sa katotohanan upang makabuo ng isang likhang-sining. Samakatwid, ito na ang pagsasanib ng bisyon—bungang-isip—at reyalidad—paglalapat ng bungang-isip sa katotohanan. Ito ay walang iba kundi ang pagdaranas ng malikhaing imahinasyon una sa artistang bubuo ng sining at ikalawa, sa mga taong makakaugnay sa binuong sining. Ang proseso ng pagdaranas na ito ang mag-aanak ng sining mula sa misteryo ng imahinasyon tungo sa liwanag ng katotohanan. Maaaring nagsisimula sa imahinasyon ang lahat, ngunit sa wakas ay produkto ng karanasan ang sining.
Parehong mahalaga sa sining ang imahinasyon at karanasan. Lamang, hindi maisasakatuparan ang imahinasyon kung walang paglalapat. Ang paglalapat na ito ay pinakamabisang makita sa anyo ng imahinasyong pinatotohanan ng karanasan.

No comments:

Post a Comment