the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, May 18, 2009

ang prosang hiligaynon sa panahon ng pananakop ng mga amerikano


Kahit na sa pagdating ng mga Amerikanong mananakop sa Pilipinas ay naipakilala ang mapanggayumang wikang Ingles na naitadhana ng batas na maging pangunahing wikang banyaga sa bansa, itinuturing na ginintuang panahon ng panitikang Hiligaynon ang panahong namamahala ang mga dayuhang ito, partikular noong dekada ‘20 hanggang 1942, o bago dumating ang mga Hapones.  Sa relatibong maikling panahong ito, namulaklak ang mga nobela, sanaysay, sarsuwela, at tula ng mga Ilonggong gaya nina Delfin Gumban, Miguela Montelibano at ang dalawang higanteng manunulat na magiging sentro ng papel na ito, sina Magdalena Jalandoni at Angel Magahum.  Ipapakita sa papel na ito kung paanong masasalamin ang mga institusyon ng ekonomiya, pulitika at relihiyon sa halaw mula sa nobelang Benjamin ni Magahum at sa mga sugilanon (o ang katutubong maikling kuwentong Hiligaynon) na “Si Anabela” ni Jalandoni, at “Si Montor” at “Bugay sang Kapalaran” ni Magahum.         
Ang pinagpipitaganang babae ng panitikang Hiligaynon na si Magdalena Jalandoni ang itinuturing na unang babaeng Filipinong nakapagpalimbag ng kanyang nobela.  Marami sa animnapu’t anim na volyum ng kanyang naisulat ang nagkamit ng gawad, kabilang na ang pinakamataas na gawad pampanitikan mula sa pamahalaaan ng Pilipinas, ang Republic Cultural Heritage Award.  Kanonikal na tekstong pampanitikan hindi lamang sa Hiligaynon kundi sa Pilipino ang maikling kuwentong “Si Anabela,” isang matimyas na alaala ng dekada ’30 ng magsing-irog na pinaglayo ng yaman ngunit itinadhanang yaman din ang magpabalik sa isa’t isa.
Maraming imahe ng institusyon ng ekonomiya sa sugilanong nabanggit.  Patunay ang “malapalasyong tahanan” ni Tito at ang mga makikita rito gaya ng “bulwagan” at “aranyang kristal” ng pagkaangat sa lipunan ng pamilya Navarro.  Dahil sa angking yaman ng pamilya, may kakayanan silang magkaroon ng ganitong mga ari-arian.  Bukod dito, may kakayahan silang makapaglakbay sa ibang bansa at makapag-aral ng kursong gusto nila nang hindi kailangang magkompromiso sa pangangailangang pinansiyal.  Makikita ito sa pagtutulak ng magulang kay Tito na “pumunta sa Amerika” upang “makasa ang [kanyang] pagtugtog ng biolin,” isang layaw na tanging mayayaman ang makasusugal.  Samantala, taliwas naman ng marangyang pamumuhay ng binata ang sa dalaga, na nakatira sa isang “bahay-kawayan at nipa” ang pamilya at, sa mismong pananalita ni Anabela, “nabubuhay lamang ako sa tulo ng pawis ng aking ina, at sa kanyang paghihirap.”  Nagtatagis ang magkaibang estado ng ekonomiya ng magsing-irog na naresolba lamang nang biglang yumaman si Anabela sa pamamagitan ng minanang ari-arian sa ‘di-nakagisnang mayamang ama. 
Sa institusyong pampulitika, ang pagpapadala kay Tito sa Amerika ay indikasyon ng impluwensiya ng panahon kung kailan lumitaw ang kuwento.  Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano nasulat ang “Si Anabela,” kaya matibay ang ugnayan ng kolonyang Pilipinas at Amerika, daan upang sa doon ipadala ang binata sa halip na sa mas tanyag na mga dalubhasaan sa musika sa Europa, na hindi naman malakas ang pagkakaugnay sa Pilipinas.
Sa institusyong panrelihiyon, ang pagkabanggit sa “pagsilang ni Hesus,” “pasko ng Pagkatao,” “Belen”, “Niño Hesus” at “paghahandog ng Tatlong Hari” ang magbibigay-hinuha na may impluwensiya ng relihiyong Katoliko ang pagkakasulat ng sugilanon dahil may paniniwala sa ganitong pananampalataya ang mga tauhan. 
Sa kabilang banda, ang bantog na sarsuwelista sa unang bahagi ng ika-20 siglo na si Angel Magahum ang siya namang may akda ng unang nobelang Hiligaynon, ang Benjamin.  Kinakatawan din niya ang henerasyon ng mga manunulat noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano na nagsisimulang mag-eksperimento sa klasikal na reyalistang sugilanon.  Makikita ito sa maiikling kuwentong “Si Montor” at “Bugay sang Kapalaran” (“Handog ng Kapalaran”).
Sa sugilanong “Si Montor” na tungkol sa composo o naratibo ng isang mandirigmang nakipaglaban sa mga dayuhan, makikita ang institusyong pang-ekonomiya sa suhestiyon na kaya nakikidigma ang mga katutubo laban sa mga Kastila ay upang bawiin ang kalayaan mula sa mga mananakop.  Subalit matindi rin ang paglaban ng mga Kastila para supilin ang pag-aalsang ito sa kadahilanang hindi nila basta-basta maibibigay ang kolonyang nakadaragdag ng pagkakakitaan para sa Espanya ang mga likas na yaman.
Makikita naman ang institusyong pampulitika sa kalagayan ng kuwento: ang rebolusyon ng mga katutubo ay pag-aalsa sa isang uri ng pamamahalang kolonyal na hindi katanggap-tanggap para sa mga nasasakupan.
Makikita naman ang institusyong panrelihiyon sa pagtawag kay Montor bilang isang Moro, taliwas sa mga binyagang Ilonggo na nakakasalamuha niya sa kuwento sa kumbentong kinainan at pinaglagian. Sa kalagitnaan ng kuwento ay “[b]ininyagan siya at si Heneral Rios ang ninong.”  Ang pagiging binyagan pati na ang pagkabanggit sa kumbento ay pawang patunay na may impormasyong panrelihiyon ang sugilanon.         
Sa “Bugay sang Kapalaran” naman na tungkol sa isang binatang nagpunta sa Amerika upang mag-aral ng medisina at bumalik sa Pilipinas, makikita ang institusyong pang-ekonomiya sa pag-aaral ni Miguel sa Amerika na nagbunga ng pagkakatayo niya ng isang klinikang dinarayo kahit ng mga puting kliyente.
Makikita naman ang institusyong pampulitika sa pagkakaroon ni Miguel ng Amerikanong guro.  Hindi ito nalalayo sa katotohanang panlipunan kung saan sa pagkakalatag ng pamahalaang kolonyal ng Amerika sa Pilipinas, nagbangon din ito ng institusyong pang-edukasyon sa pamamagitan ng mga Thomasite.  Ang presensya ng mga gurong ito at ang pagiging pensionado (Pilipinong iskolar na nagdadalubhasa sa Amerika) ni Miguel ang patunay ng gobyernong Amerikano noon sa Pilipinas.
Impormado rin ng institusyong panrelihiyon ang kuwento sa pagkakaroon ni Miguel ng pamilyang umiinog ang buhay sa Simbahang Katoliko at ang una niyang ginawa pagkarating sa Pilipinas kasama ang Amerikanang asawa: ang pagdalo sa misa.
Panghuli, sa nobelang Benjamin na tungkol sa isang binatang naglaro at pinaglaruan din naman ng tadhana, makikita ang institusyong pang-ekonomiya sa pagkakabanggit kay Benjamin bilang isang anak-mayamang pagsusugal ang inaatupag habang pinapag-aral sa isang unibersidad sa Maynila.  Pati na ang pagkakabanggit sa pagkuha niya ng pera sa kinakasamang babaeng si Inocencia ang magpapatunay na sa isang kauri rin niya siya nakahanap ng katuwang.  Naghirap din si Benjamin pagbalik sa Iloilo matapos madambong ng mga rebelde ang kanyang pinag-ipunan.
Mahihinuha naman ang institusyong pampulitika sa pagkakabanggit sa mga rebeldeng nagnakaw ng impok ni Benjamin, dahil ang mga rebeldeng ito ay nag-aalsa sa isang uri ng pamahalaang umiiral sa konteksto ng nobela ngunit hindi naman nila sinasang-ayunan.
May impormasyon din ng institusyong pangrelihiyon sa nobela sa pamamagitan ng pagdalo sa misa ni Benjamin kasama ang bagong panganak na asawang si Margarita, isang pasasalamat nila sa Diyos sa paggaling mula sa pagkapanganak ng babae.     
Ang pagkakawing-kawing ng mga institusyong nabanggit sa mga panitikang sinuri ay isang repleksyon ng mga sosyal, pulitikal, relihiyoso, ekonomikal at iba pang salik na nagyayaman sa partikular na lipunan ng Kanlurang Visayas na siyang pinagmulan ng mga prosa, at sa pangkalahatang lipunan ng Pilipinas, noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.  Samakatuwid, buhay na testamento ang mga nasulat nina Jalandoni at Magahum bilang mga panlipunang tala ng mga pangyayari sa mga Ilonggo at, bilang ekstensyon, sa mga Filipino.  Higit dito, ang tumpak na representasyon ng mga manunulat na ito sa sistema ng pangkasaysayan, panlipunan at pangkulturang anyong umiiral sa kanilang konteksto ang magsasabing pamilyar nga sa bayang Hiligaynon at bansang Pilipinas ang mga pangyayaring nagbibigay impormasyon sa atin hinggil sa mundong ginagalawan.  Kung para lamang sa matagumpay na pagpapahiwatig ng mga manunulat na ito ng pamilyar nilang mundo sa atin na maaaring hindi pamilyar sa kontekstong pinagmulan ng kanilang panitikan, integral nga silang kabahagi ng ginintuang panahon ng panitikang Hiligaynon.

No comments:

Post a Comment