Sa mga mayoryang produksyong pampelikula sa Pilipinas, masasabing ang Star Cinema na lamang ang patuloy na kumikita dahil sa pormula nitong pagkapital sa mga malalaking artistang sikat din sa telebisyon. Sa ganito nababagay ang Caregiver: pinangunahan ito ng Megastar na si Sharon Cuneta, at todo ang promosyon nito sa kakambal na kompanyang pang-midya ng istudyo, ang malawakang ABS-CBN 2.
Gaya rin ng ibang pelikula sa Star Cinema, hindi lamang ito nagkamal ng limpak na salapi sa takilya, kundi humakot din ng mga papuri sa kritiko dahil sa pag-arte ng mga bituin at magandang produksyong teknikal.
Lamang, gaya ng iba ring pelikula sa nasabing istudyo—Anak, Dubai, o Milan—hindi lumayo sa nakakulapol na mga isyu sa diaspora ang Caregiver. Sinalamin nito ang tunay na kalagayang pang-ekonomikal ng mga Filipino na napipilitang makipagsapalaran sa ibayong-dagat kung para lamang kumita dahil sa kawalan ng oportunidad pangkabuhayan sasariling bansa. Kaya lang, muling ipinakita rito ang tila monopolyo ng kalungkutan sa mga Overseas Filipino Workers—na matindi ang binabata nilang pangungulila sa ibang bansa, bagay na paulit-ulit nang kinakalakal ng mga pelikula sa Star Cinema. Samantalang nalulungkot din naman ang mga iniwanan dito, madalang itong ipakita kaya nga hindi nabibigyan ng repleksyong pampelikula ang panlipunang katotohanang pareho lamang nagtitiis sa dusa ng pananabik sa bawat isa ang mga pamilyang nawawalay bunga ng diaspora.
London lamang ang naging lokasyon ng Caregiver ngunit kahit sa Hong Kong, Gitnang Silangan o Amerika man ito ginawa, unibersal ang ipinakitang reaksyon ng bidang titser ng Ingles na naging tagapag-alaga ng matanda. Una, ang alienation dahil sa biglaang pagkakabunot sa sariling kultura upang piliting makibagay sa dayuhang kultura. Ikalawa, ang pagiging second-class citizen ng mga kababayan natin dahil wala sila sa sariling bansa, at hindi naman sila lubusang matanggap ng nilipatang bansa. Pangatlo, ang pag-ako sa lahat upang makaraos sa buhay na sa kaso ng Caregiver, isang propesyunal na guro ang nagkaroon ng deskilling dahil naatim niyang maghugas na lamang ng puwet ng iba, na tila ba bagong paraan ng Kanluraning kolonyalismo dahil dumaranas nga ang Pilipinas ng brain drain o pagkaubos ng mga propesyunal na nakabase mismo sa bansa.
Maayos ang pelikula kung para lang sa punto ng pag-arte ng minamahal ng masang si Sharon. Hindi rin matatawaran ang malaking badyet ng pelikula para dalhin ang buong produksyon sa kabisera ng Inglatera. Lamang, nagkulang ang grupo sa puntong pagkalimot sa nangungulila rin namang mga pamilya sa Pilipinas. Kung bayani ang mga OFW, hindi rin magpapahuli sa kabayanihan ang mga kababayang matindi ang pagmamahal sa Pilipinas kaya nga ni sa isip, sa salita o sa gawa ay hindi umaalis sa piling nito, magtiis man sa hirap.
No comments:
Post a Comment