Ang pamimirata sa mga produktong video, audio at software ay maituturing na postmodernong phenomenon dahil ito ay hayagang panlalait sa modernong kalakarang nagbigay ng delusyong pag-asa ng utopia o kaginhawaan. Sa kapitalistang produksyon ng mga orihinal na produkto gaya ng video compact disks, cd-formatted computer programs at iba pa, ipinapasa ang mga produkto sa mahal na halaga upang matakpan ang gastusin sa means of production–kapital, pabrika, hilaw na materyales at lakas-paggawa. Ang surplus naman galing sa mga produktong ito ay nagbibigay-kasiyahan at maraming kita sa mga kapitalista, kaya malinaw na corporate interest ang pinangangalagaan nila sa halip na ipasa ang produkto sa murang halaga bilang konsiderasyon sa interes pampubliko. Samakatuwid, ang mode of production ay sumisira sa ilusyon ng modernismong magbigay-ginhawa para sa lahat maliban sa mismong produser.
Sa puntong ito, hinamon ang modernong phenomenon na ito ng isang postmodernong phenomenon: ang pamimirata na gayong lantarang pangongopya sa pag-aaring intelektuwal ng iba at tahasang paglabag sa batas ay tinatangkilik ng mga tao, unang-una, sa kadahilanang pang-ekonomiko; ikalawa, sa pagkamit ng ginhawa na hindi naibigay ng modernismo; at ikatlo, pang-insulto sa ginagawang komodipikasyon at komersyalisasyon ng mga produktong na sana ay mag-aangat sa estado ng sibilisasyon ng tao na ibinabandera ng modernismo.
Gawin nating halimbawa ang isang kinakalakal na orihinal na mga video cd/audio cd na ibinebenta sa halagang P250 hanggang P500, ngunit sa mga bangketa ng Cubao, Baclaran o Avenida at sa mga piling tindahan sa Greenhills, bina-bargain ang mga ito sa halagang P10 hanggang P50 lamang. Sa paghihigpit sa perang gastusin ng mga konsyumer, hindi nga sila mangingiming bumili na lamang ng peke kaysa sumuka ng daan-daan sa orihinal na produktong pareho lang ang nilalaman kumpara sa peke. Kung tutuusin, mas makakamura pa ng P10 minimum sa pagbili ng vcd ng isang pelikula kaysa pagkuha ng tiket sa takilya upang masaksihan ang palabas (P35 ang presyo ng piniratang pelikulang ipinapalabas sa halagang P100+ sa isa pang templo ng komersyalismo, ang mall). Kulit-kulitin man tayo ng mga korporasyon sa pagpapaalalang para sa interes natin ang pagbili ng mga orihinal na produkto, hindi maitatangi na iba ang corporate interest kaysa public interest. Iindahin ng mamimili ang pagkabawas ng daan-daang piso para sa isang bagay na kung madidiskubreng ang nilalaman ay pangit pala sa panlasa niya, ang mamimili ay mananatiling kawawang biktima. Samantala, ang kabawasang isang mamimili ang hindi magpapahirap sa mga kapitalista. Kung ang software na galing sa korporasyon ni Bill Gates, isang bilyonaryong ang yaman ay mula rin naman sa pangongopya sa Xerox Corporation, ay pinirata at ibinenta sa halagang hindi makapagpapataas ng presyon ng dugo, hindi mariringgan ng “Aray!” si Gates kung mabawasan ang kita niya ng 0.0000000001 (o dagdag pang zero). Sa pamamagitan ng pormang ito ng postmodernismo, napapamukhaan na bigo ang modernismo sa pangako nito at ang produkto ng postmodernismo ang “next best thing,” kung tutuusin, sa kaginhawaang di-natupad. Bukod sa mura ang mga piniratang ito, madali pang hanapin dahil sa konting paggala-gala sa mga lugar na pinaglalagakan nito, ang mga nagbebenta na mismo ang mag-aalok sa iyo, mula hard-core XXX hanggang MTV repertoire o larong PlayStation at programa sa kompyuter.
Kung ikukunsidera naman ang pagkawala ng sinulid na maghahati sa reyalidad at simulacrum (paghahawig o representasyon, kalimitan ay paimbabaw lamang), mula pa sa panahon ni Plato ay pinilosopiya na niya ito: ang lamesang ginagamit ko ngayong patungan ng gamit kong kompyuter ay representasyon lamang ng lamesang nasa langit, kaya kung gagawa ako ng tula patungkol sa lamesa, may isang baytang na nakapagitan sa reyalidad at simulacrum; samakatuwid, ito ay hindi totoo. Sa postmodernong pananaw naman, ang kultura ng media, pagsalit ng tunay na halaga ng exchange, kapitalismo, urbanisasyon at mga simbolikong lengguwahe at ideyolohiya ay nagtatalaban sa kamalayan ng mga tao upang ang kamay na bakal ng mga aparatong panlipunan na nakasuot ng malambot na guwantes ay maitatak sa mga tao kung anu-ano ang mga papel na gagampanan o mga bagay na tatanggapin, bahagi ng interpelasyon sa kanila. Sa puntong ito, ang pamimirata, na isang postmodernong phenomenon sa kadahilanang ito, kaakibat ang mga phenomenang nabanggit sa itaas, ay nagbuwag sa nakapagitang dingding sa reyalidad at simulacrum. Ang napapanood, naririnig, at naiproprograma sa mga napiratang compact disks ay kawangis lang ng tunay, isang baytang mula sa katotohanan, ngunit parehong-pareho o higit pa sa orihinal kung tutuusin ang epekto ng mga phenomenang parte ng nakalakhan na natin sa ating postmodernong panahon.
Panghuli, ang komodipikasyon at komersyalisasyon na isang kompromisong pangtali ng modernismo sa mga taong naghahangad ng kaginhawaang wala namang kasiguruhang matatamo, ay tahasang hinagupit ng satirikong produksyon ng postmodernismo. Tutal, ipinapasa na sa mga konsyumer ang kaginhawaan sa porma ng produktong napakamahal, sumabay sa alon ng popularidad ang mga pirata at nagbenta ng produktong kopya ng orihinal ngunit “‘di sing-mahal” para sa mga “wais” na mamimili. Sa halip na makita ang mga pirata bilang eksploytatibo at magnanakaw, may dekonstruksyon ang kanilang imahe bilang mga instrumento ng taumbayan sa “accessability” ng mga impormasyon at kasiyahan na nakakompromiso sa modernismo sa “tamang” halagang idinidisenyo ng mga kapitalistang nagpapagawa ng produkto.
No comments:
Post a Comment