Ang salitang "aswang" at "maharlika" ay dalawa sa mga salitang hindi lubos na nauunawaan ng mga Pilipino. Maaaring laganap ang paggamit sa mga salitang ito, ngunit sa kabila nito ay mapagpasantabi ang mga pinagsimulan ng mga kahulugan nito. Isang kabalintunaan na ginagamit ang mga salitang ito upang maging repleksyon ng ating kultura dahil tulad ng marami sa ating mga kasulatan ay nakabase ito sa imperyalismo na dinulot ng pagkakasakop sa atin ng mga Kastila at pati na rin ng mga Amerikano.
Kilala ang taguring aswang bilang panawag sa mga kampon ng kasamaan na bukod sa layuning maghasik ng lagim sa sangkatauhan ay hangad ding mabuhay at palakasin ang kapangyarihang itim sa pamamagitan ng pagkain ng tao. Tanging sa Pilipinas matatagpuan ang ilang paniniwala hinggil sa aswang gaya ng manananggal: isang babaeng kalahati ang katawan mula baywang pataas, lumilipad sa pamamagitan ng mga malahiganteng pakpak ng paniki, may gulu-gulong buhok, mapupulang mata at matutulis na pangil at nanginginain ng mga batang nasa sinapupunan pa lamang sa pamamagitan ng dilang nagiging mala-sinulid kapag inihuhugos mula sa bubungang pawid. Samantalang salitang "tanggal" ang pinagmulan ng pangalan ng aswang na ito gawa ng kanyang kakayahang magtanggal ng sanggol buhat sa inang hindi pa nagluluwal dito, "asu-asuan" ang pinanggalingan ng salitang aswang gawa ng kakayahan ng nilalang na ito na mag-anyong aso o iba pang hayop mula sa pagiging tao.
Sa pagdaong sa ating dalampasigan ng mga Kastilang may balak na ilagay sa mapa ng Imperyong Espanyol ang Pilipinas, napag-alaman nila na ang prekolonyal na bayan natin ay pinamumunuan ng mga lokal na paring tinaguriang babaylan. Gamit ang kanilang mga animistikong ritwal sa panggagamot at pananambahan, misteryoso at malalakas ang kapangyarihan ng mga babaylan sa mga napaiilalim na mga katutubo. Kung gayon, balakid sila sa matagumpay na pananakop ng mga Europeo sa ating mga isla. Gamit ang diskursong Katolisismo, ipinakilala ng mga prayle ang Kristiyanismo bilang "tunay" na kaligtasan ng mga paganong katutubo at lahat ng ‘di-akma sa relihiyong ito, gaya ng paniniwala sa babaylan, ay may kapangyarihang mula sa demonyo. Inakusahan ng mga pari ang mga babaylan na mga aswang dahil sa hindi galing sa Diyos ng mga Kristiyano ang kanilang kapangyarihan. Ipinalaganap ng mga Kastila sa mga katutubo ang mga katatakutang kalakip ng pagkakaroon ng anila ay majica negra, gaya ng kakayahang mag-anyong aso, o mag-asu-asuan. Sa pananagumpay ng mga Kastila sa pananakop sa pamamagitan ng relihiyon, nagawa rin nilang itaboy ang impluwensiya ng mga babaylan sa mga nabinyagang katutubo.
Bukod sa hindi makatarungan ang maling paratang sa mga babaylan, hindi rin makatarungan na sa tuwing lilitaw sa mga usap-usapan ang mga aswang, lagi nang naiuugnay ang mga lalawigan sa Visayas partikular ang Capiz dahil lamang sa heograpikal na pagkakataong sa panggitnang mga islang ito ng ating bayan naging maimpluwensiya ang mga babaylan noong panahong prekolonyal. Idagdag pa, karamihan sa mga babaylan ay mga babae kaya masasabing ‘di katanggap-tanggap sa patriyarkal na mga Espanyol ang pagiging makapangyarihan ng mga babae. Ang mga paliwanag na ito ang magsasaad na purong pulitikal ang pinag-umpisahan ng salitang "aswang."
Samantala, noong rehimeng Martial Law kung kailan naging maskara ng Bagong Lipunan ang pagpapaibayo ng kulturang Pilipino, hinangad ng diktador na si Ferdinand Marcos ang pagpapalit ng pangalan ng bansa mula Pilipinas tungong Maharlika. Ani ng dating pangulo, dapat na palitan ang pangalang Pilipinas dahil ito ay halaw sa pangalan ng (baliw umanong) Kastilang haring si Felipe II, na siyang namuno sa Espanya noong masakop nito ang ating mga isla sa kalagitnaan ng 16 dantaon.
Gayong makatwirang baguhin ang Oryental na patakarang ito ng Eurosentrikong imperyalismo dahil nagpapakita ito ng pagtrato sa mga kolonya bilang mahina (kaya pambabae ang pangalan—samakatuwid, patriyarkal), pagano, di-sibilisado, mabangis at iba pang derogasyong magpapatindi ng pangangailangan ng kolonisasyon, hindi kinakailangang akma ang balak ipalit na pangalang Maharlika.
Sa puntong ang Maharlika ay mula sa dalawang salitang "mahar" at "lingga" na kapwa Malayo-Polynesian, tama lamang na gamitin ang mga salitang itong galing sa punong wikang pinag-ugatan din ng lahat ng ating diyalekto. Lamang, "malaki" ang ibig sabihin ng salitang "mahar" samantalang "titi" ang ibig ipahiwatig ng salitang "lingga." Nagsimula itong ikabit sa mga dugong bughaw gaya ng mga datu at raha noong panahong prekolonyal dahil itinuturing na akma sa kanila, bilang mamamayang pinakamataas ang ranggo, ang lahat ng superlatibo—pinakamagaling, pinakamatapang, pinakamalakas, pinakamatalino, pinakamakisig, at iba pa. Hindi na nalalayo na kahit ang tagong parte ng iginagalang na pinuno ay pinakamalaking bagay sa katawan niya, may katotohanan man o wala.
Bukod sa kaduda-duda ang pagkabit ng lahat ng superlatibo sa mga dugong bughaw dahil sa kasaysayan ng tao, may mahihina at maliliit ding mga pinuno, literal man o piguratibo, at may mga pinuno rin namang babae gaya ni Prinsesa Urduja, mali ring tawaging Maharlika ang Pilipinas dahil hindi naman pulos lalaki lang ang mamamayan nito. Magmamaktol hindi lamang ang mga peminista kundi ang mga babaeng muli ay isinasantabi dahil wala silang titi. Idagdag pa na hindi kinakailangang malalaki rin ang pribadong bahagi ng mga lalaking mamamayang ito, dahil may mga pananaliksik na nagsasaad na mas malalaki ang ari ng mga Kanluranin, mga Aprikano at mga lahing Arabiko kumpara sa mga Silanganin at Timog-Silanganing Asyano.
Samakatuwid, problematiko ang paggamit ng Maharlika bilang panibagong pangalan ng Pilipinas sapagkat hindi lamang ito misnomer o maling pangalan, presentasyon din ito ng isang lipunang nagtataas ng machismo at, sa proseso, nag-ietsa-puwera sa mga babaeng may kapantay na karapatan bilang mamamayan.
Bilang tugon sa mga salitang katulad nito dapat pag-aralan muna natin ang mga salitang ating binibigkas dahil hindi natin tiyak kung may natatamaan na tayo sa ating mga sinasabi. Kung papaanong hindi magandang pantawag ang Instik Beho o kaya Tsekwa sa mga Tsino, gayon din naman ay ayaw ko ring matawag na flip o "funny little island people". Mas malamang kaysa hindi ay sa pagdaan ng panahon nagawan na ng social constructionism ang konteksto ng mga salita. Dahil dito ay nakakaligtaan natin ang tunay at tama na kahulugan at pinagsimulan ng ating mga katutubong salita.
Sa panahon ngayon ay hindi na gaanong pinaniniwalaan ang mga aswang, kaya naman hindi na ito gaano nakakainsulto kapag ginagamit itong pantawag sa mga birubiruan ngunit sa kabila nito ay hindi maiiaalis ang pangit na imahen na ibinibigay nito. Sa kabilang palad, maaaring magbigay ng magandang imahen ang salitang maharlika. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamian ay mayroon itong negatibong pahiwatig. Kahit na dugong bughaw ang ibig sabihin ng salitang ito ang literal na ibig sabihin nito ay tumataliwas sa mga babaeng may dugong bughaw. Ang wika ay makapangyarihan at dahil dito ay malaki ang bisa ng wika sa pagbuo at pagpapalaganap ng imahe, isang puntong tinalakay ni Edward Said sa kanyang akdang Orientalism. Kaya nga, mahalaga na magamit ng maayos ang kaniyang sariling wika dahil bukod sa isa ito sa mga repleksyon ng ating kultura, bumubuo ito ng ating pagkakakilanlan.
In Hindsight
1 day ago
Said reader ka rin pala.
ReplyDeleteNice article. Pwede mo nang ipasa sa journal.