Sa The Death of Ivan Ilyich, malinaw ang paniniwala ni Leo Tolstoy na may dalawang uri ng buhay: ang buhay na balatkayong kinakatawan nina Ivan, Praskovya, Peter at marami pang iba sa lipunan at kumpanya ni Ivan at ang makatotohanang buhay na kinakatawan ni Gerasim. Makikita sa balatkayong buhay ang kababawan ng mga ugnayan, makasariling interes, at materyalismo. Ang buhay na ito ay walang kahulugan at hindi kayang magbigay ng mga sagot sa mga mahahalagang tanong ng buhay. Isang pagkukunwari ang balatkayong buhay na nagkukubli ng tunay na halaga ng buhay at nag-iiwan ng pagkatakot at pag-iisa sa oras ng kamatayan. Kaya nga totoong bahagi man ng bawat buhay ang kamatayan, hindi pa ito isang reyalidad sa ngayon. Ganito ang tingin sa una ni Ivan, pati na ng mga kasamahang hukom dahil mas mahalaga sa kanila ang tinatamasa nilang buhay sa kasalukuyan. Sa kabilang banda, ang makatotohanang buhay ay kakikitaan ng awa at pagmamahal. Nakikita nito ang iba hindi bilang mga gamit para matupad ang pansariling hangarin, ngunit bilang mga taong may pambihirang pag-iisip, pakiramdam at naisin. Nililinang ng makatotohanang buhay ang kapaki-pakinabang na ugnayang pantao na sumisira ng pag-iisa at nagdudulot ng totoong personal na pakikialam. Samantalang iniiwan ng balatkayong buhay ang isang tao na malungkot at nag-iisa, pinalalakas naman ng makatotohanang buhay ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pakikiramdam. Nagdudulot ito ng ugnayan at naghahanda sa pagtagpo sa kamatayan. Hindi nakakatakot na posibilidad ang kamatayan dahil darating at darating naman ang katapusan iyon kapag napili nang lahat ng alternatibo at narrating na ang pagka-doon.
Sa tuluy-tuloy na pagtungo sa kamatayan, kinikilala ni Ivan ang kamatayan at ang paghahanap ng isang kompromiso sa kannyang nakatatakot at hungkag na kapangyarihan. Paano nga naman bibigyang-kahulugan ng isang tao ang kanyang buhay, kayang mga ugnayan, mga proyekto, mga pangarap, ang kanyang pag-iral? Ang paghahanda sa kamatayan ay nagsisimula sa pagkakaroon ng tamang pagtingin sa buhay at nangyari ito nang maging delikado na ang sakit na dulot ng kanyang pagkalaglag. Habang nagbabago ang pagtingin sa buhay ni Ivan dulot ng sakit at kalapitan ng kamatayan, nagbabago ang kanyang damdamin mula pagkatakot patungong kaligayahan. Kung dati ay hindi makahulugan ang buhay niya dahil hindi niya nasasaisip ang kamatayan at marami pa siyng posibilidad na pinaglalaruan, nang maratay siya sa higaan ay doon lamang niya makikilala ang pagiging mortal niya sa katauhan ng kanyang katiwala. Ang pag-iwas sa kamatayan ng mga nakapaligid kay Ivan ay base sa delusyon na hahadlang sa mga tao sa mga di kaaya-ayang katotohanan. Nagdudulot lamang nito ng kahungkagan, pagkatakot at kakulangan. Kung tatanggapin naman ang kamatayan at kikilalanin ang mga totoong hindi mapipigilang kalikasan ng buhay, nagkakaroon ng kumpiyansa, kapayapaan pati na kaligayahan sa oras ng kamatayan. Itinuturo ng kuwento na sa pamumuhay nang tama, mailalagay sa tamang perspektibo ang kamatayan.
Ang kahulugan ng kamatayan ay nakaugat sa ating relasyon dito bilang isang posibilidad, isang pagpapakahulugan sa ating sariling gawi ng pag-iral tungo sa ating di-mapipigilang katapusan. Ayon kay Heidegger, ang pagtagpo sa kamatayan ay nagbubunyag ng kahungkagan sa ating pag-iral, kaya nga nagkakaroon lamang ng katuparan at kabuuan kung handa nang iwanan ang buhay. Kahit tayo lamang ang makakaramdam ng ating kamatayan, hindi pa rin maiiwasang maramdaman natin sa iba ang kamatayan dahil sila ang unang mga taong kinararanasan natin ng unang kamatayan. Habang pansarili lamang ang kamatayan, mahalaga para kay Heidegger ang pamamaraan n gating pag-iral patungong kamatayan. Kapag naabot na ang dulo at katapusan ng Dasein, magiging iba na ito. Gusto ni Heidegger na manatili tayo sa posibilidad na ito na hindi limitadong posibilidad spagkat may katapusan ang Dasein at nalilimitahan ng mga pagpiling malayang ginawa nang may kamalayan. Habang nakikita ang posibilidad sa ating pag-iral, nabubuksan an gating kinabukasan at an gating sariling mga posibilidad. Habang lumalapit sa kamatayan nang may pag-unawa, lumalapit naman din sa buhay. Gaya ng sinabi ni Heidegger sa tunay na pag-iral tunogng kamatayan, nagkakaroon ng pag-unawa at possible rin ang angst na susundan ng matibay na kaligayahan.
Naipakita sa kuwento kung paaano tumutungo sa kamatayan si Ivan matapos tanggapin na iyon ang dulo ng kanyang mga posibilidad. Napahahalagahan niya ang kanyang mga posibilidad sa buhay nang hindi kinakailangang itapon ang mahalagang bagay na ito sa pamamagitan ng pagpapatiwakal. Ultimong posibilidad man ang kamatayan, hindi ito ang nag-iisang posibilidad kay Ivan. TInungo niya ito upang maunawaan nang husto para mabigyang-saysay niya ang kanyang buhay at ang kalayaang pumili sa mga posibilidad niya.
Samakatuwid, natatamo ang tunay na saysay ng kamatayan sa tunay na pagtungo sa kamatayan na isang pag-aantabay sa posibilidad ng sariling kamatayan. Habang naghihintay, nagiging malinaw ang tootong mga posibilidad na nagpapaunlak sa pagkakaroon ng kalayaang piliin ang mga posibilidad na tunguhin ang mga totoong pangarap sa buhay. Ang pag-aantabay ay desisyon ng taong gamtin ang sariling kalayaan upang mapili at matupad ang tunay niyang hangarin sa buhay. Sa makasaysayang kamatayan lamang nagkakaroon ng bigat ang buhay ng tao dahil nagagaroon siya ng kalayaang pumili.
No comments:
Post a Comment