At sa gayun nga ay isinumpa ni Haring Salermo ang nagtanang magkasintahan para makalimutan ni Don Juan si Donya Maria. Habang papatakas ang dalawa sakay ng matutuling simaron, sumungit ang panahon, nagsalimbayan ang kulog at kidlat, bumangis ang hangin at yumanig ang lupa tanda na nagkakabisa na ang sumpa ng inulilang hari. Lalo pang binilisan ng magkasintahan ang paglayo mula sa engkantadong kaharian nang mapansin nilang isang kulumpon ng ulap ang sumusunod sa kanila. Sa wakas ay naabutan sila ng ulap at nag-anyo itong si Haring Salermo.
"Sa ngalan ng namayapa mong ina, sundin mo ang utos ko, Maria, na iwan ang lalaking iyan at manahing mag-isa ang kaharian," dagundong ng boses ng hari mula kung saan sabay sa pagbuka ng bibig ng hugis-taong ulap.
"Sa ngalan ng pag-ibig, Amang Hari, hayaan ninyo akong maging masaya sa piling ng lalaking pinakaiibig ko. Hindi ko kailangan ng alinmang yaman sa daigdig hangga’t kapiling ko si Juan," sagot naman ng prinsesa, na hindi natilihan sa pagpapausad sa kabayong hindi nabagabag ng paglindol ng lupa.
Ang ulap na sumusunod sa magkasintahan ay dahan-dahang lumapag sa lupa at nag-anyong pagkaganda-gandang dalagang sakay ng nagdudumaling puting olikornyo. Sumabay ito sa magkasintahan at nang masilayan ni Don Juan ang mahiwagang binibini, nahumaling agad ang kanyang puso. Dulot ng kung anong salamangka ay hindi hamak na mas kaakit-akit ang dalagang umusbong kung saan kaysa kay Donya Juana. Animo ito isang bathalumang inianak ng araw sa kaputian ng kutis, ng hangin sa kayumian ng kilos, at ng tubig sa mala-aparisyong pagsipot sa mundo sakay ng tumatakbong nilalang ng mito. Nagsikip ang paghinga ng binata sa humahangang pagkamangha sa panaginip na kaalinsabay nila ngayon sa pagtakas ni Donya Maria, na inusbungan ng panibugho pagkaramdam na kumagat sa maalindog na pain ng ama ang nililiyag niyang prinsipe.
"Nililinlang ka lamang ng mahika ni Ama, Don Juan!" puno ng alarmang sigaw ni Donya Maria.
Tila napatda pa si Juan ng may tumawag sa kanya ng bunog pamilyaridad. Paglingon niya ay hindi man lang niya mapagsino si Donya Maria! Lubos siyang naakit sa bagong litaw na dalaga.
"Sino ka ba? Paano mo ako nakilala?" walang muwang na usisa ni Don Juan kay Donya Maria habang patuloy sa pagpapatakbo ng kabayo sa gitna ng dalawang nangakabayong mga binibini. Anumang pilit na paalaala ni Donya Maria ay hindi niya mabasag ang bisa ng sumpa ng ama sa kasintahan, kaya nanggagalaiting inipon ni Maria ang lahat niyang kapangyarihan, handang makipagsagupa sa dalagang nang-agaw ng pansin ng kanyang minamahal. Batid niyang kung magagapi niya ito sa isang pagtutuos ng kapangyarihan sa kapangyarihan, maibabalik ang alaala ni Don Juan. May ngiti naman sa labi ang mahiwagang dalaga pagkabasa ng nasa isip ni Donya Maria, at bilang pagtanggap sa hamon ay nagpatihabol ito sa kanya. Ang nalilito naming binata ay hindi ibig mawalay sa luwalhating ibinibigay ng mahiwagang binibini, kaya pinasundan niya sa kanyang kabayo ang olikornyong kinasasakyang ng dalaga. Samantala naman ay tila bulkang sasambulat na sa isa’t isa ang kanya-kanyang mahika ng dalawang dalaga.
Nagbatuhan ng makulay na liwanag sa isa’t isa ang mga babae at nagpatingkad sa luwalhati ng paligid ang pagsalpukan ng kanya-kanyang kapangyarihan. Patuloy pa rin sila sa pagpapatakbo sa sinasakyang mga hayop ngunit naghahagisan pa rin sila ng malakidlat na liwanag, na hindi naman hinahayaang tumama sa kanya-kanyang katawan. Kapwa sila nakakaiwas sa hirit ng kalaban, at makaraan ang dalawang oras ng digmaan ng mga liwanag at sagitsit ay wala pa ring malinaw na nakalalamang. Mataman namang nakamasid lang si Don Juan na lubhang nagitla sa pambihirang sagupaan ng dalawang mala-bathaluman upang makialam pa at itigil ang away. Napasa-istratehiya ni Donya Juanang patamaan ng kanyang kapangyarihan ang nag-iisang sungay ng olikornyo, at sa pagdapo ng malabahagharing kidlat mula sa mga palad ng dalaga patungo sa sungay ng maalamat na kabayo, nagunaw ito at sabay na naglaho ang mahiwagang dalaga at kabayo. Tila naman nagising mula sa malalim na pagkakahimbing si Don Juan, na nang masilayan si Donya Juana ay nagbalik ang katinuan.
"Mahal kong Juana!" bulalas ng binata palapit sa hapung-hapong dalaga.
"Don Juan, giliw ko!" sagot ni Juana, na lumakas ang loob nang makilala na siya ni Don Juan. Nagyakap sila nang mahigpit, at sa dako ng papalubog na araw ay pinatakbo nila, magkahawak-kamay, ang kanya-kanyang kabayo.