Likas na sa mga epiko at tulang romansa ang pagkakaroon ng bahid ng kagila-gilalas sa dahilang ang una ay kakikitaan ng mga bayaning may supernatural na lakas at mga diwata o engkantadong lagi nang nakaalalay sa kanila. Kakikitaan din ang ikalawa ng mga delikadong pakikipagsapalaran ng mga tauhang kalimitang dugong bughaw at may kakayahang gumawa ng mga supernatural na bagay sa bisa ng anting-anting o sa tulong ng mga engkantado o ng Birheng Maria. Samantalang purista ang mga epiko sa kalidad ng mahika nito, kontaminado na ang sa mga tulang romansang korido at awit dahil sa hindi katutubo bagkus ay Kanluranin ang anyo ng mahika rito. Magagandang halimbawa ang epikong Agyu at ang koridong Ibong Adarna sa manipestasyon ng mahika kahit pa mapagtatambis ang kalidad ayon sa kalantayan.
Dulot ng ginintuang pinipig at mahimalang nganga ang pagbabagong-anyo ni Mungan, ang ketonging hipag ni Agyu, bilang paggantimpala sa dinanas niyang mga hirap. Katutubo ang mahikang ito dahil Oryental ang konsepto ng pagkonsumo ng butil bilang pambuhay, gayundin ang pagnguya ng nganga bilang pampahaba ng buhay. Dahil sa mga butil na ito, naging mala-imortal si Mungan bago tuluyang pumaimbulog sa mundong-langit. Dulot naman ng kamangha-manghang pagpapalit-balahibo at pag-awit ng ibong Adarna ang karugtong na buhay ng nagkasakit na Haring Fernando. Samantalang pagdugtong sa buhay ang ibinunga ng parehong mahika, Kanluranin ang konsepto ng ibong mahimala dahil sa Denmark at Alemanya halimbawa, ang awit ng ibong Phoenix ang lunas sa karamdaman ng nakaratay na hari. Kanluranin din—Katoliko pa nga—maging ang Kristong nag-anyong ermitanyo upang saklolohan si Don Juan matapos umugin ng dalawa niyang kuya. Kontaminasyon din ng Kanluraning mahika ang paglitaw ng engkantadong lobo upang sumaklolo kay Don Juan na makalawang nabugbog ang katawan matapos hayaang mahulog ng nakatatandang mga kapatid sa ilalim ng balon. Hindi katutubo sa Pilipinas ang lobo na tinagubilinan ni Donya Leonora upang gamutin ang nabaliang prinsipe.
Isang iglap lamang ang paglalakbay nina Agyu at mga kapatid paalis ng Ayuman papuntang Ilian at Pinamatun at katutubo sa mga epiko natin gaya ng Tuwaang, Ulod at Bantugan ang malikmatang pagtawid sa kalawakan gamit ang, halimbawa, bahaghari bilang daanan, at baluti o sibat bilang midyum. Samantala, ganito rin kabilis sa turing ang magdamagang pagpatag ng bundok, pagpapalago at pag-ani sa trigo at paghurno ng tinapay para ihain ni Don Juan sa hapag ng hari kinabukasan din. Mabilis man kapwa ang mga pangyayari, hindi katutubo ang paggamit ni Donya Juana ng “magica blanca” dahil sa pangalan pa lang, Kanluranin na ito.
Pagkandiling katutubo ang pagbibigay ng pambihirang lakas at mala-imortalidad ng Suguy o Diwata (Walang-hanggang Bathala) kina Agyu bilang premyo sa kanilang pakikipagsapalaran. Pinagmilagruhan din naman si Don Juan ng Birheng Mariang lagi niyang pinananalanginan at ng kasintahang si Donya Maria na may kapangyarihang puti. Pareho mang may bahid ng mahika ang mga pangyayari, Kanluranin ang kalidad ng ikalawa dahil nga Katolikong diskurso ang pananalig sa Inang Birhen at hindi katutubo ang “magica blanca.”
Kamangha-mangha ang paglipol ni Tanagyaw, ang batam-batang anak ni Agyu, sa lahat na mga kalaban ng kanilang angkan sa loob lamang ng apat na araw. Isa itong manipestasyon ng supernaturalesa ng batang bayani, sapat para pagilasin ang datung pinuno ng mga kalaban. Kinalaban din ng magkakapatid na Agyu, Lena at Banlak ang mag-asawang higanteng sina Kumakaan at Makarandeng—mga kababalaghang nilalang. Higante rin ang pinuksa ni Don Juan sa kaharian sa ilalim ng balon ngunit ang Kanluraning nilalang na hydra—isang ahas na pito ang ulo na sa pagtigpas ni Don Juan ng isa, may sisipot pang muli—ang kalabang nag-alis ng katutubong kanti ng mahika sa koridong Adarna.
Ang pagkakaroon ni Agyu ng isandaang asawa at anak ay lubhang hindi makatotohanan, ngunit may presensya ang ganitong kondisyon sa iba pang epiko ng Pilipinas. Lubhang hindi rin makatotohanan ang pagtadtad kay Donya Maria upang magkatawang-isda at masisid ang brilyanteng singsing ng Haring Salermo pati na ang pagkaramdam ng sakit ni Don Juan sa bawat hampas ng negrita sa negritong sa sayaw ng paalala sa dulo ng akda, ngunit ang tanging katutubo rito ay ang wika at talinghagang gamit ngunit ang mahika para isagawa ang mga kababalaghan, gaya ng nasabi na, ay Kanluranin.
Sa pangkalahatan, kapwa may hipo ng mahika ang mga akda ngunit magkaiba nga lang ng kalantayan dahil mas lantay ang Agyu samantalang kontaminado na ang Ibong Adarna. Maaaring katutubo ang Adarna sa wika, talinghaga, moral at oral na paghahabi ng kasaysayan ng pakikipagsapalaran ni Don Juan, ngunit hiram lamang ito sa mga Kastilang mananakop at ang tulang romansa sa kalahatan ay nitong 17 dantaon lang naiangkat sa Pilipinas at dalawang siglo pa ang dumaan bago tuluyang naging popular. Hindi naman kagigisnan ng dayuhang elemento ang epikong Agyu na lehitimong atin kaya ang paggamit ng katutubong paniniwala sa himala ng nganga at pinipig bilang pandagdag-buhay, ng Diwatang Bathala at ng supernatural na lakas ng mga bayaning nakikipagsagupaan.
Sa pagkukumpara at pagtatambis ng kalidad ng mahika sa Agyu at Ibong Adarna, kapansin-pansin ang katotohanang hinuhubog ng mga sangrang ito ng panitikan ang isang bayaning maaring tularan at hangaan.
maglagay nman po kyo yung chapter na ANG LOBO
ReplyDeletemaglagay po kayo ng suliranin ng pamilya ni don fernando
ReplyDelete