Matingkad ang konseptong bayan sa pelikulang Aishite Imasu (Mahal Kita): 1941 ng batikang direktor na si Joel Lamangan. Isang lipunang may pangangailangang ipagtanggol ang kalayaan mula sa mababagsik na mananakop ang konseptong ito ng pelikula. Nabubuklod ang bayan ng mga Pilipinong nagtutulung-tulong upang iwaksi ang kapangyarihan ng mga Amerikano at ng mga Hapones sa pamamagitan ng pakikidigma sa kanila bago at samantalang nananalasa sa kapuluan ang bagsik ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ginawa ito ng nagkakaisang lipunan bilang mapagpalayang tugon ng bayan laban sa kolonyal na kamalayang ipinagpipilitan ng mga dayuhan.
Dumating ang mga Hapones sa nayon ng San Nicolas habang ramdam pa ng Pilipinas ang impluwensiya ng mga Amerikano pati ang dulot nilang kapitalismo. Ito ang ipinakikipaglaban ng pamilya ni Edilberto (Raymart Santiago) at ng iba pang mga Pilipinong naniniwalang dapat na makawala ang bayan mula sa nakapagpapahikahos na kapitalistang Amerikanong kalaban nila sa kanilang sakahan dahil mas pinakikinggan nito ang mga pangangailangan ng mga nagmamay-ari ng lupa laban sa mga pangangailangan ng mas nakakaraming magsasaka. Sa pagdating nga ng mga Hapones, nadagdagan ang mga kalaban ng bayan at naging doble ang kakailanganing puwersa ng bayan upang makuha nito ang kasarinlan. Mistula mang lumalalim ang pagkabaliw ng bayan para isalba ang kanyang sarili gaya ng grumabeng kapansanan sa isip ng taong-grasa ng nayon, hindi ito tuluyang nasindak sa katampalasanan ng mga mananakop.
Katuwang ang batang asawang si Inya/Binya (Judy Ann Santos), naging gerilya si Edilberto at iba pang kanayon at pinupuksa nila ang mga Hapones sa tulong ng pag-eespiya ng binabaeng kaibigang si Ignacio/Inya (Dennis Trillo) na naging kasintahan ni Ichiro (Jay Manalo), lider ng puwersang Hapones na nakaistasyon sa San Nicolas. Samantalang pinalalabas ng mga nagdatingang Hapones na sila ay kaibigan at pinapag-isa lamang nila ang mga Asyano sa bisa ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere, dagdag pa ang pagdidiin ng Pilipinang tagasalin ng mga Hapones (Angelu de Leon) na ang mga Amerikano ay nagpapanggap lang na manunubos, hindi isang mahina at ‘di-sibilisadong kolonya lamang ang turing ng bayan sa kanyang sarili. Kailangan ng bayan ng pagsasarili, kaya matindi ang pakikipaghamok ng mga gerilya laban sa mga dayuhan upang hubaran ang maskara ng pagmamagandang-loob ng mga mananakop.
Bilang pangunahing tauhan sa kuwento, napilitang maging espiya ng gerilyang kilusan si Ignacio/Inya nang mabighani niya ng kanyang mala-babaeng ganda si Ichiro. Nagagamit ang mga impormasyong nakukuha ng nagpapanggap na Inya mula sa kasintahang Hapones para mabuweltahan ng mga gerilya ang mga dayuhan. Kahit na noong mapamahal na sa kanya si Ichiro dahil natanggap ng huli ang nadiskubreng tunay na kasarian ng una at kahit na pinaparatangan na siya ng kanyang lipunan ng pagtataksil sa bayan, nagsumikap pa rin si Ignacio/Inya na itaguyod ang kapakanan ng bayang lumaya sa patuloy na pagtulong at pagprotekta sa kanyang matalik na kaibigang Inya/Binya. Patunay ng konseptong malayang bayan ang nasa isip ng binabaeng Inya ayon sa ginawa niyang pagtulong sa mga gerilya upang mapatay paunti-unti ang mga Hapones sa kanilang nayon at sikilin ang makasariling kamalayang ipinagduduldulan ng mga dayuhan. Sa ganito, ipinagtatanggol niya sa kanyang sariling gawi ang kalayaan ng bayang may sariling kakanyahan.
Ipinakita naman ni Inya/Binya ang konseptong malayang bayan nang ipagpatuloy niya ang naiwang pakikibaka laban sa dayuhan ng kanyang nasirang asawa. Bago pa man siya naging Kumander Berto, nagbigay na siya ng makabayang suporta sa kanyang asawa kahit pa naging mas masidhi pa ang pagmamahal ng lalaki sa bayan kaysa kanya. Nangamatay na ang mga ipinagbuntis ni Inya/Binya dahil sa lupit ng digmaan at naging kakumpetensiya na nito ang kilusan sa atensyon ng kanyang asawa ngunit hindi ito naging balakid upang kumuha rin siya ng armas pagkaraang mabiyuda at ipakita ang pagkamakabayan. Nang magpasiya siyang sumapi sa kilusang gerilya bunsod ng lalong pagkakaintindi sa prinsipyo ni Edilberto, naging malinaw sa kanya na kailangang malipol ang mga Hapones sa kanilang nayon upang makapagsarili ang bayan. Tugma ang kanyang konsepto ng bayan sa konsepto ni Ignacio/Inya dahil dapat mawala sa landas ang mga dayuhan para makapag-isa ang bayan.
Pinakamatindi ang konseptong bayan bilang malayang lipunan kay Edilberto, na nakuha ang kanyang pagkamakabayan sa kanyang amang nag-aalsa laban sa mga imperyalistikong Amerikano, at sa katagalan, laban sa malulupit na Hapones. Nang pagpapatayin ng mga Hapones ang pamilya ni Edilberto dahil sa pagrerebelde ng ama nito, lalong nag-umapaw ang paghahangad ni Edilberto na talunin ang mga Hapones para makalaya ang bayan. Ginamit niya ang tulong ng lihim niyang mangingibig na si Ignacio/Inya para makalikom ng impormasyon mula sa mga sinusubukang Hapones para matambangan ng grupo nila ang tropa ng mga ito at sa proseso ay buuin ang kanilang kahulugan ng bayan bilang lipunang hindi kailangan ang dayuhang impluwensiya para magkaroon ito ng pagkakakilanlan. Sukat maipagpalit niya ang sariwang buhay-may-asawa para ipakipaglaban ang bayan, nagawa ni Edilberto dahil sagabal sa kasarinlan ng kanyang pamilya at lipunan ang presensya ng mga kaaway. Gaya ng kina Ignacio/Inya at Inya/Binya, konseptong bayan ni Edilberto ang nakapag-iisang lipunan na malaya mula sa paniniil ng mga mananakop.
Sa pangkalahatan, matingkad ang konseptong bayan sa pelikulang AISHITE IMASU (MAHAL KITA): 1941 sa pamamagitan ng mga tauhang bumubuo ng lipunang may hangaring ipagtanggol ang kalayaan mula sa mga dayuhan. Malinaw na sa pananakop ng mga Amerikano, dala nila ang kamalayang kailangan nila tayong tulungang magbangon ng bansa kahit pa hindi natin hinihingi ang tulong nila. Hindi mahirap isiping may hinihinging kapalit ang mga Amerikano kaya sila nagkakapital ng tulong. Sa puntong ito, makatarungan ngang magbuo ng konseptong bayan dahil kaya naman nitong magbuo ng kanyang pagkakakilanlan na walang hinihinging tulong kaninuman. May sarili namang kultura ang bayan kahit noon pa mang hindi pa ito nasasakop at hindi nito kinailangang manghiram ng kulturang Amerikano upang magkapangalan. Ipinaglaban nila ito sa pamamagitan ng pag-aalsa laban sa kapitalistang Amerikano at hindi pag-asa sa mga dayuhang ito noong panahong nagsisikap labanang mag-isa ng kilusang gerilya ang pagkubkob ng tropang Hapones.
Ganito rin ang kalagayang katatagpuan sa bayan nang dumating ang mga Hapones upang sa maskara ng nagkakaisang Asyano ay palitawin ng Hapon na nakaaangat siyang kultura kumpara sa karatig niyang bansa. Sa pagkakataong ito, hindi nagpabaya ang lipunang buuin ang kanyang konseptong bayan na may kalayaang lumikha ng sarili niyang pagkakakilanlan kahit pa sa mabalasik na pamamaraan ipinilit itanim ng mga Hapones ang kamalayan ng atin umanong pangangailangan sa kanila para magkaroon ng kultura. Sa kabila ng mga kamatayan sa kanilang panig, hindi nawalan ng tapang ang mga gerilyang Pilipino upang patuloy na makihamok laban sa mga Hapones na nagpahirap, nanggahasa, nang-abuso at nagpakaagresibo sa “kapatid” niyang Pilipino. Pinagsikapan ng lipunan na ipagtanggol ang kanyang kasarinlan at ito nga ay natupad nang sa wakas, makapag-isa na ang bayan pagkaraan ng Ikalawang Malaking Digmaan at pagkaraang ibigay ng mga Amerikano ang hinihinging kalayaan. Sa mga panahon ng pananakop higit sa anumang oras, lumilinaw ang konseptong bayan dahil sa nasyonalistikong hangaring maging malaya at ipagtanggol ang naisasapanganib na kalayaan bunsod ng panghihimasok ng mga bansang ibig wasakin ang kultura ng lipunan pabor sa paghubog ng prototype ng kanilang sariling kultura. Hindi hahayaan ng bayan ang imperyalistikong motibong ito ng mga mananakop sapagkat may kaangkinan namang matatawag ang lipunan, at kailangan nito ng kalayaan para lalong yumabong ang kaangkinang ito kaya ganoon na lamang katindi ang pagkilos upang ipagtanggol ang kalayaang ito sa anumang paraan. Nakita ito sa mga tauhang sina Ignacio/Inya, Edilberto, Inya/Binya sampu ng kanilang mga kanayong nagkaisa para pahinain ang mga puwersang kolonyal. Isang testamento ang AISHITE IMASU (MAHAL KITA): 1941 ng matingkad na konseptong bayan na ang bansang marapat na makapag-isa ay ipagtatangol ang kalayaan ng mga bumubuong mamamayan sa kanya.
No comments:
Post a Comment