the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Sunday, June 18, 2006

paano nagmemeron ang isang ina?


Nang magkahiwalay ng landas bilang mag-asawa ang mga magulang ko noong mura pa ang aking isip, inako ng ina ko ang responsibilidad bilang ama at ina para sa aming magkapatid. Siya ang tumustos ng matrikula namin sa eklusibong pambabaeng paaralan, isang bagay na ipinag-aalala kong hindi niya lubusang magagampanan dahil mahal ang mga bayarin sa eskuwelahang iyon at makakapili naman siyang palipatin kami sa isang eskuwelahang mas mura ang matrikula. Naatang din sa mga balikat niya ang mga gastos sa bahay mula pagkain, bayad sa kuryente at tubig hanggang maliiit naming pampamilyang pangangailangan. Ni hindi miminsang napagalitan kami ng aking kapatid kung nagtatagal na nakabukas ang ilaw matapos mag-aral ng leksiyon dahil ayon nga sa aking ina, “Wala akong maraming pera para bayaran ang kuryente!” Sa tulong na rin ng mga magulang ng aking ina at sa sarili niyang pagsisikap, hindi kami tuluyang pinulot sa kangkungan. Nanggagalaiti naman ako sa aking ama dahil kung hindi niya pinagtaksilan ang aking ina sa pamamagitan ng pambababae kaliwa’t kanan, hindi sana umabot sa miserableng kalagayan ang pamilya namin. Umiiyak ako sa galit nang maraming gabi noong bata pa ako kapag naiiisip kung ano ang kahihinatnan naming pulos mga babae, kung may kakainin ba kinabukasan, kung may pang-aral pa sa darating na panahon, kung sasaya pa uli kami. Mabuti na lang din at hindi kami lubusang naghikahos habang sinusubukang tiisin ang hirap ng pagbuo ng pamilyang iisa ang haligi—tanging ina ko lamang.
Subalit sa kanyang sarili, nakikita ko sa aking ina na mulat siya sa kanyang esensya bilang magulang, kaya nagsumikap din siyang itaguyod kami kahit walang katuwang sa buhay. Wala man kaming amang kasama sa pamilya, ina ko ang nagpameron sa aking ama—siya mismo ang nagbigay-kahulugan ng pagiging haligi ng tahanan bukod sa pagiging ilaw nito. Mga pinagdaanan niyang hirap bilang magulang ang patunay ko na lubusan ang pagmemeron ng aking ina upang mahigitan ang hangganang iginuhit ng ama kong lumayas sa aming pamilya. Nakita ko sa kasipagan at pagmamahal ng aking ina ang katunayan ng kabutihan ng kanyang pagiging magulang sa akin at sa aking kapatid.
Marahil, marami ang magsasabi na panlipunang gawain ng magulang ang ginagawa ng aking ina, ngunit marami rin ang magsasabi, kabilang na ako, na natural sa ina ang itaguyod ang pamilya meron mang amang makakasama o wala. Tao ang aking ina na may likas na pagkahilig sa paggawa ng mabuti para sa kanyang pamilya kaya nga nais niyang manatiling buhay na ina para sa amin sa pamamagitan ng pag-aaruga sa amin kahit anong hirap. Kaming mga anak niya ay higit pa sa kapwang dapat niyang alagaan bilang tugon sa udyok ng kalikasan. Sagot marahil ng Diyos sa mga tanong niya sa katotohanan ng pagka-ina ang pag-iwan ng ama ko sa kanya para mapatunayan niya sa kanyang sarili na sa pamumuhay sa lipunan ng tao, heto siya at maaaring maging parehong magulang kahit nag-iisa. Kung iisipin ko, batas-eternal ang sinusunod ng aking ina sa pagmemeron niya bilang nagsasakripisyong magulang, kung paanong nagsasakripisyo ang Diyos sa ating mga anak Niya.
Makataong pagkilos ang ginagawa ng aking ina sa pagsunod niya sa katwiran at kalooban niya sa pagtayong magulang sa amin, hindi gaya ng ibang nilalang gaya ng ilang hayop na makapanganak lang, iiwan na ang mga supling para bahala sa kanilang sariling mabuhay sa mundong malupit at puno ng mga masasama. Pinili niya ito nang may malayang kalooban, kaming mga anak bilang obhetong pinagtutuunan niya ng kilos-ina. Bawat pagkakataong makikita ko ang aking inang subsob sa trabaho para may maipantustos sa mga pangangailangang pampamilya, napapatunayan kong bukal sa aking ina ang piliing magpakamagulang kaysa hayaang piliin ito ng kapalaran para sa kanya, sabihin mang nangyari ito bunsod ng pag-iwan sa pamilya ng aking ama. Diyos ang inspirasyon niya para magpakamagulang, kaya nagsusumikap magpakabuti bilang ina ang aking ina sa abot ng kanyang magagampanan. Niloob niyang magpakamagulang, kaya bawat pag-asikaso sa aming magkapatid, bawat pagbigay ng aming kailangan, bawat hakbang ng pagpanatiling buo ng tahanan, lahat ay pagpapagalaw ng aking ina sa kanyang sarili sa kalooban niyang maging magulang na may mga anak na nag-uudyok sa kanyang pagka-ina.
Sabi ng modernong pilosopong si Kahlil Gibran, hindi pag-aari ng mga magulang ang mga anak dahil dumadaan lamang ang mga huli sa mga una. Hangganan man ng aking ina ang pag-ari sa amin bilang mga anak, buong-loob niyang ipinaari sa aming magkapatid ang pagkamagulang niya. Higit pa sa pagsunod sa batas ng lipunan ng tao ang ginagawang pag-aruga sa amin ng aking ina kundi ng pangkalahatang ley natural. Pagka-ina ang prinsipyong nagbigay ng direksyon sa kanya bilang magulang namin, at nauunawaan kong sa walang pag-aalinlangan at walang pilitang pagpili niyang magmeron bilang ina, ito ang nagdudulot ng kaligayahan sa kanya.

No comments:

Post a Comment