ang masakit kong ulo'y
nililindol na mundong
napipinto ang paggunaw.
payo ni dok:
"nang maibsan ang kirot,
ibaling ang pansin
sa ibang kaabalahan."
mag-origami tayo
gamit ang makukulay
na papel de hapon.
ganito ang pagtiklop ng isang ibon:
sintulis ng kutsilyo ang kanyang tuka,
hawakan sa buntot nang kumampay
ang nakatuping mga pakpak.
heto naman ang hugis ng isang pugita:
balintuwad na piramide ang kanyang ulo,
mga galamay ay nangatingkayad sa dulo.
mula sa balwarte mong malayo,
sakyan mo ang eroplano o bangkang papel
at halika rito sa tabi ko;
sa bisa ng origami'y
payapain natin ang mundo.
No comments:
Post a Comment