the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Sunday, June 08, 2008

rebolusyon at reporma


Sa nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal, matatagpuan sa kabanatang “Tinig ng mga Pinag-uusig” sina Ibarra at Elias na may diskusyon tungkol sa repormang panggobyernong mahigpit na kailangan ng bansa, samantalang ang dalawa ay nagsasagwan sa gitna ng lawa. Si Elias na pumapanig sa mga inaapi ng mga prayle at guardia sibil ay nagpatulong kay Ibarra na magpanukala sa pamahalaang Espanya ng paglilimita sa kapangyarihan ng mga mapang-usig upang mabawasan ang biktima ng kawalang-katarungang panlipunan. Kahit naman dakila ang hangaring ito ni Elias para umayos ang pamumuhay ng mga Pilipino, halos patanggi ang tugon ni Ibarra sa pagpapatulong na ito ni Elias dahil ayon kay Ibarra, ang mga prayle at mga guardia sibil ay “masamang kailangan,” samakatuwid ay salik sila upang ang mga mamamayan mismo ang lumikha ng pagbabago sa kanilang bansa.
Ang kaibahan sa paniniwala nina Elias at Ibarra ukol sa reporma sa sistemang pampamahalaan ng Pilipinas ay dulot ng lawak ng pagtitimpi ng dalawang tauhang nabanggit. Si Ibarra, na mas malawak ang pasensya sa dalawa, ay nakikitang may ipagtitiis pa ang mga mamamayan kaya puwede pang manatili sa ilalim ng Espanya ang kolonya bilang isang probinsya. Si Elias, na mas maiksi ang pagtitimpi sa pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan, ay gustong matigil na ang paghihirap sa pamamagitan ng paglaya mula sa pagiging kolonya.
Bagama’t matagal na tayong nakakalaya sa mapang-usig na kalagayang kolonyal, nananatili tayong nakalubog sa sistema ng kahirapan gaya ng malawakang korupsyon. Sa pagitan ng magkaibang paniniwala ni Elias at Ibarra, sa palagay ko ay dapat masugpo na ang kahirapang ito sa pinakamabilis na paraan. Mahigit isang daang taon na tayong nasa sariling pamamahala at hindi lubusang natatanggal ang mga katiwalian na siyang bagong taga-usig ng mga Pilipino. Para sa akin, mas magiging mabisa ang paglimita o tuluyang pagkitil sa kapangyarihan ng mga tiwaling tao, sinuman sila, kung nasa kamay ng bayan ang kapangyarihan—samakatuwid, nasa demokrasya. Ang panukalang rebolusyon ni Elias, ayon sa pagkakaintindi ko sa kabanata, ang totoong magsusulong ng reporma sa Pilipinas dahil sa isang malawakan at mapuwersang pagkilos ng mga Pilipino ay mapapalaya natin ang ating mga sarili at makapagpapaugat ng panibagong sistemang panlipunan.

3 comments: