Bagay ba ang pilosopiya ni Plato sa kasalukuyang lipunang Pilipino? Maraming pagkakapareho at pagkakaiba ang kanyang paniniwala at ang konteksto ng lipunan kung saan tayo nabubuhay. Sa paraan ng pagpili ng pinuno ayon kay Plato, likas na talino ng anumang kasarian ang dapat sanayin sa pag-aaral at paglilingkod sa estado upang maging bahagi ng “guardian class.” Sa Pilipinas, hindi kinakailangang napakatalino o nakatanggap ng diploma; sa katunayan, may ilang naihahalal dahil sikat o kamag-anak ng pulitiko, kahit pa walang kasanayang pang-edukasyon o lingkod-bayan. Dahil sa pagkakaibang ito, nabubulok ang katayuang pulitikal ng ating bansa kumpara sa demokrasya noong kapanahunan ni Plato. Sa isang banda, may pagkakahawig ang dalawa sa paghatag ng gulang para sa mga lider dahil sa paniniwalang nahahasa ang pamumuno sa pagtanda ang tao, kaya may pangsalba—edad—ang pagpili natin ng lider.
Sa ugnayan ng tao at estado, magkatugma ang prinsipyo ni Plato at ang kaligirang pampulitikal ng Pilipinas na kung ano ang mamamayan, ganoon din ang estado. Ang kaisahan ng dalawa sa puntong ang tao—binubuo ng kanyang mga hangarin, damdamin at isipan—ang magdidikta sa kahihinatnan ng kayang bansa ay kagila-gilalas, gayong magkaiba ang konstruksyon ng hangarin, damdamin, at isipan noon, kung kailan mas nakakiling sila sa kumbensyon o tradisyon at ngayon, kung kailan nakakiling tayo sa modernismo at pagbabago.
Sa ideyal na estado, may pagkakapareho rin ang pilosopiya ni Plato at ang kontekstong pulitikal ng lipunang Pilipino. Ang klasikong kaisipang ang mga grupo ng mamamayan ay gagawin ang nakatakda sa kanila para sa kabuuan ng lipunan ay makikita pa rin ngayon dahil sa kaisipang kolektibong dulot naman ng ideyolohiyang moderno. Ang mga grupong ito—ang mga manggagawa na siyang pupuno sa mga pangangailangan ng estado, at ang mga militar at mga pinuno na siyang nagdidirekta at nagkokontrol sa mga manggagawa—na kaaaniban ng bawat mamamayan upang makasama sa kolektibo ng institusyong pulitikal ay hindi tama dahil nawawala ang indibidwalismo o pansariling pakakakilanlan.
Sa pananaw ukol sa demokrasya, hindi bagay sa lipunang Pilipino ang mapang-insultong kaisipan ni Plato na itapon ang indibidwalismo at demokrasya para paboran ang pagkapailalim ng mamamayan sa estado. Kahit pa sabihing namamayani ang kamalayang kolektibo sa Pilipinas bilang pagkilala sa institusyon bilang “mas mataas” kaysa mamamayan, mas mabuting manggaling sa indibidwal ang kapangyarihan upang maging mas katanggap-tanggap para sa kanya ang kahihinatnan ng kanyang bayan kaysa estado ang magdikta ng kanyang kapalaran at sa proseso, isa lang siyang asong sunud-sunuran sa bawat sabihin ng among militar at pinuno.
Sa katarungan sa estado, pareho ang prinsipyo ni Plato at ang lipunang pulitikal ng Pilipinas kaya maituturing na bagay ang klasikong kaisipan sa konteksto ng lipunang Pilipino. Ang pagtugma ng uring manggagawa, militar at pinuno sa kabuuang pampisikal, pang-ispiritwal at pangkaisipan ng tao, ayon sa pagkakasunud-sunod, ay pagpapakita ng estado bilang institusyong kaugnay ng mga mamamayang bumubuo rito. Mahirap nga lamang sa tugmang sitwasyong ito ang panganib na sa umiiral na hirarkiya ng lipunan, hindi mabibigyang katarungan ang indibidwalismo bagkus ay katarungang kolektibo lamang. Kung gayon, ang katarungan sa estado ay totalitaryan at hindi demokratiko—hindi kinakailangang akmang-akma sa lipunang Pilipino.
No comments:
Post a Comment