the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Wednesday, October 03, 2007

batas militar, sining at ang panlipunang panata



Sa pulong na pinamagatang “Shooting Disquiet and Rage: Transgression in Philippine Cinema after the First Quarter Storm,” tinalakay ang mga pagganyak at karanasan ng naunang henerasyon ng mga artistang nagpasimuno ng radikalisasyon sa pelikula noong Batas Militar ng diktaduryang Marcos. Ginawa ito sa gitna ng kalagayan at patutunguhan ng kasalukuyang mga direktor ng tinatawag na mga pelikulang indie (dinaglat na independent) habang nanalasa ang iba’t ibang isyung pulitikal at sosyal sa rehimen ni Gloria Arroyo. Sa isang banda, ang disin sana ay paglalabas ng serye ng mga anunsyo hinggil sa karapatang pantao ng mga bagong-dugong direktor ay nagkaroon ng aberya dahil sa pagkaka-X ng mga anunsyong itinuturing na hindi makatarungan sa bahagi ng pamahalaan dahil pinapalabas na wala umanong tiwala rito.
Tunay ngang inuulit-ulit lamang ng kasaysayan ang kanyang sarili, sapagkat sa panggagagad ng kasalukuyang rehimen sa diktadurya ni Marcos, niyuyurakan na naman ang karapatang pantao ng maraming mamamayang Pilipino. Sa pagdami ng mga umaayaw sa pagmamalabis ng pamahalaan sa larangan ng pangungurakot, ng kawalang-kakayanang puksain ang kahirapan at ng pagdusta sa demokrasya, nauulit-ulit na naman ang penomenon ng mga desaperacidos. Bukod sa mga dinudukot na mga aktibistang ito, marami ang tinatakot, pinapahirapan o kaya ay pinapatay para mawalan ng tinik sa landas ang pamahalaan. Ngunit totoo sa kanilang panlipunang panatang maging budhi ng bayan, inuulit-ulit din ng mga artista ang kanilang pag-alsa upang pangunahan ang bayan sa pagtuligsa sa mga pagyurak sa karapatang pantao. Ginagamit ng mga artista ang kanilang pelikula, panitikan, at iba pang midyum ng sining upang salaminin ang mga nangyayari sa lipunan, sa pag-asang imulat sa tamang pagkilos ang bayan. Sa pagkakabalam nga ng pagpapalabas ng serye ng mga anunsyong pinamagatang “Rights,” hindi lamang ito ang na-X bagkus ay pati na ang dinustang karapatan ng mga mamamayang dinukot, pinatay, pinahirapan at inabuso ng mga galamay ng kinakalabang rehimen. Gayunpaman, hindi ito isang pagkagapi sa bahagi ng mga tagasuporta ng karapatang pantao at panlipunang katarungan dahil paulit-ulit mang magmalabis ang nasa kapangyarihan, paulit-ulit ding babangon ang bayan upang ipagtanggol ang kanyang sariling kalayaan.
Kaya nga tugmang ipinalabas kasunod ng pulong ang pelikulang Sakada ni Behn Cervantes dahil sinasalamin ng pelikula ang mga pagmamalabis ng kontekstong pinagmulan nito: ang panahon ng Batas Militar. Sa pelikula, inihayag ang mga pang-aabuso at kawalang-katarungang ginagawa ng mga panginoong maylupa kasabwat ang mga militar sa pagkitil sa pag-aalsa para sa mas mataas na pasahod at mas mabuting trato ng mga sakada o manggagawa sa hasyenda ng mga tubuhan. Habang patuloy na yumayaman ang panginoong maylupa, nababaon sa utang ang mga mangagawang siyang instrumento niya para magkamal ng pera. Kung may magtangkang kumalaban sa pamamagitan ng pagbabangon ng unyon, pinapatay at binabayaran ang pamilya upang manahimik. Dahil walang nagtagumpay na propaganda sa pelikula sa pagkamatay ng aktibistang anak ng hasyendero, sa pagkaulila ng aktibistang nangamatay ang pamilya sa kaguluhan sa tubuhan, sa pagkalunod sa putik ng pagpuputa ng dalaga sa pamilya ng sakada at sa kawalan ng magagawa ng paring Heswita, ipinaparating sa mga manonood ang pagkaparalisa ng pag-asang magkaroon ng pagbabago. Kung gayon, ano pa ba ang magagawa ng bayan kundi siya mismong kumilos para tapusin ang adhika ng mga aping makahulagpos sa kahungkagan ng opresibong buhay sa ilalim ng pyudal at, bilang ekstensyon, ng diktaduryang kalagayan? Hindi lamang ito nararapat sa panahon ni Marcos bagkus ay sa kasalukuyang panahon din kung kailan napapabayaan ang uring manggagawa habang yumayaman ang mga kapitalista.
Sa Museo ng Batas Militar sa Bantayog ng mga Bayani, ipinakita ng mga memorabiliang inipon at iniilak mismo ng mga aktibista ang isang lingon sa kahindik-hindik na panahon ng Batas Militar, ng pag-aalsa ng mga tao at, kalaunan, ng tagumpay ng rebolusyon. Kapanabayan ng mga larawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang mga larawan ng mga masaker, mga binabaril na mga nag-aalsa at iba pang porma ng pagpapahirap. May sipi rin ng diyaryong hindi na naisapubliko pa dahil kinumpiska na ng militar ang mga kopya at kinandaduhan ang imprenta. May mga kalatas din si Fr. Jerry Aquino at mga libro ng tula sina Jose Lacaba at Rogelio Mangahas, na pare-parehong ikinulong dahil sa pagtuligsa sa rehimeng Marcos.
Sa paghandog ng museo para sa kabataan, naipapakita ang Batas Militar at nakapagtuturo ng aral kahit pa malabo ang alaala sa represibong panahong ito. Bakit hindi, kung nakikini-kinita ng mga kabataan ngayon ang napipintong pagbabalik ng Batas Militar? Mahalagang malaman kung paano maliligtasan ang Batas Militar at kung paano hindi mapayagang mangyari uli ito. Sa pagkakita ng kalunus-lunos na mga pangyayari noong diktaduryang Marcos, hindi basta hahayaan ng mga kabataan ngayon na basta na lang maideklara muli ang Batas Militar nang hindi man lang lumalaban. Maraming naapektuhang mamamayan para kumilos at maraming naganyak na mga artista upang salaminin ito sa kanilang sining. Sa mukha ng mala-diktaduryang gobyerno ni Gloria Arroyo, tagpuan ang museo ng iisang pag-aalsa, ng natutunang aral, ng pagkilala sa lumilikha ng pagsupil at ng paraan para makapagtaguyod ng mas mabuting buhay.



Sa pangkalahatan, panahon ng tagsalat sa sining ang panahon ng Batas Militar. Bakit hindi, kung ang intelihensiyang burgis na kalimitang kinabibilangan ng mga artista ay nalilimitahan ang mapagpipiliang mabuhay sa pamamagitan ng pagsisilbi sa nag-iisang institusyong nag-aalok ng trabaho, ang pamahalaan? Dahil sa terorismo ng Batas Militar, halos patayin ang kultura dahil hindi maaaring isapubliko ang mga produktong lantrang tinutuligsa si Marcos. Mapanganib ikalat sa madla ang mga kuwento, tula, awit at iba pang akdang makasining ng maraming makakaliwang pambansang samahan pangkultura dahil maaaring damputin ng mga pulis at militar. Kinailangang mag-“underground” ang produksyong pangkultura upang maisapubliko ang mga balita at komentaryo hinggil sa pagyurak sa karapatang pantao ng Batas Militar. Hindi naman singdaling magpakita ng dula sa mga lungsod hindi tulad sa lalawigan na malayo sa abot ng militar at ng mga pulis. Samantala, propaganda naman ng Bagong Lipunan ang mga malikhaing pagsulat, dulaang palabas, pelikula at komiks na nagtatampok sa mga adhikain ng Bagong Lipunan. May mga pintor at iskultor na ginagawang imortal ang imahe ng mga Marcos sa kanilang mga sining. May mga epikong isinulat para ipagbunyi ang mag-asawa. May mga sining ding maganda sa labas upang palitawin sa buong mundo na ang Bagong Lipunan ay isang nakangiting Batas Militar. Sa isa pa ring banda, mayroon namang tinatawag na propaganda laban sa Batas Militar. Sa pagsilang ng welga sa La Tondeña na siyang unang pagkakataong may tumuligsa sa diktadurya, lumitaw muli ang kultura ng paghihimagsik. Mula rito, mas malakas ang loob at mas kritikal sa mga krimen ng rehimen ang mga sining at kulturang tumutuligsa sa diktadurya. Sa mga ito, pinakaepektibo at pinakamatapang ang teatro. Sa pagka-ban ng pelikulang Sakada, makikita ang naidulot na epekto nito sa tinamaang diktadurya. Karamihan ng mga produksyon, mula sa mga produksyon sa University of the Philippines-Diliman at Philippine Educational Theater Association.
Pinakadirektang kritikal at pinakamakulit ang larangan ng panitikan sa kilusang anti-Marcos. May mga tula at awiting sumisigaw ng “Marcos, Hitler, Diktador, Tuta.” Kumalat sa panahon ng Batas Militar ang maraming kanta at tulang nag-aalsa sa diktadurya ni Marcos, mula sa hanay ng mga magsasaka hanggang sa mga estudyanteng nawalan na ng pag-asang magkakaroon pa ng katuparan ang isang mas mabuting lipunang malaya at demokratiko. Sa isang banda, nailathala naman ni Lualhati Bautista ang isang subersibong nobela hinggil sa Batas Militar, ang Dekada ’70. Kuwento ito ng isang babaeng namulat sa pagkadiskubre ng kanyang kapangyarihan bilang babae at nagtanda sa pagiging maybahay at ina nang sa panahon ng Batas Militar ay kinailangan niyang pakitunguhan ang patriyarkal na asawa at pagtugon ng limang anak sa kalagayang pulitikal at panlipunan ng panahon.
Para sa napiling sipi, produkto ng Batas Militar ng Diktaduryang Marcos ang “Generations” ni Nitochka Rosca, isang batambatang aktibista mula sa UP-Diliman noong dekada ‘70. Kuwento ng isang pamilya sa nayon sa panahon ng Batas Militar ang pinaghuhugutan ng “Generations.” Nagsimula at nagtapos ang panimula at panghuling talata ng kuwento sa pagbulung-bulong ng lolo, tila pahiwatig ng kawalan ng saysay ng buhay nila bilang pamilya. Nabubuhay sila sa pakikisama sa isang panginoong maylupa, kaya nga sa kawalang-pag-asa ng padre de pamilya na makaahon mula sa pagkaalipin sa lupa, naglalasing na lang ito pagkatapos magtrabaho sa bukid. Minsang umuwi itong lango sa alak, inistorbo niya ang pagtulog ng pamilya at nanapak na lang at sukat. Asawa niya ang nakatanggap ng suntok kaya ang dalagitang anak niya ay nanlaban ngunit naibalya rin ito ng ama. Nang mapagtanto ng ama na pamilya niya ang napagdiskitahan, lumayas ito at nawala sa karimlan ng gabi. Inutusan naman ng ina ang anak na dalagita at ang sumunod ditong batang lalaki para sundan ang ama bago madampot ng mga militar na nagpapatupad ng curfew sa kanayunan. Sumunod ang dalawa ngunit huli na ang lahat: sa isang checkpoint, nakita nilang hinuli na ang ama para dalhin sa presinto. May naisip na paraan ang dalagita kaya pinauwi na niya ang kapatid.
Pagdating sa presinto, nakiusap ang dalagita na pakawalan ang ama ngunit humingi ng kapalit ang mga militar: ipapaubaya niya ang mura niyang katawan kapalit ng kalayaan ng ama. Nagtagumpay ang dalagita sa balak niya: ang sulitin ang kanyang ganda. Praktikal lamang siya sapagkat ibig niyang hindi militar ang makapatay sa ama kundi siya mismo. Nang mapalaya niya ang ama at tila may pahiwatig na gusto rin siyang gamitin nito, hinambalos niya ng kahoy ang ulo nito hanggang mapatay. Ito ang dulot ng represibong panahon ng diktadurya ni Marcos: ang kahirapang nagpapabrutal sa magkakapwa-tao. Dahil sa walang ibang maipampiyansa sa ama, katawan ang naialay ng dalagita sa mga ‘di-makataong sundalo. Naisip tuloy ng dalagita na siya ang may karapatang pumatay sa ama dahil sa pangyayari. Nangyayari ang mga ganitong karahasan dahil sa pang-aabuso ng kapangyarihan: ama sa pamilya, mga sundalo sa mga sibilyan, panginoong maylupa sa sakada, diktador sa kanyang nasasakupan. Bilang pagtugon, brutalisasyon ng tao sa kapwa ang ginagawa kung para lamang makalaya. Nauugnay ito sa Kastila at Amerikanong kolonyalismo sa pamamagitan ng lolong naging kasapi ng Katipunan noong kanyang kabataan. Tumugon ang lolo sa kanyang pambansang tungkuling palayain at ipagtanggol ang bansa sa mananakop. Nauugnay naman ito sa diktaduryang Marcos sa pamamagitan ng paglaban ng dalagita sa patriyarka ng ama at pagsakripisyo ng sarili sa mga sundalo. Ganito ang mamamayang may adhika sa bansa: hamunin ang nasa kapangyarihan at magsakripisyo kung kinakailangan. Nauugnay naman ito sa kasalukuyang panahon ng Human Security Law sa pamamagitan ng presensya ng militarisasyon hindi lamang sa kanayunan kundi pati na rin sa kalunsuran. Sa alinmang tagpuan, may makikitang pamilyang tulad ng sa kuwento: mga henerasyon ng api na pilit nilalabanan ang sistema ng opresyon sa iba’t ibang panahon upang sa wakas ay makalaya ngunit lagi pa ring bigo. Tulad ng sa Sakada, hindi ito ginawang propaganda upang sa pagkaduhagi ng mga tauhan, makaugnay ang mga mambabasang gaya ko para sikaping huwag mangyari ang kaapihang nangyari sa kuwento at kumilos bago pa man gawin ng nasa kapangyarihan ang pang-aabuso sa mga mahihina at api. Nauugnay ito sa akin sapagkat lahat ng panahon ay may potensyal na maging panahon ng karahasan. Dapat na mag-ingat, maging mapagmatyag at magbantay upang hindi maetsa-puwera ang panlipunang katarungan.
Ang panahon ng Batas Militar ay halimbawa ng panahon ng karanasang dapat tumugon ang mga alagad ng sining bilang konsensya ng kanilang lipunan. Sa pagkakatuklas natin ng pamamaraan ng pananakot sa diktadurya ni Marcos, may alam na tayo kung paano lalabanan naman ang napipintong diktadurya ni Gloria. Hindi dapat siya hayaang magpatuloy sa pagdungis sa pantaong mga karapatan.

4 comments:

  1. Anonymous4:01 AM

    ang galing nman ng gmwa nito. ^^ hehe. nyc one.

    ReplyDelete
  2. Anonymous4:04 AM

    galing mu men:) buti nlan sinilang ka! hehe. kundi bka uala ako assignment sa filipino..:)

    ReplyDelete
  3. This is a brilliant blog! I'm very happy with the comments!.. Militar

    ReplyDelete
  4. I suppose that is one of the most widespread hint for me. And im satisfied studying your article. however ought to observation upon some fashionable matters, The web web page fashion is unadulterated, the articles is really all-powerful : D. appropriate process, cheers poder naval brasileiro

    ReplyDelete