Pinanghahawakan ni Samuel Beckett ang kaisipang hungkag at ilohikal ang relihiyon. Ipinakita niya ang pananaw na ito sa dulang Waiting for Godot. Ginamit niya ang mga tauhan sa dula upang ilarawan ang maparunggit at eksistensyal na pagtinigin sa relihiyon. Ginamit ni Becket si Godot bilang isang mapaghiganting manliligtas kina Estragon at Vladimir. Gaya ng isang taong naparusahang magdusa sa impyerno dahil sa pagtataksil sa Diyos, nakaranas ng parusa sina Estragon at Vladimir dahil sa pagtataksil kay Godot. Sa usapan nila, maparurusahan sila kung ilalaglag si Godot. Sa kabaliktaran, maaaring makatanggap ng biyaya sa langit sa pagsunod sa Diyos kaya nga makatatanggap ng pabuya sina Estragon at Vladimir sa pagsunod nila kay Godot. Dagdag pa rito, inaalipusta ni Becket ang kilos ng tao sa kawalan ng Diyos sa pamamagitan ng mga kilos nina Estragon at Vladimir sa kawalan ni Godot. Makikita ito sa pagkukumpisal ni Estragon na nalulumbay siya matapos yugyugin ni Estragon ang batang mensahero upang palitawin ang katotohanan. Kinakatawan ng batang mensahero ang mga naliliwanagan. Gumagawa ng malinaw na pagtatambis si Becket sa pagitan ng bata at ng mga disipulo ng Diyos. Inilalarawan ng bata ang isang propetang isinugo mismo ni Godot para ipaalam kay Vladimir, o sa kaparian, kung paano pangungunahan si Estragon, o ang mga deboto ng simbahan. Ipinadala ni Godot ang bata upang ipaalam na hindi makararating ngayong gabi si Godot kundi bukas. Kinakatawan din ng bata ang nag-iisang taong nakakakita o nakakaugnay kay Godot. Kaya nga nang malaman nina Vladimir na nagtatrabaho ang bata para kay Godot, ipinagbilin ng mga ito na nakita niya sila. Ginamit naman ni Becket sina Lucky at Pozzo upang ipakita ang kahinaan ng tao na makita ang sariling kabulastugan. Naiisip nina Estragon at Vladimir na abnormal ang kilos ni Pozzo, smaantalang ang pagtrato nito kay Lucky bilang ‘di-makatao. Hindi naman nila makita sa kakaibang pares na ito ang kanilang sarili o ang pagbabalewala sa kanila ni Godot. Gaya na lamang nang gisingin ni Pozzo si Lucky para pagsilbihan ng maisusuot. Kung papaanong nakaantabay si Lucky para kay Pozzo, nakaantabay din sina Estragon at Vladimir para kay Godot. Ginamit ni Becket si Vladimir bilang paring namumuno kay Estragon na kumakatawan ng naliligaw na tupa. Hindi naliligaw sa pananampalataya si Vladimir kay Godot. Siya ang buhay na paalaala na darating si Godot. Kahit gusto nang umalis ni Estragon, nanatili sila ni Vladimir dahil hinihintay nila si Godot. Dahil sinasagisag ng batang mensahero ang isang banal na sugo, nakikipag-ugnay lamang siya sa paring si Vladimir. Naniniwala si Vladimir na ayos na ang lahat bukas at nang tanungin ni Estragon kung paano nito nahinuha, sinabi ni Vladimir na ayon ito sa sinabi ng bata. Sa pagkatanggap ng magandang balita, gawain ng pari na ipaalam ang mensaheng ito sa mga nananampalatayang tao. Dito mapatutunayan na may mapagduda at eksistensyal na pananaw si Becket sa relihiyon sa pagpapakitag mga taong may tunggak at impraktikal na paniniwala sa relihiyon. Eksistensyal ito sapagkat may paniniwalang walang-saysay ang buhay at walang kahulugan ang tao.
Mararamdaman ang presensya ni Godot dahil totoo at naroroon siya sa knyang kawalan. Makikita sa Bibliya ang basikong dramatikong sitwasyon sa Godot: “Mabuti na umaasa at tahimik na naghihintay ang isang tao sa pagliligtas ng Panginoon.” Samantala, sa Romans naman makikita ang saysay ng kawalan: “Sapagkat maililigtas tayo ng pag-asa, ngunit ang pag-asang hindi nakikita ay hindi pa-asa, dahil anuman ang nakikita ng tao, bakit hindi pa rin umaasa? Ngunit kung umaasa tayo sa hindi nakikita, dito tayo nagtitiyagang maghintay.” Ang paghihirap ng mga tauhan ay ispiritwal at pisikal. Sinabi sa Bibliya na “matiyaga akong naghihintay sa Panginoon; natawag ko ang Kanyang pansin at napakinggan ang aking mga hikbi. Hinila Niya ako mula sa bangin at putik at iniapak sa isang bato upang masigurado ang aking paghakbang.” Natupad ang propesiyang ito sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng batong si Simon Pedro, ang pundasyon ng Simbahang Kristiyano at ang una sa linya ng mga apostoles. Pinarunggitan ni Beckett ang imaheng ito sa pamamagitan ng pagtalakay ni Lucky sa naglahong gawain ng dalawang bato. Ang ginagawang pundasyong inaasahan ng mundo ay naging kahungkagan na lamang.
Dahil sa eksistensyalismong ito, nagiging mahirap na tanong ang saysay ng buhay. Mahirap hanapin ang kasagutan sapagkat hindi alam kung saan magsisimula ng paghahanap ng tanong o kung sino ang tatanungin. Ang pagpapakatao ay tila ba inihatag na lang ng kung anong hindi malirip na puwersa. Tila walang malinaw na kahulugan ngunit nagdurusa ang tao dahil dito. Magulo ang mundo kaya nga sinusubok ng tao na maintindihan ang kahulugan nito sa pamamagitan ng mga balangkas at napag-isipang aysay upang gumaan ang pakiramdam sa kalagayang hindi tuluyang mauunawaan ang pagpapakatao. Sa dula, nahuli ang ganitong pakiramdam at pananaw sa mundo kaya nga makikita sa mga tauhan ang mga arketipong sumasagisag sa pagkatao. Ayon sa dula, nakadepende ang buhay ng tao sa pagkakataon kaya nga tila walang saysay ang panahon. Samakatuwid, wala ring saysay ang buhay ng tao kaya sa pagkaintinding ito ng sitwasyon ng tao, nagtitiwala sa mga panlabas na puwersa totoo man o hindi upang magkaroon ng kaayusan at direksyon.
Sa pagkakataon nakasalalay ang pagpapakatao ayon sa dula. Kung gayon, pagkakataon ang humuhugis sa buhay ng tao. Makikita ito sa pagbanggit ni Vladimir ng parabula ngf dalawang magnanakaw sa Bibliya. Isa sa mga magnanakaw ang nailigtas at makatwirang porsyento na ito. Mahalag ang kaisipan ng porsyento dahil kinakatawan nito kung paano hinuhulma ang tadhana ng tao; puwedeng mangyari ang anuman kaya may porsyentong maaaring maisalba ang tao o hindi. Nagpatuloy si Vladimir sa pamamagitan ng iba-ibang bersiyon ng Bibliya hinggil sa dalawang magnanakaw. Ipinapamalas ni Beckett ang mahalagang punto sa halimbawang ito kung paanong nahahabi sa pinakasagradong teksto ang pinakamakatotohanang patungkol sa pagpapakatao. Lahat ng disipulo ni Kristo ay naroroon noong Kanyang pagkakapako st nakasaksi sa dalawang magnanakaw na kasabay mapako ni Kristo na maaaring maisalba I hindi depende sa pagtrato la sa Kanya sa mga huling oras. Sa apat, dadalawa lamang ang nag-ulat g may kakaibang pangyayari sa mga magnanakaw. Sa dalawang nag-ulat, isa lamang ang nagsabing isa ang nailgitas samantalang isa naman ang nagsabing nailigtas ang dalawa. Samakatuwid, naglalaro sa 100% hanggang 50% hanggang 25% pagkakataon ang pagkaligtas. Ang lahat ng ito ay sumasagisag kung paanong pagkakataon ang salik na humuhugis sa pagpapakatao, at ginamit ni Beckett ang Bibliya upang patunayan ito dahil ito ang teksto na pinanaligan ng kahulugan ng sangkatauhan sa loob ng maraming milenyo. Kahit ang Bibliya ay nagpapaliit ng buhay ng tao sa pagkakataon. Sa kahit anong araw, may ilang porsyentong pagkakataon na may isang taong maililigtas o mapapahamak, at walang kapangyarihan ang tao upang impluwensiyahan ang desisyon. Ang tadhana ng mga magnanakaw, naligtas ang isa habang napahamak ang isa pa ayon sa apat na kuwentong pinaniniwalaan ng marami, ay nagiging simbolo ng kalagayan ng tao sa isang mahirap maintindihan at pabagu-bagong mundo.
Kung umiiral ang Diyos, nakadaragdag siya sa kalagayang ito sa pananahimik niya. Sa pagpayag na magpatuloy ang pabagu-bagong sistemang ito, nagiging kasapakat siya. Sa pagbabagu-bagong ito at sa paggalaw ng sansinukob ayon sa salik ng porsyento, maaari ngang magamit ang mga ito para sa kapakinabangan ng iba pati na paniniwala sa Diyos dahil kung hindi Siya umiiral, walang makikialam ngunit kung umiiral Siya, walang mapapahamak. Ganito rin ang kaisipan ni Vladimir: na isa itong makatwirang porsyento. Lamang, ang pananahimik ng Diyos sa lahat ng ito ang nagiging sanhi ng totoong kawalang-pag-asa kaya nga trahedya ang Waiting for Godot sa kabila ng mga nakatatawang kilos ng mga tauhan:ang tahimik na pakiusap sa Diyos para sa kahulugan, para sa mga kasagutan, na siyang sagisag ng pakiusap ng sangkatauhan, at ang pananahimik ng Diyos bilang tugon. Maaaring hindi umiiral ang Diyos, o wala Siyang pakialam. Anuman ang kaso, pagkakataon ang humuhugis sa buhay ng tao sa kawalan ng pakikialam ng Diyos.
Walang malinaw na makahulugang balangkas ang mundo ng dula, na sagisag ng kaguluhan na siyang dominanteng puwersa sa mundo. Walang maayos na pagkakasunud-sunod ang mga pangyayari. Ang isang punong kalbo sa isang araw ay may palumpon na ng mga dahon sa ibang araw. Pababalik-balik ang mg tauhan sa eksaktong lugar araw-araw upang hintayin si Godot. Hindi nila maalaala kung ano ang eksaktong nangyari noong nagdaang gabi. Bigla ang paglatag ng gabi at hindi dumarating si Godot. Nakadepende sa pagkakataon ang panahong iniiralan ng dula, kaya nga pati pagpapakatao ay depende sa pagkakataon.
Walang saysay ang panahon dahil sa direktang bunga ng pagkakataon na siyang pangunahing salik ng pagpapakatao. Kaya nga, may paulit-ulit ngunit paiba-ibangtakbo ng pangyayari sa dula. Pabalik-balik sina Vladimir at Estragon sa parehong lugar araw-araw upang hintayin si Godot at nararanasan ang parehong mga pangyayari nang may kaunting pagkakaiba kada araw. Hindi malinaw kung gaano katagal na nila itong ginagawa sa nakalipas na panahon, o kung hanggang kailan nila ipagpapatuloy ito, ngunit dahil walang saysay ang oras sa dula, masasabing walang saysay ang nakaraan, ang kasalukuyan at ang hinaharap. Nakaaapekto ito sa pagpapakatao ng mga tauhan sina Pozzo at Lucky sa Act I at Act II. Dahil depende sa pagkakatang oras kaya walang saysay, nababalewala ang pagpapakatao, na siyang makikita sa paglalakbay ni Pozzo sa merkado upang ibenta si Lucky, ang kanyang alipin. Malusog si Pozzo, at tila walang mali sa kanya. Nakaaaliw na alipin sa umpisa si Lucky, ngunit naging nakakairita kay Pzzo kaya gusto na niyang idispatsa ito. Sa ganitong kalagayan sila sa unang pagkakatagpo kina Vladimir ar Estragon. Sa sumunod na araw, nabago na ang lahat: bulag na si Pozzo, at pipi naman si Lucky. Walang natatandaang anuman si Pozzo sa nagdaang pagtatagpo, at sinasabing datin nang pipi si Lucky kahit noong nagdaang araw ay nagbigay ito ng mahabang pilosopikal na diskurso nang utusang mag-isip. Nang tanungin kung kailan pa siya nabulag, sumagot itong nagising na lamang siya na singbulag na ng kapalaran. Dahil hindi naniniwala si Vladimir, nangulit ito para sa mas malalim na detalye. Nagwala na si Pozzo habang nagsasabing hindi siya dapat tanungin dahil walang kaisipan sa oras ang mga bulag dahil nakatago sa kanila ang mga bagay ng panahon. Sinasagisag ng kalagayan ni Pozzo ang epekto ng oras sa mga tao. Ang kawalang-saysay ng mundo base sa pagkakataon ang nagpapababa ng pagpapakatao ng tao sa antas na wala nang saysay at maaring paglaruan ng tadhana. Ginamit ni Beckett angf ganitong kalagayan ni Pozzo at Luckyt upang ipakitang walang saysayang pagpapakatao yang wala ring saysay ang panahon.
Pilit pa ring nagpapakatao ang mga tao sa kabila ng kanilang kalagayan. Sa buong dula, patuloy na mukhang tangang nagpapakasaya sina Vladimir at Estragon, at inaaliw nila ang kanilang sarili sa pananalasa ng mga walang kuwentang gawain. Inaaliw nila ang kanilang sarili mula sa walang katapusang paghihintay sa pamamagitan ng pagbabangay sa mga walang kawawaang bagay, pagtulog, pakikipag-usap kina Pozzo at Lucky, at pati na pagpapakamatay. Ang lahat ng ito ay para subuking magbulag-bulagan sa katotohanang naghihintay sila sa malabong tauhang hindi na talaga darating. Hindi nila ibig mapagtantong walang saysay ang buhay. Ang mga pagsubok na ito para maaliw ay mga pagsubok na mag-ubos ng oras, upang ilapit sila sa oras ng pagdating ni Godot upang masolusyunan ang kanilang mga suliranin. Suntok sa buwan ang pagnanais na ito, ngunit ito na lamang ang kanilang maasahan, kahit na hungkag ang kanilang pagkilos. Ang tanging alternatibo rito ay kamatayan, na pinag-isipan ng dalawa ngunit walang sapat na lakas ng loob at simulain upang isakatuparan. Sa wakas, ang tanging naiwang magagawa ng mga tao ay manatili sa walang kuwentang pagkilos o mamatay na lamang.
Upag magkaroon ng balangkas at saysay ang kanilang mundo, kailangang umasa ng mga tao sa mga panlabas n puwersa para gumaan ang pakiramdam sa kanilang suliranin. Sa pagpapakataong ito nauugnay ang puwersa ng relihiyon na panlunas ng tao sa kahungkagan ng buhay nilang maaaring magbunsod sa kanilang magpakamatay, pumatay, o basta na lang gumawa ng mga dehumanisadong bagay. Ito ang tanging bagay na nagtutulak sa kanilang magpatuloy. Kaya nga, sa dula, simbolo si Godot ng panlabas na puwersa, na tila tahimik at walang pakialam. Kahit pa, balangkas pa rin si Godot, at binibigyan niya ng saysay ang buhay ng mga desperadong tauhan. Sa paglalagay ng kaayusan sa gitna ng kaguluhan, nakakukuha sina Vladimir at Estragon ng atas ng kasaysayan. Sa Act II, pinag-iisipan ni Vladimir kung tutulungan si Pozzo o hindi. Pinag-iisipan niya kung ano ang ginagawa nila roon. At masuwerte silang alam nila ang sagot. Sa gitna ng gulong kinalulubugan ila, may isang malinaw na bagay: na hinihintay nila ang pagdatingt ni Godot. Ang ilusyon ng kaligtasan—samakatuwid, relihiyon—ang kailangan nila upang makaraos sa kahungkagan ng buhay, upang manatiling nagpapakatao sa gitna ng tuksong abandonahin ang pagpapakatao. Ilusyon lamang si Godot, ngunit ang katotohanang walang silbi ang panahon, walang silbi ang buhay, kinakailangan ng mga tao na umimbento o maniwala sa mga ilusyong Godot dahil ikamamatay ng kanilang pagkatao ang tuluyang pagkalubog sa desperasyon. Ang ilusyong ito ang siyang kumakatawan ng kaligtasan na walang iba kundi relihiyon.
Hindi malinaw kung totoo o hindi si Godot, kaya nga komportableng tawagin siya bilang halimbawa ng panlabas at malabong puwersa. Sa Act I at Act II, nagkamali at angsuspetsa sina Vladimir at Estragon na si Pozzo at Godot ay iisa. Wala ni isa sa kanila ang nakakita kay Godot, at hindi nila ito maihihiwalay sa kahit sinumang tao sa paligid. Tanging ang batang mensahero ang kaugnayan nila kay Godot, ang dumarating sa katapusan ng araw upang ipaalam sa kanilang hindi darating si Godot ngayon di bukas. Hindi naaalaala ng bata ang araw na nagdaan sa kinabukasan, isang patunay ng kawalan ng saysay ng panahon. Sa dulo ng Act II, ang pilosopikong si Vladimir ang nakatanto ng bahagi ng katotohananh habambuhay silang maghihintay kay Godot, na isa lamang siyang panggulo sa inutil nilang buhay at mahuhulaan niya ang muling pagdating ng bata upang sabihin ang lahat ng sasabihin ng mensahero ni Godot. Sa puntong ito binalot ng malaking depresyon si Vladimir sa pagkaalam ng katotohanan. Napatunayan niyang nakabilanggo siya, na kailangan niyang manatiling mananampalataya ng ilusyon, at wala siyang ibang pagpipilian. Kaya nga sa ganito humahantong ang lahat ng pagpapakatao: ang magpatuloy sa kabila ng ilusyon. Walang punto ngunit ito lamang ang tanging pagpipilian.
Ipinakita ng Waiting for Godot na magkaugnay ang relihiyon at pagpapakatao base sa katotohanang nakasalig sa pagkakataon ang buong mundo. Sa mundong nakabase sa pagkakataon, walang kaayusan ang oras, kaya walang silbi ang panahon. Kung gayon, wala ring saysay ang buhay ng tao. Sa reyalisasyong ito, pagpapakatao ang lumikha ng kaaliwan at ilusyon upang makabuo ng balangkas mula sa panlabas na puwersa na siyang maglalaan ng saysay at kahulugang hindi matatagpuan sa buhay ng tao.