Dalawang araw makaraan ang Pasko, nanood ako ng "Zsa Zsa Zaturnnah Zee Moveeh" na idinirehe ni Joel Lamangan at pinagbibidahan nina Zsa Zsa Padilla bilang mala-Darnang superheroine na si Zsa Zsa Zaturnnah, Rustom Padilla bilang baklang si Ada na alter-ego ng superheroine, at Pops Fernandez bilang Ingleserang Queen Femina Stellabaroux mula sa ibang daigdig. Tipikal ang banghay ng pelikula sa mga kauri nitong kuwentong Pinoy superhero: isang api-apihang tao ang makakadiskubre ng kanyang kapangyarihan at gagamitin niya ito upang ipagtanggol ang marami laban sa lupon ng kasamaan. Sa "Zsa Zsa," mapapasakamay ng binabaeng si Ada ang isang agimat na nagmula sa kalawakan at sa tulong nito, magbabagong-anyo siya upang maging tunay na babaeng superhero at ipagtatanggol ang kanyang maliit na bayan laban sa isang dambuhalang palaka, sa mga binuhay na bangkay at panghuli, sa isang grupo ng mga fashionistang babaeng dayuhang siyang dahilan ng naunang dalawang sumalakay sa bayan ni Ada.
Paghahalintulad at pagtatambis ang pangunahing dahilan kung bakit ko pinanood ang pelikula. Gusto kong makita ang pagkakahawig at kaibahan nito sa aklat na siyang pinagbasehan ng direktor ng kanyang pelikula: ang grapikong nobela ng dibuhistang si Carlo Vergara na "Ang Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Zsa Zsa Zaturnnah." Gusto ko ring maikumpara ito sa teatrong halaw pa rin sa librong nagkamit ng National Book Award.
Ilan sa masasabi ko hinggil sa pelikula ang mga sumusunod: maraming elementong postmoderno rito. Halimbawa, may konsepto ng queer dito, dahil sa bakla ang bidang alter-ego at campy ang pagiging mala-bakla rin ng superheroine. Isa pang halimbawa ang konsepto ng simulacrum, dahil nga kopya si Zsa Zsa Zaturnnah ng konseptong Darna, ang pinakapopular na Pinoy superheroine. Napansin ko rin ang konseptong non-linear, dahil napuputol ang pagtutuluy-tuloy ng banghay kapag sumisingit ang choreographed na sayawan at kantahan pati na flashback sa buhay ni Ada noong “dalaginding” pa siya at inilulublob ng ama sa dram ng tubig para gawing tunay na lalaki. Sangkap rin sa pelikula ang pemenismo dahil bukod sa pagiging fashionista ng mga dayuhan, layunin din nilang durugin ang machismo sa daigdig matapos magtagumpay sa sarili nilang planeta. Hindi rin mapapalampas ang kulturang popular dahil binudburan ng pantasya ang kuwento upang makapagbagong-anyo ang bida, makalipad ang mga dayuhan, magkaroon ng zombies, at iba pa.
Nakaaaliw man ang pelikula, hindi ito singganda ng theater adaptation nito at milya-milya pa rin ang agwat sa ganda ng libro kaysa sa pelikulang halaw dito.
No comments:
Post a Comment