Sa The Death of Ivan Ilyich, ipinakita ni Leo Tolstoy ang isang lalaking winaldas ang kanyang buhay at walang kakayanang bigyang imahinasyon ang sariling kamatayan. Malinaw sa tekstong ito na ang paraan kung paano pinaiiral ang buhay ng tao ay mahalaga kung magkakaroon man ng pag-asang mabuhay sa dako pa roon. Makikita rin ditto kung paanong ang hindi iilan sa mga tao ay artipisyal lamang ang pamumuhay sa mundo.
Sa teksto, kamamatay-matay lamang ni Ivan Ilyich. Ilang tao ang magtipon upang makilamay: ang mga hukom, ang mga miyembro ng pamilya at mga kakilala. Lamang, hindi maintindihan ng mga taong ito ang kamatayan, dahil hindi sila naniniwala na mamamatay din sila. Napupuri nila ang Diyos na hindi sila ang mga namamatay, at nagsimula na silang isipin kung paanong magagamit nila sa kanilang bentahe ang kamatayan ni Ivan Ilyich sa usaping pera o posisyon.
Tatlumpung taon bago mamatay si Ivan Ilyich, makikitang nasa rurok siya ng buhay. Namumuhay siyang pinag-aaralan ang kawalang saysay. Nag-aral siya ng batas at nagging hukom. Samantala, buum-buo niyang pinurga ang kanyang sarili sa mga pansariling damdamin. Ginawa niya ang kanyang trabaho nang walang init at obhetibo. Naging istriktong tagadisiplina at ama-amahan siya gaya ng inaasahan sa kanya sa lipunang Ruso.
Minsang nagpapalamuti siya ng bahay na nabili niya sa pagkakuha ng bahay sa lungsod, nalaglag siya at nasaktan ang tagiliran. Hindi pa man niya alam nang mga panahong iyon, ngunit ang sugat na ito ang magbibigay sa kanya ng sakit na magpapadali ng kanyang buhay. Naging mainitin ang kanyang ulo at mapait ang tingin sa buhay—ayaw niyang tanggapin ang kanyang nalalapit na kamatayan. Sa mga huling sandali ng kayang pagkakasakit, may katulong siyang nagbabantay sa kanya na naging kaibigan at kasabihan niya ng loob.
Hindi mapipigilan ang kamatayan: ito ang ibig ipahiwatig ng teksto. Sa pagkakalapit ng kanyang kamatayan, nag-uunahan ang mga kasamahan niya para makakuha ng promosyon. Ni sa buhay o kamatayan, tila walang naging mabungang impresyon si Ivan Ilyich. Sa pagpapakta ng naunang bahagi ng buhay ni Ivan Ilyich, ipinakitang buhay na walang saysay, hungkag at hindi masiglang ispiritwal ang nagging buhay ni Ivan Ilyich. Dangan nga lamang, sa gitna ng seryosong pagkakasakit, nagging panghuling pagkilos ni Ivan Ilyich ang kilalanin ang sarilio niyang mortalidad at yakapin ang nalalapit na kamatayan.
Sa huling bahagi pa ng buhay ni Ivan Ilyich nagkawing ang mga ideyang “kamatayan” at “kalayaan.” Sa pagyakap niya sa kamatayan, doon lamang siya nagkaroon ng malalim na pag-unawa at pagtanggap sa kamatayan bilang isang posibilidad na hindi dapat katakutan dahil hindi naman maiiwasan ayon kay Martin Heidegger. Sa esensya, doon lamang masasabing lumaya si Ivan Ilyich samantalang hindi pa nararanasan ito ng kanyang mga kasama palibhasa ay wala silang malay sa kamatayan bilang pansariling karanasan.
Sa pamimilosopiya ni Heidegger, umiiral ang tao sa mundo sapagkat sa mundo umiiral ang kanyang kakayahang-maging ano kaya nga palagi siyang nakatanaw sa kanyang pagka-maaari. Lahat tayo, piliin man natin o hindi, ay palaging gumagalaw sa ating mga posibilidad ng pag-iral. Subalit ang katotohanan ay nagkakaroon lamang tayo ng di-maubos-ubos na pagka-maaari kung tayo ay may buhay pa. Patunay lamang na marami ang ating mga posibilidad at mayroon palaging alternatibong maaaring piliin. Sa kaso ni Ivan Ilyich, ang pamumuhay niya bilang hukom ang paggasta niya ng kanyang buhay habang hindi pa siya namamatay. Marami siyang mapagpipilian dahil nasa ruruok pa siya ng kanyang buhay tatlumpung taon bago siya nagkasakit.
Kapag wala nang buhay ang tao, nawawalan din tayo ng kakayahang umiiral, at sa puntong ito humihinto ang ating kalagayang may hindi maubos-ubos na posibilidad. Tapos na ang lahat para sa atin. Sapagkat habang buhay ang tao kulang siya sa kalahatan at kabuuan, at sa kamatayan natatapos ang pagkukulang na ito. Sa kamatayan nakakamit ng tao ang kanyang ultimong kabuuan. Naramdaman ito ni Ivan Ilyich nang maging dahilan ng pagkakasakit niya ang kanyang pagkalaglag. Naging posibilidad na rin para sa kanya ang kamatayan dahil ito na lamang ang hindi dumaratal sa kanya na siyang magbibigay-pruweba kung makukumpleto ba niya o hindi ang kanyang buhay.
Kaya marapat lamang kay Ivan Ilyich bilang tao ang magpakatao sa harap ng katotohanang ito bilang isang “umiiral-patungo-sa-kamatayan,” ayon sa mga salita ni Heidegger. Kailangan niya—nating—harapin ang buhay at ang ating kamatayan sa isang tunay na paraan. Naramdaman ito ni Ivan Ilyich nang maratay na siya sa higaan. Ang ating pag-aantabay sa posibilidad ng ating kamatayan ang tunay na pag-iral tungo sa kamatayan. Ang pagkakabahala, ang paggigipit sa atin ng sarili nating karanasan sa buhay ang nagdadala sa ating sa bungad ng pag-aantabay. Kailangan nating tanggapin na atin ang sarili nating kamatayan at walang ibang maaaring gumanap nito para sa atin, hindi ito maiiwasan kailanman, at ang ating kamatayan ay maaaring maganap sa kahit anong oras, kahit ngayon. Naging hindi man malaya si Ivan Ilyich sa mga panahong hindi pa dumarapo sa kanya ang kaisipan ng kamatayan, lumaya siya nang dumapo na ang posibilidad na maaari siyang mamatay dahil hindi niya ito maiiwasan.
Kaya ang nararapat sa atin bilang mga taong tunay na umiiral-patungo-sa-kamatayan ay gayahin si Ivan Ilyich: kabisaduhin natin ang ating sarili, ang ating sariling kinalalagyan, ang ating sariling buhay. Tayo mismo ang dapat mag-antabay. Tayo lamang ang mga nilalang na may kakayahang maunawaan ang natatanging kahulugan ng ating mga posibilidad. Tayo lamang ang may kakayahang pumili ng mga nararapat nating gawin at pumili sa mga posibilidad na nailalahad sa atin ng sarili nating buhay. Sa pagtalab ng katotohanan ng kamatayan sa atin, nakikita natin ang totoong posibilidad na buuin natin ang ating sarili, bumubukas sa atin ang tunay nating mga posibilidad, at nakakayanan nating pagpilian ang mga posibilidad na ito ayon sa tunay nating inaasam sa buhay. Tulad sana ni Ivan Ilyich, lumaya sana tayo sa kamatayan.