(note: here's a paper i turned in a couple of years ago)
Alam ba ninyong maraming online website na nagbibigay-payo sa mga taong nagbabalak magpatiwakal? Ganito ang kaso sa Hapon, kung saan nauuso ang sabay-sabay na pagpapakamatay ng mga tin-edyer. Hindi kataka-taka, sa mga chat room ng nabanggit na mga site nagkatagpu-tagpo ang mga taong kasangkot sa grupu-grupong pagpapatiwakal.
Isang “akto ng biglaan, intensyonal at hiniling na pagsira ng sarili [the act of deliberate, intentional and wished-for self-destruction“(Fairbaim, 7) ang pagpapatiwakal. Ibinubunyag ng mga datos pang-estadistika na lumobo nitong huling mga taon ang pagpapakamatay sa mga kabataang Filipino (Hicap). Kung walang karampatang aksyon hinggil sa nakaaalarmang pagtaas ng bahagdan ng pagpapatiwakal ng mga kabataan sa Pilipinas, matutulad ang bansa sa Hapon, kung saan mahigit 34,000 katao ang namamatay taun-taon dahil sa pagpapatiwakal.
Isang palasak nang kaalaman na kabataan ang humuhubog sa hinaharap ng isang bansa. Nagiging pangulo sila, puno ng mga kumpanya, senador, abogado at marami pang iba. Gayunpaman, kung mangawawala ang kabataang Filipino dahil sa pagpapatiwakal, wala nang kinabukasan ang bansa lalo pa at bumubuo sila ng malaking bahagdan ng lakas-paggawa sa Pilipinas. Walang kikitain at hindi makararaos ang pamahalaang mas marami ang retiradong mamamayan kaysa mga uring manggagawa.
Isinasaad ng Simbahang Katoliko at halos lahat ng pananampalataya na isang mortal na kasalanan ang pagpapatiwakal dahil tinatanggal ang buhay na bigay ng Diyos nang mas maaga sa Kanyang oras at plano. Sa moral na aspeto, bawal ang pagpapakamatay sa lipunang Pilipino. Sinasalamin nito ang pagkabulok ng moralidad dahil isa itong kasalanang pinagdesisyunan at isinaalang-alang na isakatuparan. Kung maipaalam ang pambansang kamalayan hinggil sa kasagsagan ng pagpapatiwakal at kung gaano ito nagdudulot ng pagkapuksa ng lipunan, maaasahang bababa nang matulin ang bilang ng mga kaso ng pagpapakamatay. Maraming kabataang Filipino ang maiisip na inutil ang pagpapatiwakal at totoong maraming mas mabuting pamamaraan upang solusyunan ang mga suliranin kaysa basta na lang magpakamatay.
Marami ang hindi nakapapansin na nagiging dambuhalang problema ng Pilipinas ang pagpapakamatay. Dahil dito, layunin ng papel na ito na patindihin ang at lumikha ng kamalayan ang lahat ng sektor gaya ng pamahalaan, ang akademya, maging ang midya ng lipunang Pilipino. Sa pamamagitan ng pagpapaalam sa iba’t-ibang sektor, maraming tao ang maisasabuhay na natatalo na ang digmaan laban sa pagpapatiwakal at panahon na upang gumawa ng paraan para mapagaan ang sitwasyon. Maisasakatuparan lamang ang pagresolba sa pagpapakamatay sa pagsasama-sama para bumuo ng malawakang kamalayan. Maaabot ang mga layuning ito sa pamamagitan ng malawakan at masusing pananaliksik sa estadistika, mga artikulo, sarbey at panayam tungkol sa pagpapatiwakal.
Ang Pag-usbong ng Pangkabataang Pagpapakamatay
Ipinapakita ng mga pag-aaral ng Philippine Mental Health Examination na mataas ang panganib ng pagpapakamatay sa mga lalaki at babaeng nasa kalagitnaan ng gulang 45 hanggang 50 at 50 hanggang 55. Gayunpaman, lumilikha na ng matinding alon sa niyayanig na bansa ang pagpapakamatay ng mga binatilyo at dalagita. Ayon sa mga bagong estadistika, tumataas ang bahagdan ng mga kabataang nagpapakamatay partikular ang mga nasa edad 15 hanggang 24 dahil sa mga panahong ito, nakararanas sila ng todong pagkalito at nakararamdam ng asulto ng maraming salik (Jara-Puyod).
Inilalarawan ng mga mananaliksik ang mga kabataang Filipino sa kasalukuyang napakabilis na panahon na “namumuhay sa bingit ng kawalang-pakialam…namumuhay sa pinatinding kapaligiran dulot ng mga impluwensiya sa paligid [living on the edge with carefree attitudes… living in hyped up environment brought about by environmental influences]” (Hicap, 9). Samantala, kaugnay ng maraming suliranin, kagustuhan at pakikipagtunggali ang pamumuhay na ito upang magtagumpay at maging mahusay dulot ng malaking pag-asa sa kanila at mabigat na responsibilidad na nakaatang sa kanilang balikat. Maraming kabataang hindi nakauungos sa ganito ang nag-aabuso ng droga at tinitignan ang pagpapatiwakal bilang tanging lunas sa kanilang mga dalahin.
Sa Estados Unidos, ikatlo ang pagpapatiwakal sa mga nangungunang dahilan ng kamatayan ng mga kabataan sa pagitan ng 15 hanggang 24 taon. Ibinabadya ng estadistikang ito na mas maraming tin-edyer at kabataang namamatay sa pamamagitan ng pagpapatiwakal kaysa sa sama-samang sakit sa puso, kanser, AIDS, depekto sa kapanganakan, atake at sakit sa baga (Laparan). Sa Hapon, lumalalang problemang panlipunan ang pagpapatiwakal ayon sa kumpirmasyong nakalap ng National Police Academy (NPA). Noong 2003, lumobo ng 57.6 porsiyento ang bahagdan ng mga nagpakamatay na mag-aaral sa elementarya at middle school samantalang 225 estudyante sa hayskul ang nagpatiwakal. May pagtaas din ang bilang ng mga estudyante sa kolehiyo na pinapatay ang kanilang mga sarili. Tumaas ang kabuuang bahagdan ng mga nagpatiwakal sa mga edad 19 pababa haggang 22 porsiyento noong 2003 (Curtin). Hindi malayong maugnay sa Estados Unidos at Hapon, umaakyat sa nakababagabag na bahagdan ang kabataang pagpapatiwakal gaya ng nauuso.
Ayon kay Leah Valbuena, guro sa Sikolohiya sa Pamantasan ng Pilipinas-Manila at kasalukuyang nagbibigay ng payo sa mga nagbabalak magpakamatay, nangangahulugan ng “agresyon para sa sarili [the aggression directed towards the self]” at “para sa pagkawasak ng sarili [for self-destruction]” ang pagpapatiwakal (Laparan). Kahit walang matibay na paliwanag bakit sumusubok magpakamatay ang mga tin-edyer at kabataan, may kabuuang pagsang-ayon na “nakararamdam ng kawalang-pag-asa sa kanilang sitwasyon ang mga kabataang nagpapakamatay at naniniwalang hindi ito nagbabago [youth who take their own lives feel hopeless about their situation and believe it will never change]“ (Hicap, 9).
Samantala, ipinakikita ng mga pag-aaral na maraming salik na nagtatalaban sa bayolohikal, emosyonal, intelektuwal at sosyal na pag-unlad ng mga kabataan ang nagtutulak para sila magpakamatay. Ayon sa National Institute for Mental Health, pahiwatig ng mga salik na ito na ang mga kabataang gustong magpakamatay ay mayroong mababasang kaguluhang nauugnay sa isip o sa droga, at mayorya ang mayroong higit sa isang kaguluhan. Mahalagang maunawaan ang mga sintomas ng ganitong kaguluhan at mabasa itong maigi para magamot agad ang mga nagbabalak magpatiwakal.
Isa sa mga sanhing ito ang sakit sa isip. Ipinakikita ng estadistika sa Pilipinas na:
Siyamnapung porsiyento ng mga biktima ng kabataang pagpapakamatay ang may isang madaling-basahin at aktibong sakit-pangkaisipan sa panahon ng kamatayan—kalimitang depresyon, pag-abuso sa droga o kaguluhan sa pag-aasal. 15 porsiyento lamang ng mga biktima ng pagpapatiwakal ang ginagamot bago mamatay. Sa pagitan ng 26 at 33 porsiyento ng mga kabataan ang dati nang sumubok magpakamatay (Cuenca 1).
Depresyon ang nangungunang salik sa maraming pagpapatiwakal ng mga kabataan at pagsubok na pagpapatiwakal. Ito rin ang isa sa pinakamahirap matagpuan dahil maaaring tila dumadaan lang ang biktima sa isang bahagi ng pagkagalit. Sa kabilang banda, kung ang bahaging ito ay lumagpas sa isang linggo at iba pang senyales ng depresyon ang lumilitaw gaya ng pagbabago sa ganang kumain, pagtulog, pagkilus-kilos, pagkamailap at pag-iisip ng kamatayan o parusa, dapat itong seryosohin (Cuenca). Kahit maraming iba pang salik na nagdaragdag sa depresyon ng mga kabataang Filipino, kalimitang bunga ito ng kawalang-balanseng kemikal, sakit-pampisikal, pisikal na pagkagupo, pagbaba ng pagkatuto, mga pagbabagong kemikal sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga at pagkagumon sa gamot (Hicap).
Isa pang salik ng pagpapakamatay ang pag-abuso sa alak at droga. Ang mga problemang nauugnay sa salik na ito ang nagbubuyo sa mga tin-edyer para maisipan o mag-astang magpakamatay dahil nakapagdudulot ng depresyon ang alak at droga, at nagpapababa ng inhibisyon para saktan ang sarili. Makapagdudulot ng seryosong depresyon ang maling paggamit sa mga bagay na ito, lalo na sa mga tin-edyer na napapahamak sa depresyon bunga ng kanilang bayolohiya, kasaysayang pampamilya, o iba pang nakapagbibigay-problema sa buhay (HealthyPlace). Bukod sa kanilang epektong depresyon, nakapagpapabago ng paghatol ang droga at alak. Nakahahambalang sila sa kakayanang lumirip ng panganib, bumuo ng wastong desisyon, o umisip ng solusyon sa suliranin. Maraming nangyayaring pagtatangkang pagpapakamatay kung nasa impluwensiya ng alak o droga ang isang tin-edyer.
Isa pang salik sa pagdetermina ng panganib ng pagpapatiwakal ang suliraning pangkaasalan. Malimit, maraming tao ang nag-aakalang tahimik, maramdamin at mailap ang mga mapagtangkang magpakamatay. Samantalang maipaliliwanag ang paghihinuhang ito, maraming kabataan ang kabaligtaran ang ipinapakita; maaaring makulit sila at mapang-asar. Sa puntong sikolohikal, matatarok ang kaguluhan sa pag-aasal sa:
Paulit-ulit o makulit na gawi ng pag-aasal kung saan ang mga basikong karapatan ng iba o nararapat na paggalang sa nakatatanda ay nasisira, na makikita sa presensya ng tatlo (o higit pang) basehan sa nakaraang 12 buwan, at isang basehan ang makikita sa nakaraang 6 na buwan: pagkagalit sa mga tao o hayop, paninira ng kasangkapan, panloloko o pagnanakaw at ilan pang seryosong pananabotahe ng mga alituntunin (HealthyPlace).
Mataas ang panganib sa pagpapatiwakal sa mga kabataang may
problema sa pag-aasal dahil sa kanilang suliranin sa agresyon at mas malamang na manakit ng ibang tin-edyer kaysa manakit ng kanilang sarili kung nalulungkot sila o nagugulumihanan. Dagdag pa, maraming kabataang may problema sa pag-aasal ang may karamdaman din sa depresyon.
Sa kabilang banda, ilang kabataang nagbabalak magpatiwakal ang maaaring itinulak ng ilang suliranin gaya ng nagbibigay-traumang pagtatakwil, pagkainsulto, pagkatalo o pagbagsak. Maraming kabataan ang nabubuyong magpakamatay dahil sa “kanilang kawalang-kakayahan para makipag-ugnayan, pagiging perpekto, pagpupursige para umangat o magpakitang-gilas, pagkritiko ng sarili, wala-sa-reyalidad na pagtanaw sa kamatayan, paghihiganti o pagmamalabis ng kahinaan [their inability to communicate feelings, perfectionism, pressure to achieve or perform, self-criticism, unrealistic view of death, revenge or exaggeration of faults]” (Hicap,9). Marami sa mga kabataang ito ang simpleng nag-aalala at di-sigurado na may obsesyong magustuhan. Inilalagay nila ang kanilang sarili sa mataas na pag-asam at pinipilit ang kanilang sarili ngunit laging talunan. Isang kaso ng pagpapakamatay na kapansin-pansin ang anak ni Senador Miriam Defensor-Santiago na nagpakamatay matapos makakuha ng mababang marka sa Ateneo Law School at hindi tanggapin ng Pamantasan ng Pilipinas, gayong naipasa na nito ang sulating pagsusulit. Ilan pa sa mga ganitong kaso ay pagbagsak sa pagsusulit, di-napaghandaang pagbubuntis, aksidente (Cuenca), at gulong pangrelasyon gaya ng hayskul sa Ateneo na si Christian Duke Pizarro, na nagbaril sa sarili matapos makipagsayaw ang kasintahan niya sa ibang estudyante noong magdaos ng junior prom (Tubeza).
Bukod dito, ilang kabataan ang nabubuyong magpakamatay sa pamamagitan ng kanilang mga kakulangang sosyal gaya ng pag-iisa, pagkamailap, kawalang-kaibigan, kawalan ng galing sa pakikipagkapwa, kawalang popularidad, hindi pagiging kabilang, kahihiyan sa harap ng mga barkada, katawagang siraulo, tanga o kakaiba, pasaway sa bahay, paaralan, batas o pagiging layas [isolation, withdrawal, friendlessness, lack of social skills, unpopularity, feelings of not belonging, embarrassment before peers, being labeled as ‘crazy’ , ‘stupid’ or ‘different’, in trouble at home, school, with the law or being a runaway]” (Hicap, 9). Maaari ring maging sanhi ng pagpapakamatay ang mga kaguluhan gaya ng hirap sa pagharap sa oryentasyong sekswal at imaheng pangkatawan at suliranin sa pagkain. Ilang pangkapaligirang salik ang maaari ring magpataas ng panganib ng pagpapakamatay gaya ng tangkang pagpapatiwakal ng miyembro ng pamilya o kaibigan, karahasan sa pamilya, suliranin sa paaralan, abusong sekswal o malaking pagbabagong pampamilya (Hicap, 9). Nagdudulot ang mga salik na ito sa damdamin ng kalungkutan, pagkagulumihanan, pagpapadalus-dalos, kahinaan, pagkawala, hinagpis, pag-iisa, mababang morale, galit, pagkakasala, kawalang-pag-asa, pagiging kawawa at pag-aalala na sa sobrang lala ay walang maisip na ibang gawin sa buhay malibang wakasan ito.
Ipinapakita ng estadistika na 64 porsiyento ng mga biktima ng pagpapakamatay mula 10 hanggang 24 taon ang gumamagamit ng baril para tapusin ang balak (Cuenca), kaya nga ang di-nababantayang baril sa loob ng bahay ay malaking panganib. Inihayag ni Dr. Valentin del Fonso Garcia ng Philippine Mental Health Association na mas delikado ang mga babaeng tin-edyer na magbalak magpakamatay kaysa lalakeng tin-edyer, ngunit mas nagtatagumpay sa balak ang mga lalake nang tatlo o apat na beses kaysa mga babae dahil mas determinado silang gawin iyon at gamit ang mas nakamamatay na mga pamamaraan. Nagtatangka namang saktan o patayin ng mga babae ang kanilang sarili sa pamamagitan ng labis na gamot na nainom o paglalaslas (Jara-Puyod).
Sa kabila ng lahat ng mapanganib na mga salik na ito para sa mapagtangkang magpakamatay at nauusong pagpapatiwakal sa mga kabataan, nakaaalarma na kakaunti ang nakaaalam ng ganitong krisis, at para sa mga nakaaalam, ay maaring hindi kayang tumugon nang tama sa pangangailangan ng nagpapakamatay na mga kabataan. Sinabi ni Senador Santiago sa isang panayam kay Laparan na matapos ang pagpapatiwakal ng kanyang anak, hindi tinatratong seryoso at masidhi ang nauusong pagpapakamatay sa Pilipinas dahil
“normal ngunit kalunus-lunos na dahil sa mga gawi ng kultura, ilang tao ang naiisip na dapat supilin ang pagpapatiwakal at hindi dapat inaamin. Kaya nga, bilang epekto, umiiral ang lipunan sa mapayapang katahimikan na mayroong ganitong pangyayari na nakarating sa ating dalampasigan at maaring mas delikado kaysa AIDS dahil naapektuhan nito ang mga kabataan…[“[n]ormally, yet unfortunately, because of cultural norms, some people still think that suicide should be hushed up and should never be admitted. So, in effect, the society is living in blissful ignorance that there is such a phenomenon that has already reached our shores and that it can be deadlier than AIDS because it hits the young people…].” (Laparan)
Matapos ang pagpapakamatay ng kanyang anak, hinimok ni Santiago si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na lumikha ng Youth Suicide Prevention Center, na naglalayong iayon sa hubog ng National Youth Service Prevention Center, ngunit hindi pa aprubado ang pakiusap niya.
Samantala, patuloy na umaakyat ang bahagdan ng pagpapatiwakal sa mga kabataang Filipino dahil maraming tin-edyer ang hindi makapagpakita ng damdamin at kaisipan nila habang nalilito ang mga magulang, miyembro ng pamilya at mga mahal nila sa buhay kung paano tatratuhin ang ganitong krisis. Totoong may tawag ng pagkilos: ang pagpokus sa ganitong isyu lalo na ang gobyerno na siyang may gawaing resolbahin ang kasalukuyang pangangailangan at suliranin ng mga mamamayan.
Pagbangon ng National Center for Suicide Prevention
Naipakita ng mga datos pang-estadistika na lumobo sa huling mga taon ang pagpapatiwakal sa mga kabataan. Gayunpaman, nabubuhay sa pagbubulag-bulagan ang lipunan at hindi kinukunsidera na ang pagpapatiwakal ay kailangang tumanggap ng pambansang atensyon at pag-aalaala ng publiko. Kung mayroon mang National Center for Suicide Prevention in the Philippines na siyang magtataguyod ng kampanya para sa kaalaman, matatawagan, at propesyonal na panggagamot, magiging malay ang mga kabataang Filipino hinggil sa pagpapatiwakal at kaugnay na resulta, na siyang siguradong maghihila sa umaakyat na bilang ng pagpapakamatay sa bansa.
Pangunahing programa ng National Center for Suicide Prevention ang pamamahagi ng kaalaman upang magpunla ng pag-unlad at kamalayan sa mga kabataang Filipino. Itinuturing ang paaralan na isa sa mga mahahalagang institusyon sa bansa sapagkat maraming natututunan ang kabataan dito. Hinuhubog ng mga guro ang mga mag-aaral upang maging mahusay sa pang-akademikong larangan kahit pa nga kakaunting paaralan lamang ang mga paaralang nagsasama ng Pilosopiya bilang bahagi ng kanilang kurikulum. Samakatuwid, dapat bumuo ang Center ng maraming diskusyon sa kampus upang mapaalalahanan ang mga estudyante hinggil sa ilan sa mga salik, sanhi at hudyat na senyales ng pagpapatiwakal. Maaaring psychiatrist o sikolohista ang tagapagsalita o dating mapagpatiwakal na taong makapagsasalaysay ng kanyang personal na karanasan upang maliwanagan ang isipan ng mga kabataanna nagmumuni-muni upang magpatiwakal na. Marapat na makapagtalakayan sila ng mga pamamaraan upang tulungan ang mga mapagpatiwakal, na may napagsasabihang mapagkakatiwalaan dahil ang pagmumuni-muni ng pagpapatiwakal ay isang bagay na hindi dapat inililihim (Chua, 5). Dapat magpakita ang mga kamag-anakan at kaibigang nakapapansin ng depresyon at nasang magpatiwakal ng pag-unawa at magmungkahi ng tulong propesyonal para sa nagugulumihanang tin-edyer. Dapat makapagbigay ng suporta sa mapagpatiwakal ang napagsasabihan o ang medikong propesyonal dahil nakararamdam siya ng ginhawa kung may pagtangkilik at pagsimpatiya sa kanya.
Maliban sa mga awtoridad ng paaralan, dapat na magpa-seminar ang mga grupong simbahan at samahang pangkalakalan hinggil sa mga panganib ng pagpapatiwakal at ang ibubunga ng ganitong padalus-dalos na aksyon. Dapat na maging malay sila sa kasidhian ng suliranin dahil ayon kay G. Philip Chua, manunulat ng Malaya,
“nagpapakita ang estadistikong kinalap mula 1952 hanggang 1992 sa Estados Unidos na ang kabataang pagpapatiwakal sa mga nagkakaedad ng 15-19 taon ay naging triple (386 porsiyento ang itinaas sa nakaraang 40 taon). Pangatlo sa pinakamabagsik na dahilan ng kamatayan ang kabataang pagpapatiwakal sa grupong 15-24 taon, na bumubuo ng 13.7 porsiyento sa lahat ng kamatayan. {[s]tatistics gathered between 1952 and 1992 in the United States show adolescent suicide among those 15-19 years of age has tripled (386 percent increase the past 40 years). Adolescent suicide is the third leading cause of death in the 15-24 age groups, accounting for 13.7 percent of all deaths.} (5)”
At dahil marami nang naiulat na kaso ng pagpapatiwakal dito sa Pilipinas, tila ba sumusunod sa yapak ng Amerika ang Pilipinas kung dami ng pagpapakamatay ang pag-uusapan. Tamang oportunidad ang magpa-seminar para matulungan ang mga kabataang nalilito at napapagod upang maayos nila ang kanilang buhay dangan at makapagbibigayan sila ng mga kalituhan at nakaantabay ang mga kaugnay habang tuluy-tuloy ang usapan.
Bilang bahagi ng programa sa pagpapakalat ng impormasyon, dapat na maglagay ang mga trabahador ng Center ng mga paskil, pakalat at websites na may nakaeengganyong katotohanan, estadistika at datos hinggil sa pagpapatiwakal. Gagawin ito upang matawag ang pansin ng taong inosente sa pag-iral ng suliranin sa pagpapatiwakal at inaasahang tutulong magpigil ng paglago ng mga kaso ng pagpapakamatay. Ibinatay ito sa Yellow Ribbon Suicide Prevention Program na nakatulong na sa libu-libong kabataang walang pag-asa, walang tumutulong at walang kasiguruhan. Mayroon silang website kung saan matatawagan sila ng mga tao at gumawa sila ng mga paskil at pabigay upang paangatin ang kamalayan ng mga tao tungkol sa kanilang mga programa upang malaman ng mga nagbabalak magpapatiwakal kanino hihingi ng tulong.
Dagdag pa rito, maraming isipang madaling mabuyo ang naiimpluwensiyahan ng midya, kung kaya hindi matatawaran ang sektor na ito sa proseso ng pagpapakalat ng impormasyon. Gamay ang mga kabataan sa maraming uri nito at ilan sa kanila ang komportableng patnubay ang midya. Samakatuwid, isa sa maaaring gawin ng Center ang makiusap sa midya upang bawasan ang kontrobersya sa pagpapatiwakal at dahas para lamang maakit ang mga manonood. Dapat itigil ang pagluluwalhati ng pagpapatiwakal sa mga telebisyon, diyaryo at radyo dahil “nagtutulak ito para sa mga sensitibong tin-edyer para isakatuparan ang naiisip at planong pagpapakamatay [it can serve as a trigger for vulnerable adolescents to act on suicidal thoughts and plans]” (Chua, 5). Tinatawag itong “cluster suicides” o “contagion suicides” dahil sa maraming bilang ng nagpapakamatay na maiuugnay sa mga kuwento ng pagpapatiwakal sa mass midya. Halimbawa, tumalon si Yukiko Okada, pnarangalan bilang pinakamagaling na bagitong mang-aawit ng Hapon, mula sa ikapitong palapag ng kanyang pinagrekordang istudyo. Napakatindi ng atensyon ng midya na sa sumunod na 16 na araw, 33 kabataan ang pinatay ang kanilang sarili, 21 rito ang tumalon mula sa gusali. Ilang kanta naman ang rumarahuyong magpatiwakal, gaya ng “Suicide Solution” ni Ozzy Osbourne. May isang linya rito na nagsasabing, “sapagkat nararamdaman mong nabubuhay ka sa kasinungalingan…wala kang tataguan, pagpapatiwakal ang tanging paraan [‘cause you feel like you’re living a lie…where to hide, suicide is the only way out].” Sa kabila ng linya ng kantang ito, hindi dapat ituring na sagot sa suliranin ang pagpapakamatay dahil literal nitong sinisira ang buhay ng isang tao. Kung gayon, hindi dapat ginagawang kontrobersyal ng midya ang pagpapatiwakal, luwalhatiin ang biktima, o palitawing magandang karanasan ang pagpapakamatay o mabisang gamit para maisakatuparan ang personal na mithiin dahil aakalain ng mga kabataang tama ang sinasabi ng midya.
Isa sa nakagaganyak na paraan para pagsama-samahin ang mga ito ang pagdaraos ng isang taunang aktibidad, isang fundraising concert na magpapalaganap ng pagpigil sa pagpapatiwakal, kaalaman at suporta. Maaari itong isang pagdiriwang gaya ng Pandaigdigang Araw ng AIDS na inaalaala tuwing Disyembre 1 para matutunan ang mga nakasisirang epekto ng sakit na ito at pagtibayin ang paglaban dito. Noong 2003, magkatuwang na idineklara ng World Health Organization at International Association of Suicide Prevention ang Setyembre 10 bilang Pandaigdigang Araw ng Pagpigil sa Pagpapatiwakal (Center for Suicide Prevention). Layunin ng araw na ito na magdaos ng mga aktibidad na magpapaangat ng kamalayan ng publiko hinggil sa pagpapatiwakal at ipaalam sa mga kabataang hindi ito ang wastong solusyon sa lahat ng kanilang problema dahil maraming epektibo at di-masakit na alternatibo gaya ng paghingi ng payo at pagpapagamot. Magkagayunman, nananatiling hindi nasasabihan ang mga kabataan. Ilang ang hindi pa alam na umiiral ito, kaya praktikal ang konsyerto para isagawa ang pagpapalaganap. Maaring tumulong ang ilang artista ng midya gaya ni Kyla o ng South Border, na magagamit ang kanilang talento para magpaabot ng mensahe at bawasan ang bahagdan ng kabtaang nagpapakamatay sa Pilipinas. Tungkol sa pagpapayo sa mga kabataan ang konsyerto upang kumilos sila para mapigil ang pagpapatiwakal sa bansa.
Bukod sa programang pagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng iba’t-ibang proyekto, magsisilbi ang National Center for Suicide Prevention bilang klinikang puwedeng dalawin, bisitahin at pagtanungan ng propesyonal na tulong ng mga tao. Sa buong araw, mag-aalok ng libreng serbisyo sa pagtawag ang klinikang ito, kung saan ilang sinanay na boluntaryo o psychotherapist ang aagapay sa mga mapagpakamatay. Kung naiisip ng boluntaryo na kailangang basahing mabuti ang suliranin o kung naiisip ng tumawag na kulang ang hotline para ilabas ang kanyang saloobin, maaaring ikonekta ng tagatanggap sa isang propesyonal na manggagamot ang tumawag upang mabigyan siya ng sesyon ng gamutan.
Maglalaan ang Center ng linya para sa pagpigil ng pagpapatiwakal kung saan may ilang tagatanggap na mamamahala sa mga tawag. Magsisilbi itong libreng bigay-payo para sa lahat ng may suliraning mapagpatiwakal at kanilang pinagtitiwalaan, pamilya at kaibigan upang mapayuhan sila at malaman ang gagawin sa mga minamahal sa buhay na ibig magpakamatay. Samakatuwid, kung kailangan ng isang tao na magsalita tungkol sa kanyang saloobin, maaari niyang tawagan ang numero ng hotline at makasigurong maaalagaan, makakapaniguro at matutulungan siya.
Ayon kay Schneidman, patnugot ng librong Essays in Self-Destruction, may limang hakbang na kailangan para magamot ang mapagpatiwakal na pasyente:
(1) Pagbuo ng relasyon—pagpanatili ng kontak at pagkuha ng impormasyon; (2) Pagkilala ng at pokus sa sentro ng suliranin; (3) Pagtataya ng potensyal sa pagpapakamatay; (4) Pagtataya sa mga kagamitan at pagpapakilos ng panlabas na kagamitan; at (5) pormulasyon at pag-uumpisa ng planong panggagamot. (388)
Kung sinagot ng sinanay na boluntaryo o psychotheprapist ang tawag
mula sa biktimang mapagpakamatay, kailangan niyang lumikha ng matibay at positibong relasyon sa kanyang pasyente para magtagumpay ang panggagamot. Kailangang mag-alok ng pag-asa at tulong ang manggagawa at tanggapin nang buung-buo ang kanyang pasyente at mga problema nito. Pagkatapos, kailangang makakuha ang manggagawa ng ilang impormasyon tungkol sa pamilya nito, mga kaibigan at kapaligiran upang makilala ang ugat ng suliranin at mataya ang potensyal ng pagpapakamatay. Pinakalayunin ng manggagawang panatilihing buhay ang kausap, upang mataya ang potensyal ng pagpapatiwakal ng tumatawag base sa kanyang gulang at kasarian, balak na pagpapakamatay, kaguluhan, sintomas, kagamitan, karakteristikong pagkilos, pakikipagtalastasan, reaksyon ng mga minamahal sa buhay, katayuang pangmedikal, at dating ugali ng pagpapatiwakal. Matapos ituring ang lahat na impormasyong nakalap mula sa tumatawag, magtataya ang manggagawa ng pormulasyon ng planong pamamahala. Responsible ang manggagawa sa pagdetermina kung ang tumatawag ay ilalapit sa psychiatrist, psychiatric na ospital o klinika, o bibigyang- payo sa telepono.
Kung ang pasyente ay nangangailangang masuring mabuti,
rekomendado ang pakikipagtipang gamutan sa isang propesyonal na psychiatrist. Isang tamang hakbang ang gamutan sa isang hotline dahil magbibigay ito ng direktang relasyon sa pagitan ng tumatawag o pasyente at manggagawa o manggagamot. Dapat itong magbalik ng larawan ng kaayusan, upang tulungan ang pasyente at ang kanyang pamilya at mga kaibigang muling makapagkontrol, at buuing muli ang sitwasyon upang mas malinaw itong makita at mas tamang aksyon ang isasagawa.
Kailangang kumonsulta ang isang mapagpatiwakal sa isang makatutulong na magaling na psychiatrist dahil ang huli ay makaaalam ng sakit ng isang pasyente at kung paano gumagana ang kanyang katawan at utak (Nichols, 15). Higit pa ito sa isang pagpapayo sapagkat hindi lamang kakausapin, sesermunan o pagpapayuhan ang pasyente; manapa, bibigyan siya ng preskripsyon ng gamot para sa mas mabuting kalusugang pangkaisipan at pangdamdamin. Maraming tao ang magsasabi sa isang pasyente na humingi ng tulong ng espesyalista dahil ang paghingi ng tulong propersyonal ang pinakamahusay na desisyong magagawa para gumaling sa sakit.
Gaya ng unang hakbang sa gamutan, magbubuo muna ng ugnayan ang espeyalista at pasyente upang maging kumportable ang pasyente sa pagsisiwalat ng kanyang suliranin at upang matulungan naman ng espesyalista ang pasyente sa kanyang alalahanin. Mabisa ang ugnayang gamutan at pagkakaibigan para magtagumpay ang gamutan at dapat na ipagpatuloy (Rudd, Joiner and Rajab, 12). Dapat na mabigkis ang ugnayan ng dalawa at pagkakaibigan sa isa’t isa upang magtiwala at dumepende ang pasyente sa espesyalista at upang ang huli ay patuloy na mag-aruga sa una hanggang ito ay hindi na muling magbalak magpakamatay. Dapat na aktibo, alerto at marunong ang espesyalista upang magawa ang lahat para matulungang maiahon ang biktima sa kanyang mahirap na sitwasyon at panahon sa buhay.
Isang halimbawa ng kaguluhan ang depresyon na dapat mabasa sapagkat ang hotline ay hindi sapat para makatulong sa kanya. Sanhi ng sakit sa isip ang 95% ng lahat ng pagtatangkang magpakamatay; depresyon ito at kulang ang pakikipag-usap sa telepono kasama ang kaibigan o mahal sa buhay sapagkat nakararamdam sila ng paghihirap at kawalang pag-asa sa isang sitwasyon na hindi basta-basta matugunan. Samakatuwid, kailangang magmungkahi ang espesyalistang uminom ng mga gamot pang-alis ng depresyon ang pasyente. Doble ang tsansa ng paggaling ng pasyente sa loob ng isang buwan sa paggamit ng partikular na gamot pantanggal-depresyon (Aboede, 28). Maidagdag pa, kailangang tratuhin sa isang propesyonal na gamutan ang mga sakit sa isip.
Upang matulungan ang mapagpatiwakal at kanilang kamag-anak, kailangang mapunan ng iba’t ibang materyales ang Center sa pamamagitan ng pagsasagawa ng regular na pananaliksik sa mga tendensya ng pagpapakamatay ng bawat indibidwal. Nag-iiba-iba ang tendensya ng pagpapakamatay ng magkakaibang gulang. Dapat na mag-sarbey at isaayos ang estadistikang makakalap upang maihanda ng Center ang mga impormasyong kailangan sa gamutan ng mga pasyente.
Dapat na maihanda ang mga impormasyong kakailanganin sa pagtaya ng potensyal sa pagpapakamatay. Kakayanan ito ng isang pasyente na wakasan ang kanyang buhay at magkakaiba ang tendensyang ito sa bawat tao. Halimbawa, mas maigting ang pagpapakamatay ng mga naninigarilyo kaysa hindi naninigarilyo.
Dulot ng maraming salik ang pagpapakamatay. Malawak ang mga dahilang ito, mula depresyon o lubhang pagdurusa. Nitong huli, kasama na sa mga salik ang paaralan, tulad ng kaso ni Alexander Santiago na pinatay ang sarili matapos lumagpak sa pagsusulit para makapasok sana sa isang nangungunang pamantasan. Gawain ng Center na makiuso sa mga gawi at teknolohiya upang malaman ang mga posibleng dahilan ng pagpapakamatay sa hinaharap.
Ilan ang nagsasaad na hindi isang pagpili ang pagpapakamatay. Pinapatay ng ilang tao ang kanilang sarili dahil nakararanas sila ng dusang hindi nila makayanan. Posibleng bumaba ang tumataas na bilang ng kabataang pagpapakamatay kung makaimbento ng pang-alis-sakit, na maaring sa porma ng gamot, bagay o makinang makapagpapaginhawa sa pagdurusa ng biktima, at makapagpapagaling sa kanya.
Inaasahang Pagtuligsa
Sinusuportahan ng pananaliksik ang mga inilaang solusyon para sa suliraning inilarawan ngunit maaaring tuligsain ang pagtatayo ng National Center for Suicide Prevetion sa Pilipinas ay walang bentahe dahil mahirap na bansa ito at kasalukuyang may krisis-pang-ekonomiya. Saan naman kukuha ang bansa ng perang pampatayo ng ganitong institusyon? Dahil masidhing problema ang pagpapatiwakal at dapat na matugunan agad, dapat na maglaan ng pondo ang pamahalaan sa paglikha ng ganitong Center. Maaaring maraming mapanira ang magsasabing dapat unahin ng gobyerno ang mas mabibigat na isyu. Subalit paano makakayang tumunganga ng isang bansa at mga lider nito samantalang nangamamatay ang mga kabataan at wala silang magawang solusyon dito? Itinuturing ng Estados Unidos na masidhing isyu ang pagpapatiwakal ng mga kabataan kaya nagbangon ito ng National Center for Suicide Prevention. Dapat na tularan ng Pilipinas ang nasabing prinsipyo. Maaari ngang hindi mapera ang Pilipinas para balikatin ang buong badyet para sa mungkahi kumpara sa Estados Unidos, ngunit puwede namang papag-isahin ang mga pribadong sektor ng mga negosyante o non-government organization na nakatuon na ang pansin sa kalusugan at edukasyon ng mga kabataang Filipino. Samantalang marami nang samahang nag-iilak para paunlarin ang mga pag-asa ng bayan, ngunit wala pang Center kung saan magtatagpu-tagpo silang lahat at mamamahala sa pagpigil at pagtrato ng mga mapagpakamatay. Hindi dapat pabayaan ang mga mamamayan ng bansang ito. Habang may mga mamamayang gustong tugunan ang ganitong krisis, kulang ang kanilang oportunidad para tumulong. Sa pagtatayo ng National Center for Suicide Prevention, makagagawa ng pondo ang mga mamamayang ito na maipantutustos sa mga partikular na proyektong pinaniniwalaan nila. Karaniwang pamilya o mahal sa buhay ng mga biktima ang mga mamamayang ito. Ang binanggit na programang Yellow Ribbon Suicide Prevention na itinayo sa Estados Unidos ay ibinangon ng isang nagluluksang inang ang anak ay nagpakamatay. Puno ng hangaring mapigil ang ibang kabataan sa paggawa ng parehong pagkakamali at maiwasan ng ibang pamilya ang mapait na karanasan, nangampanya ang inang ito para mapalawak ang kaalaman at kasidhian ng pagpapatiwakal sa mga kabataan.
Isa sa mga isinulong na solusyon para paangatin ang kamalayang Pilipino sa lumulobong mga kaso ng pagpapakamatay ang pagpapakalat ng impormasyon sa mga kumperensyang pampaaralan. Isa sa mga pagtuligsa ang kawalan ng epekto sa pagpapalaganap ng pagpigil ng kabataang pagpapatiwakal dahil magrereklamo ang mga estudyante na masyado silang abala para dumalo at makinig sa nakababagot at inutil na diskusyon. Iminungkahi ni Santiago na ikompromiso ang mga estudyante sa mga kursong etika at pilosopiyang moral, upang malaman at mabigyang-kahulugan ang depinisyon at kahalagahan ng buhay. Isa ang Ateneo de Manila University sa mga paaralang kasama ang pilosopiya at etika sa buod ng kurikulum. Malaki ang bentahe ng pagdalo ng mga estudyante sa mga klase sa pilosopiyang nag-uudyok sa kanilang pakinggan ang mga pagtitipon para sa pagpigil ng pagpapakamatay sa pagbibigay ng sapat na oras para madaluhan ito; sa parehong paraang sapat ang oras para daluhan ng mga estudyante ang mga dula para sa mga klase ng Ingles at Panitikan, pagdalo ng pabasa ng tula, usapang kalakalan, oryentasyon, seminar at partisipasyon sa usapan sa kalinisang pangkatawan, usapan sa karera at pagpili ng dalubhasaan para sa programa ng patnubay sa hayskul. Integral sana ang usapang kampus sa mga kurikulum, at para mamintina ang interes ng nakikinig, dapat na masinsin ngunit malaman upang maganyak ang mga mag-aaral na makinig at makiisa, mataya ang kausuhan ng pagpapatiwakal sa Pilipinas at gumawa ng aksyon hinggil dito.
Isa pang mungkahi ang pagkontrol ng pagluluwalhati ng pagpapakamatay sa telebisyon, pelikula at musika. Subalit tutuligsain ng mga kritiko na hindi mapipigilan ang midya sa pagpapakontrobersyal ng pagpapatiwakal at dahas dahil makaaapekto ito sa kanilang bahagdan ng manonood. Ang lantarang pagpapakita ba ng pagpapakamatay at dahas ang tanging paraan ng midya upang mahalin ng kanilang manonood? Bukod dito, may mga sensor na para sa mga programang pantelebisyon at pelikula na itinuturing na hindi maayos at imoral para sa madaling mahubog na murang kaisipan. Naisyuhan ng mga babala ang mga artistang sina Regine Velasquez ar Zsa Zsa Padilla dahil sa pagsusuot ng seksing mga damit na naglalabas ng bahagi ng kanilang dibdib. Ilang programa sa ABS-CBN ang nasuspinde gaya ng Victim ni Carlos Agassi dahil sa mga kasiraang mental at emosyonal sa ibang tao. Dahil may pundasyon na ang mga sensor sa telebisyon, palalawakin na lamang nito ang panunuri upang maisama ang mga palabas na nag-aangat ng tendensya ng pagpapatiwakal at dahas sa mga kabataang Filipino. May masidhing pangangailangang paliitan ang kontrobersya sa midya dahil sa lumalaking bahagdan ng “cluster suicides” na resulta sa mga kabataang madaling marahuyo ng mga imahen at musikang nadarama nila. Bukod sa pagpapanipis ng pagluluwalhati ng pagpapakamatay, maaaring magamit ng pamahalaan at Center ang midya sa pagpapalaganap ng mga proyekto at kaugnay na impormasyon nito.
Kaugnay ng serbisyong hotline, maaaring tuligsain ang pagiging impersonal nito dahil hindi magkaharap ang magkausap, taliwas sa pagbisita sa isang espesyalista na makasasaksi sa lahat ng emosyon, pakiramdam at asta ng pasyente. Dagdag pa, mas may kontrol at maigigiya ng tumatawag ang proseso ng gamutan kung gugustuhin niya dahil puwede niyang putulin ang panayam bilang reaksyon sa kagustuhang putulin ang tawag. Kahit pa maging totoo ito, ipinapakita ng estadistika na mahigit 95 porsiyento ng mga kaso sa Suicide Prevention Center sa Los Angeles ang ginawa muna sa pamamagitan ng kontak sa telepono. Sa 50 porsiyento ng mga tawag, kumokontak muna ang mismong pasyente at ang iba ay isinasagawa ng ibang tao (Shneidman, 387). Pinapatunayan nito na epektibo ang suicide prevention hotline dahil mataas ang bilang na ito ng mga tumatawag na may tendensiyang magpakamatay.
Isang suliraning kakaharapin ng hotlines ang mas malaking tulong na magagawa ng pakikipagkita ng pasyente sa isang espesyalista kaysa simpleng pakiipag-usap lamang dito. Kung ang pangangailangang tumawag ay masyadong impersonal, maaaring hindi na muling kumontak ang pasyente. Samakatuwid, dapat imungkahi ng sinanay na boluntaryo na tumawag muli ang pasyente at sabihing walang dapat ikahiya sa paghingi ng tulong. Kung hindi ito gagana, makaaagapay ang mga taong pinagtitiwalaan ng pasyente, pamilya at kaibigan sa pagkonsulta sa tulong propesyonal na inilalaan ng hotlines.
Isama pa rito, ano ang mangyayari kung walang pera ang biktima at kailangang suriin siya sa pamamagitan ng propesyonal na gamutan? Saan siya hahagilap ng pambayad sa psychotherapist na tutulong sa kanya sa kanyang mga tendensya? Hindi naman lahat ng gamutan ay mahal. Maari siyang kumunsulta sa mura dahil ang mahusay na gamutan ay hindi depende sa dami ng pambayad kundi sa kasanayan ng boluntaryo o propesyonal. Kung wala pa rin siyang sapat na pera para rito, maaari siyang humanap ng tutulong magbayad dahil marami namang mababait na taong bukas sa loob na magbayad para sa kapus-palad.
Pagpapababa ng Pagpapatiwakal ng kabataang Filipino
Malinaw na umabot na sa nakatitigatig na yugto ang bahagdan ng pagpapakamatay ng mga kabataan sa Pilipinas. Tila may dalawang uri ng reaksyon para sa ganitong partikular na eksena: may ilang taong sumusubok maging ‘di-kasangkot at manatiling walang pakialam sa lumalaking bilang ng kabataang pagpapakamatay, samantalang tumutulong ang iba ngunit walang ideya kung paano pumalaot sa proseso. Kailangan ngang magbangon ng National Center for Suicide Prevention. Magbibigay ang Center ng impormasyon at pagtataya ng mga istratehiya para mapigilan ang pagpapatiwakal, ng libreng serbisyong hotline at propesyonal na gamutang magpapanipis ng lumalalang pagpapakamatay sa mga kabataang Filipino. Ipapalaganap ang mga impormasyon tungkol sa mga dusang nakaaapekto sa pagpapatiwakal o mga senyales at sintomas ng isang nagbabalak magpakamatay sa mga usapan sa paaralan, seminar, konsyerto, paskil sa midya, at opisyal na website. Magsisilbing klinika rin ang Center, kung saan maihahandog sa nangangailangan ang propesyonal na gamutan at tulong. Magtatayo at magsasagawa ng hotlines kung saan may mga manggagawang may karanasan sa pamamahala sa larangan ng pagpapakamatay ang handang umagapay. Dahil ang mga gawi at salik ng pagpapakamatay ay nag-iiba-iba at tumitimpla sa panahon, mahalagang mabigyan ang National Center for Suicide Prevention ng mga bagong impormasyon na posible lamang kung may patuloy na pananaliksik gawa ng mga miyembro ng mamamahalang samahan sa Center.
Nilalayon ng Center na tulungan ang mga taong apektado at ‘di apektado
sa lumalalang kaso ng mga kabataang nagpapakamatay sa Pilipinas. Bibigyan ang mga Filipinong kabataang dumudulog sa Center ng mahalaga at propesyonal na atensyon sa pamamagitan ng iba’t-ibang pasilidad gaya ng panggagamot, website at tatawagang kontak numero. May mga grupo at indibidwal ding walang magawa kung paano makikisangkot sa laban ng mga kabataang pagpapakamatay, na matutulungan ng Center sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bagong impormasyon tungkol sa ganitong mga kaso. Sa presensya ng National Center upang ikalat at ipaalam sa tao ang kasagsagan ng sitwasyon ng mga nagpapakamatay, maiisip ng mga walang pakialam na makisangkot sa laban dahil ang pagkaubos ng batang populasyon ng bansa ay makaaapekto sa kanila sa kalaunan. Kinakailangan ng pakikipagtulungan ng bawat isa upang mapababa ang bilang ng mga kabataang nagpapakamatay.
Totoo ngang nakapaghahandog ng kinakailangang impormasyon, panggagamot at serbisyo ang pagtatayo ng National Center for Suicide Prevention para sa lahat ng tin-edyer at kabataan at kani-kanilang pamilya hanggang ang pag-uso ng pagpapatiwakal ng kabataan sa Pilipinas ay bumaba nang tuluyan.